Galit. Limang letrang kay hirap kalimutan.
Mahirap kalimutan dahil ito ang siyang dahilan kung bakit hindi na kita kayang kalimutan.
Galit na nauwi sa kilig hanggang sa muntikan ng masiraan ng bait.
Bait---ang tanging aking naririnig sa tuwing ikaw ay tinatanong sa yung mga kaibigan walang halong pait.
Walang halong pait ang kape sa umaga na unang beses kong natikman ang timplang nanunuot sa tamis.
Sobrang tamis ng iyong mga ngiti sa labi kasabay ng pagkislap ng iyong mga matang bumihag sa aking puso na ibig ng magpumiglas sa pagkakagapos na halos nakakulong sa loob ng isang taon.
Isang taong halos makalimutan ang mukha ng pag ibig.
Pag ibig na siyang tumutunaw sa nagyeyelong lamig na dulot ng pagtataksil.
Pag ibig na siyang pumuksa sa nakakahawang sakit na dulot ng kasinungalingan.
Kasinungalingang pilit na isinusubo sa aking bibig habang ika’y nagnanakaw ng halik.
Halik na una kong naramdaman sa aking noo habang ako’y yakap yakap mo.
Yakap yakap ko ang unang paulit ulit na naiiyakan bawat gabi mula nang ako’y winasak mo.
Winasak ng mga salitang mas matalim pa sa kutsilyo na nababahiran ng pagkukunwari.
Pagkukunwaring unti-unting binibilog ang aking ulo sa pag aakalang ako’y mahal mo.
Mahal, mahal mo lang pala ako.
Mahal mo lang pala ako, kahapon at ngayon.
Bukas? Sa mga susunod pang araw? Sa mga susunod na lingo, buwan at taon?
Siya na ulit? O siya pa rin?
Walong taon. Sa loob ng walong taon, nandun ako.
Walong taon, pero siya pa rin talaga? Pero nasa’n ako?
Nasa’n ako nung ika’y halos mabulag na sa sobrang galit, sakit, pait na ibig ng manakit?
Mapanakit na mga salitang nakakabingi, nakakarindi.
Ibig kong manumbat , manakit, subalit naisip ko, huwag nalang.
Ako’y mananahimik nalang sapagkat sa bandang huli, ako’y hindi maaaring
Iyong piliin. Kasi sa simula palang ako’y talon a.
Awat na, andyan na siya. Nagbalik na siya.
Magsisimula parin tayo sa umpisa.
Magsisimula pa rin tayo sa limang letra na kung saan tayo unang beses nagkakilala.
Galit. Galit pa rin ako. GALIT na galit pa rin ako. Pero hindi na dahil sa’yo.
Galit na galit ako dahil sa sarili ko. GALIT ako dahil sa pagkakataong ito masasabi kong
“Mahal, MAHAL PA RIN KITA.”
Ang ganda...mga alalang bunga ng pagmamahalan marami mang masakit nakaraan,di mawawaglit na mahal mpa rin..