Akin ngayong susubukan ang magsulat gamit ang ating sariling wika. Ako ay naniniwala na madali nating mailabas ang ating saloobin kung tayo ay gagamit ng wikang tayo ay pamilyar. Ika nga ni Rizal, ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda, ngunit hindi rin naman masama na gumamit ng banyagang salita lalo ka kung ito ang wikang ginagamit ng mundo. Nais kong isulat muli ang aking mga naging karanasan noong bata pa, ika nga nila, wala ng sasaya pa sa panahon ng ating kabataan. Sa aking nakaraang artikulo, nasimulan ko ng ikuwento ang aking buhay, kung saan ako ipinanganak, ano ang mga nangyari sa akin at ano ang buhay na meron ako noong ako ay bata pa. Ngayon, samahan niyo akong tuklasin ang mundo ng aking nakaraan at muling hanapin ang sagot sa kasalukuyan. Gaya nga ng aking naikuwento, ako ay lumaki sa aming probinsiya, ang buhay ay di marangya ngunit puno naman ng saya. Yung tipong anjan na ang mga gulay at prutas naghihintay na mapitas upang makain. Sariwa ang hangin, malayo sa gulo ng Manila. Kung saan man tumingin makikita ang malalawak na bukirin, kasabay ng kagandahang taglay ng malawak na karagatan. Mga ibong nagsisiawitan, nagpupunyagi sa ganda ng paligid. Naroon din ang sari saring puno at halaman na sumasayaw sa ihip ng hangin. At sa gabi, makikita ang kagandahan ng bituin sa kalangitan, kasabay ng pagkislap nito't animoy sumasabay sa nararamdaman. Wala na ngang mas masaya pa sa buhay na simple lang.
Masaya akong naranasan ang mga ganoong bagay, lumaki sa hirap ng buhay, natutong kumayod at maghanap ng sariling makakain. Mahirap man ang buhay ay nagpapasalamat padin at ako ay nakapag aral, may mga leksyong natutunan na nadadala maging sa bahay. Naranasan ang kabataan na puno ng saya at malaya sa kalungkutan. Natutong makipagkaibigan na kahit anong pagsubok ay di kayang tibagin, maging ang panahon ay di ito kayang sirain. Sa paaralan ako unang natuto ng magagandang asal na hanggang ngayon ay aking dala dala, natutong gumalang at naging mapagkumbaba. Sa paaralan marami akong nakilala, mga ibang bata na nais lang din sumaya, pagkatapos ng klase ay sabay sabay lalabas at maglalaro sa malawak na damuhan. Akin pang naalala ang mga laruan noon, patintero at batuhan ng bola na gawa sa dahon ng niyog. Masaya akong nakakagawa ng ganoong bagay, sapagkat sa aking panahon ang modernong laruan ay hindi pa uso. Sumasabay lamang sa kalikasan at ginagamit kung ano meron ito. Gumagawa din ng baril gamit ang saging, doon ako magaling. Minsan kapag wala akong ginagawa, sa bukid ako ay gumagala. Dala dala ang itak at maghahanap ng puno ng saging, kapag susuwertihin ay makakahanap ng prutas sa puno. Kahit na mataas ay gagawa ng paraan para lamang makakuha. Hindi ako natatakot mag isa sa gubat dahil ako ay sanay na, kahit na alam kong maraming elemento sa kagubatan ay gumagala. Akin lamang sinasabj ay tabi tabi po, yun ay isang respeto sa ibang nilalang na hindi nakikita. Ngunit ang pinakamasaya ay makasama ang mga kapatid at pinsan, sa tuwing kumukuha ng tuyong puno sa kagubatan ay parang hindi napapansin ang oras. Yung tipong puro kwentuhan at tawanan ngunit di napapansin na wala pang nakukuhang kahoy. Kasabay ng pagkuha ng kahoy ay ang paghahanap sa tambo, iyong maliliit na kawayan na masarap iluto, ihahalo sa kalampay kasabay ng gata ng niyog. Kapag sinuswerte ay nakakauwi kami ng tambo, ito ang magiging ulam sa tanghalian at ang aking lola ang magluluto. Pagsapit naman ng gabi ay naghahanda na kami, kami ay kakain muna at aalis ng alas siyete.
Dala-dala ang sisidlan at ilaw, kaming magkakapatid at ang aking lola ay maglalakad papunta sa lawigan, lugar sa aming probinsiya. Doon kami uupo sa tabi ng dagat, mwghihintay na mailapag ang sahid upang ito ay mahila. Kapag maayos nang nailatag sa karagatan, ang mga tao ay tulong-tulong sa paghila ng lubid. Sa aming probinsiya, tinatawag namin itong sahid. Pag matagumpay na nahila ang lambat sa gilid ng dagat. Ito na ang oras para ilatag ang mga banyera, doon ilalagay zng mga isdang nahuli, minsan may hipon at pusit pang kasama. Kung susuwertihin ay napakaraming huli, ang ibig sabihin ay marami rin ang maibibigay sa amin. Nasubukan ko narin na magpuyat, kasagsagan noon ng maraming huli kaya kami ay magdamag sa tabi ng dagat. Aking naalala, kami ay nagugutom noon, kami ay lumapit sa mga banyera at kumuha ng pusit para iluto sa apoy. Napakasaya naman habang kami ay nagluluto ng pusit, sapagkat iyon ay sinasamahan ng kuwento at halakhak ng mga batang kasama namin. Masayang balikan ang nakaraan, sana muli ko itong maranasan, hindi man ngayon ngunit sa paglipas ng panahon ako ay tatanda, muling matatandaan ang karanasan ng aking pagkabata.
Mensahe mula sa Tagalikha:
Ang paglikha ng tagalog na artikulo ay aking naisipan, malaya mong wag basahin kong hindi mo nagustuhan. Ngunit kung nakaabot kana dito, jbig sabihin ay nabasa mona. Salamat ng marami sa iyong pagbabasa.
Ang ating sariling wika ay dapat natin ipagmalaki at dapat ating gamitin dahil sa magagaling tayo natutunan naten ang mga ibang salita pero wala ng mas tutumbas pa sa ating wikang filipino ako ay filipina buo ang aking loob proud ako hindi ako magaling sa pang ingles kaya ako ay hinahangaan ka dahil sa pag gamit mo ng ating wika . Tama ka masarap buhay dati kesa ngayon kahit mahitap o mayaman dati nagagawa natin maglaro sa lansangan hindi kagaya ngayon puro ang cellphone ang hinahawakan