Short story that depicts poverty and its fruit
Napadpad ako sa kalsadang ilang taon ko ng tinatahak. Anong panahon na ba ako nabubuhay? Ako ba’y nasa kasalukuyan? Hinaharap? O hindi na nakaalis sa nakaraan. Nakita ko na dati pa ang mga musmos na namamalimos sa daan, mga may sakit na hindi na makatayo sa kanilang higaan. Nakita ko na sila dati, bakit nakikita ko parin sila ngayon? Naguluhan ako ngunit patuloy akong naglakad. Naririnig ko parin ang pag-iyak ng mga sanggol, ang iba’y iniwan ng kanilang ina ang iba nama’y gutom at hindi kumportable sa lugar na kinalalagyan nya. Nakasalubong ko rin ang mga matatandang nanghihina, walang nag-aalaga. May mga binata ring nag-aagawan sa kakarampot na tinapay, na halos magkasakitan na para lang mapawi ang kumakalam na tyan. Ang mga dalaga ay abala sa pag-aalaga ng mga bata, minsa’y maguguluhan ka kung ito ba’y anak nila o sadyang tagapag-alaga ng anak ng iba upang kumita ng pera. Minsan napapa-isip ako, ang mga batang ito ay dapat nasa paaralan, dapat natututong magbasa at magsulat upang magkamit ng maayos na buhay sa hinaharap, ngunit andito sila sa lugar na ito ginagawa ang mga gawaing hindi angkop sa kanilang pagkatao.
Ang sakit na sa mga mata ng aking nakikita nakakabingi narin ang aking mga naririnig. Gusto ko ng tumigil sa paglalakad at lisanin na ang lugar na iyon ngunit nabangga ko ang isang binatang lalake. Bakas sa mga mukha nya ang takot, nanginginig at puno ng pawis ang kanyang katawan, hinahabol nya parin ang kanyang hininga. Sinubukan kong tanungin kung ano ang kanyang problema ngunit mabilis syang tumakbo palayo, at kasunod naman nito ang putok ng baril mula sa pulis na sakanya’y humahabol. Bigla akong nahilo at nandilim ang aking paningin, tila ba nanghina ang aking mga tuhod at nadarama ko ang pagbagsak ng aking katawan.
Nagising ako. Pawis na pawis ang buong katawan at hinahabol ang hininga. Lumingon ako sa apat na sulok na kwartong kinalalagyan ko. Napangiti ako ng mapait ng makita ko ang mga bakal na naghihiwalay sa mga taong malaya at sa mga katulad ko. Rehas. Nasa likod nga pala ako ng mga bakal na ito. Nasagot ang aking katanungan. Nabubuhay ako sa kasalukuyan, at binabangungot ng nakaraan. Ako nga pala ng binatang lalake na hinahabol ng pulis, limang taon na ang nakakaraan. Nahuli akong nagnakaw ng kapirasong tinapay at kaunting salapi sa isang babaeng mayaman, kung tutuusin ay walang wala naman ito kumpara sa salapi na meron sya ngunit dahil asawa pala ito ng pulis ay hinabol ako hanggang sa ako’y mahuli. Nais ko lamang may makain ang aking mga kapatid, nais ko lamang mapainom ng gamot ang aking ina pero isa ako sa mga taong walang sapat sa salapi. Walang sapat na edukasyon at kakayahan upang kumita ng pera sa mas marangal na paraan.
Isang tagos pusong akda muli ang aking nabasa. Ipagpatuloy mo lamang iyan! Andito kami para sumuporta💕