Balik tanaw: ang aking karanasan tuwing Buwan ng Wika
Paunawa: Inyo po sanang ipagpamanhin ang hind ko pag-gamit ng wikang Ingles, ito'y upang maipahayag ko ang aking respeto, pag-galang at pagmamahal sa wikang masasbi kong sariling atin, hanggad ko po ang inyong malawak na pang unawa, maraming salamat po!
Muli, binabati ko muna ang lahat ng isang maligayang paggunita sa ating wika-ang wikang Pilipino.
Hindi ko na po ipapaliwanag pa sa lahat ang kasaysayan ng wikang ating ginugunita sa buwan na ito sapagkat batid kong alama naman natin bilang isang pilipino ang kasaysayan ng ating lingwahe. Sa maikling artikulong ito ay nais ko lamang ibahagi sa inyo ang aking mga kakatuwang karanasan lalo na sa paaralan sa tuwing ipagdiriwang ang buwan ng wika.
Noong ako'y nasa elementarya, siguro mga nasa ikatlong baitang pa lamang ako ng makitaan ako ng angking galing sa pagsulat ng tula- iyan ay ayon sa aking mga guro.
kaya naman sa tuwing agosto, buwan kung saan ang lahat ay nagdiriwang ng buwan ng wika, ako'y laging sinasabak sa paligsahan ng pagsulat ng tula. Hindi ko naman binigo ang mga guro maging ang mga kamag-aral na lubos na sumusuporta sa akin, iyon ay kahit pa sa totoo lang ay hindi ko masyadong maunawan kung bakit kailangan kong gawin ang bagay na iyon. Masaya naman ako sa mga natatamasa kong parangal ngunit hindi ba't mayroon talagang punto sa ating buhay na sadyang mararamdaman nating hindi na tayo masaya sa ating ginagawa lalo pa't ganoon at ganoon na lang ang ginagawa natin sa tuwing sasapit ang agosto, kaya naman hindi na ako sumali noong nasa ika anim na baitang na ako.
Hindi naman ako nag sisi sa aking ginawa sapagkat nabigyan naman ng pagkakataon ang iba na umusbong at makilala sa larangan ng pagsulat ng tula.
Talaga namang masaya ang mga kaganapan tuwing buwan ng wika, hindi ba? Lalong lalo na sa High school kung saan magugulat kana lang na ikaw pala'y isinali na sa listahan ng mga kalahok kahit pa hindi mo naman binigyan ng pahintulot ang taga lista na isulat ang iyong ngalan. Tulad na lamang noong ako'y nasa ika pitong baitang, ito ba naman kasing kamag aral kong loko-loko ay isinulat ang pangalan ko sa spoken poetry, pagsulat ng sanaysay, at sa pagsulat ng tula. Ayos lang naman kung sa pagsulat ng tula at sanaysay dahil sanay ako sa mga ganoong klaseng literatura, ngunit kung spoken poetry na kung saan ako pa ang gagawa ng sarili kong piyesa eh mahihirapan ako lalo na kung ihahayag ko na ito sa harap ng maraming tao. Sa kasamaang palad e, kailangan e, kaya naman itinuloy ko na kung ano man ang paligsahan na nasalihan ko. Iyon ang kauna-unahang spoken poetry na ginawa ko sa buong buhay ko, ang tema ay walang iba kundi tungkol sa pagiging makabayan at pagmamahal sa sariling wika. Sa kabutihang palad naman ay naitawid ko ang piyesa at itinanghal bilang 1st runner up. Hindi man ako nanguna sa paligsahan, doon ko naman nakita ang angking ganda ng ating wika na sa bawat bigkas ng makahulugang tula, sa bawat pantig ng nakakamanghang pangungusap, napagbubuklod ang magkakahiwalay na mundo ng bawat pilipino.
Bawat taon ko sa mataas na paaralan ay iba ang kinatutunguhang karanasan sa tuwing sasapit ang buwan ng wika. Oo nga't nakamamangha at talaga nga namang nakabibilib ang spoken peotry ngunit sa pagkakataong ito na ako'y nasa ika walong baitang na, nais kong maiba naman sana. Dito, ako'y kabilang sa isang paligsahan na kung tawagin ay "sabayang pagbasa". Hindi nga maikakaila ang kasabihang " Daig ng marami ang iisa". Totoong mahirap magsanay hindi lamang ang kabisaduhin ang tono, diin, at damdamin kundi pati na rin ang sanayin na pag isahin ang utak, puso, at kaluluwa ng bawat miyembro ng grupo upang sa araw ng pagbasa ang iisa ay marami at ang marami ay iisa. Matapos ang araw ng pagbasa at itanghal ang mga umangat, ano man ang resulta isa lang ang mahalaga, kami'y nagkaisa at pinagbuklod ng wikang nag iisa.
Sa ika siyam na baitang ay masaya na lamang akong naging tagapangasiwa ng bawat paligsahan. Maaring hindi ako naging kalahok sa ano mang ganap ngunit ang bawat tanghal ng mga kalahok gamit ang kanilang aking talento kasama ang wikang pilipino ay siyang ipagmamalaki ko.
Sa aking huling taon sa junior high school, kasabay ng aking nalalapit na paglisan sa paaralang yaon wala man sa aking isip at lalong wala sa aking hilig ngunit dahil sa walang ibang magrerepresenta ako'y isinabak sa pinaka malaking ganap sa tuwing buwan ng wika doon sa aming paaralan.
Opo, tama kayo, isinali nila ako sa "Lakan at lakambini". Sa totoo lang, wala talaga akong nalalaman sa pag lakad lakad suot ang magarang barong tagalog na sa akin ay isinuot mayroong puti at mayroon ding itim. Nakaka-kaba ngunit ang higit na nag paapaw ng nerbyos sa kaibuturan ng aking katawan ay ang katanungan na siya namang matagumpay kong naitawid at sa huli ay itinanghal na 1st runner up, at sinabi ko sa aking sarili, hindi naman lingid sa akin ang galak at pasasalamt nating mga pilipino sa wikang sariling atin kaya marapat lang na at ing gunitain ngunit sana'y ating tandaan na ang tunay na pagmamahal sa ating sariling wika ay ang pag-gamit dito ng tama sa pang araw araw nating buhay. Huwag ikahiya at lalong huwag ibaon sa lilim ng at ing tulog na mga isipan sapagkat walang pilipinong tatawagin kung wala ang wikang pilipinong malaya nating gamitin.
Marahil nayayabangan kayo sa mga kwento ng inyong tagapagsulat ngunit hindi ko po intensyon na maramdaman ninyo iyon, ang akin lang ay nais kong maibahagi ang aking karanasan, hanggang dito nalang po, maraming salamat.