Sa tinagal-tagal ng panahon na kilala kita, hanggang ngayon, ako ay nagugulumihanan pa rin dahil hindi kita maunawaan. Para bang isa kang estrangherong paulit-ulit kong nakikita ngunit hindi pa rin makilala. Sa bawat pagtitig ko sa iyo, tila lumalayo sa aking isipan kung sino ka nga ba. Unti-unti kong napagtatanto na hindi ko pa lubos malaman ang tunay na ikaw at marami pa akong dapat malaman tungkol sa iyo.
Alam mo bang palagi kong napapansin ang iyong buhok. Hindi naman magulo at parati mong sinusuklay subalit kita kong hindi maayos ang pagkakagupit. Maiksi ngunit may mga hiblang mas mahaba at mas maiksi pa. Hindi pantay-pantay na para bang pinagpapasan ng galit ang paggupit dito. Ikaw ba ang gumugupit ng iyong buhok kaya ganyan? Tinanong ko sa iyo iyan. Ngumiti ka lang at sinabi mong para sa iyo, maganda naman ang gupit mo dahil parang nagiging kakaiba ka dahil dito. Kaya lang, pansin kong may mas malalalim pang dahilan dahil sa ngiti mong may halong kalungkutan.
Palagi naman. Palagi kang nakangiti ngunit alam kong may nakatagong lumbay sa mga ito. Sa likod ng nakasisilaw mong ngiti ay tila pagsubok mong iwala sa isip mo ang mga problemang nanggugulo sa iyo. Tanong ko, iyang mga problema mo ba’y ginugulo ka tuwing alas tres ng umaga? Ginigising ka ba nito at hindi ka na pinapatulog? Sabihin mo sa’kin, ganoon nga ba?
Kita kong palagi kang puyat. Mga mata mo ay tila pinipilit mong panatilihang bukas. Pinipilit mo ang sarili mong pagmukhaing buhay at masigla upang maipakita sa ibang wala kang dinadalang problema. Ngunit, alam ko.
Alam kong nahihirapan ka na. At dahil alam ko iyan, ako ay nasasaktan. Pinapakita mong malakas ka kahit sa kaloob-looban mo’y nanghihina ka na. Unti-unting gumuguho ang iyong pagkatao at ang iyong puso’y unti unting winasak-wasak ng sarili mo.
Minsan, sa tuwing may kumakausap sa iyo, hindi mo marinig. Sa tuwing tinatanong ka, minsan, kakaiba ang iyong sagot. Para bang, nawawala ka at nalilito.
Nariyan ka sa harap nila ngunit ang isip mo’y malayo kung nasaan ka. May mga naririnig ka bang kakaiba? Naalala kong gumawa ka noon ng tula. Sinabi mong nakaririnig ka ng mga boses. Mga boses na nagsasabing wala kang kuwenta at wala kang puwang sa mundo. At ang mga boses na iyon ay hindi galing sa ibang tao bagkus ay galing mismo sa iyo.
Ganoon nga ba? Bigla-bigla ka bang pinanghihinaan dahil mismo sa negatibo mong pag-iisip? Kaya ba bigla-biglang nag-iiba nag iyong timpla sa panahong masaya ka dahil sa mga tinig na ibinababa ka? Ngunit tila nasasanay ka na sa mga boses na gumugulo sa iyong isipan. Ang mga malalakas na tinig na iyon ay unti-unti nang nagiging bulong na nagpapatulog sa iyo sa gabi. Subalit, masakit pa rin, hindi ba?
Maganda ka. Iyon ang sabi ng karamihan. Mahaba ang iyong mga pilikmata at ang iyong mga labi’y nakakapang-akit. Ngunit, kahit anong sabihin ng iba upang iangat ka ay binabalewala mo dahil mas malakas ang mga pagpapababa ng sarili mo.
Para sa iba, mapagkumbaba ka ngunit ang totoo’y sobra ka pa sa mapagkumbaba dahil binababa mo na ang sarili mo sa pinakamababa. Hindi iyan nakabubuti kung hindi ay nakasisira.
Matalino ka. Nasasagot mo ang mga tanong sa mga pagsusulit at mabilis mong naiintindihan ang mga leksyong itinituro nila. Nakasusulat ka din ng mga komposisyong may magagandang ideya. Magaling ka sa matematika at madali mong nauunawaan ang mga ipinasasagot nila. Ngunit, para sa iyo, hindi ka ganoon katalino. Minsan ay sinasabihan mo ang sarili mong mangmanng dahil parati kang nagkakamali at hindi mo maintindihan ang ibang tao. Wala kang tiwala sa sarili mo. Bakit ka ganiyan? Magaling ka ngunit tila may sakit ang iyong pag-iisip dahil wala kang tiwala sa sarili mo.
Sabi nga nila, di bali nang ibaba ka ng ibang tao, wag lang ang sarili mo. Napaahirap pag tayo mismo yung walnag tiwala sa sarili natin :(