Pagdilat ko ng aking mga mata, una kong napansin ang mga maskarang suot ng mga tao sa kalsada. Maskarang hindi ginagamit sa mga sayawan at palabas kundi mga maskarang gamit sa ospital. Hindi ko rin alam kung ano ba ang nangyayari sa paligid, tila may matinding problemang kinakaharap ang bayan na hindi ko man lang nabalitaan. Bakit kay raming mga pulis ang nakabantay? Ano ba itong Covid-19 na aking naririnig? Ako’y naguguluhan sapagkat ako’y isang batang-lansangan lamang.
Isa ako sa mga batang may pangarap ngunit sa kasamaang-palad, nabuhay sa ganitong sitwasyon - walang magulang, walang tahanan, walang makain, walang pinag-aralan, walang-wala. Aking naririnig na isang problemang kinakaharap ngayon ng bansa ay ang isang pandemic. Sa una, hindi ko maintindihan kung ano nga ba itong pandemic na tinutukoy nila ngunit makalipas ang ilang oras akin ding nalaman na ito pala ay ang malawakang epekto ng isang virus na tinatawag na covid-19, isang virus na kung saan inaatake ang respiratory system o ang sistema ng katawan na tumutulong sa paghinga natin, na nagreresulta ng iba’t ibang sakit at maaring ikamatay ng isang tao. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit nakasuot ng maskara ang mga tao sa paligid at kitang-kita ang takot sa kanilang mga mata. Naiintindihan ko na rin bakit may distansya sa pagitan ng mga tao at tila ba parang nagmamadali sila sa pagbili ng mga pangangailangan lalo na sa mga bagay na ginagamit panlaban sa virus. Sana ako rin ay may maskara bilang proteksyon sa virus na ito.
Nang ideklara ng pangulo ng bansa ang ECQ o ang enchanced community quarantine bilang isa sa mga aksyon para maiwasan ang pagkalat ng virus, kaunti na lamang ang aking nakikitang tao sa kalsada. Checkpoint dito, checkpoint doon, iyan ang senaryo sa labas ngayon. Nagsisimula na akong manginig sa takot. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko. Paano na kaya ako? Saan ako tutungo? Wala bang aksyon ang ating pamahalaan para sa mga taong katulad ko?
Bilang isa sa mga taong nasa likod at umaasa na lamang sa tulong ng iba, hindi ko maramdaman ang suporta ng pamahalaan sa mga tulad naming mahihirap, marami pa rin sa amin ang nasa lansangan, walang matitirhan, at walang makain. Ang ibinabahaging ayuda na kasama sa Social Amelioration Program ng pamahalaan na aking naririnig ay hindi rin sapat para suportahan lahat ng mga nangangailangan, hindi lahat ay nabibigyan, hindi lahat ay natutulungan at hindi lahat ay mabubuhay kung patuloy ang ganitong sitwasyon. Kung hahayaan ng mga nasa posisyon na umiral ang kanilang kasakiman, patuloy kaming maghihirap at mapag-iiwanan. Hindi uunlad ang bansa at mananatili ito sa ibaba.
“Disiplina ang kailangan,” iyan ang wika ng karamihan. Subalit kung hanggang salita lang tayo, walang patutunguhan ang ating bayan. Ako, isang batang-lansangan, hirap na hirap na sa aking nararanasan. Kailan kaya ito matatapos? May pag-asa pa ba na mag-iba ang aking buhay? Makikita ko pa kaya ang susunod na pagsikat ng araw?
Sa kabila ng lahat ng ito, saludo ako sa inyong mga frontliners, kayo ang mga bayaning lumalaban sa harapan, mga eksperto sa larangan ng medisina, mga pulis at militar na nagbabantay sa paglabas-pasok ng mga tao sa isang lugar, mga sanitary workers at iba pa. Wala man akong boses at kapangyarihan para maipahatid ang aking mensahe ngunit malaki ang pasasalamat ko sainyo, maraming maraming salamat!
Sana bukas mawala na ang virus na ito at magkaroon ng pagbabago tungo sa kabutihan, sana bukas payapa na ang mundo, sana bukas, buhay ay uunlad at hindi na makakaranas pa ng paghihirap at sana bukas, hindi na sa lansangan ang susunod kong pagmulat.
Sana bukas maayos na talaga ang lahat para naman maging maganda ulit ang takbo ng ating pamumuhay.