Pato ni Lolo

0 9
Avatar for Annabanana10
4 years ago

Kamusta kapatid at mga kaibigan?

Nais kong ibahagi sa inyo ang isang kwento na aking narinig mula sa aming Pastor na may malalim na kahulugan. Ito ay tungkol sa "Pato ni Lolo".

Magpinsan si Juan at si Pedro. Si Juan ay galing sa Maynila. Si Pedro naman ay taga probinsya.

Naisipang bumisita sa probinsya nila si Juan at si Pedro naman ang naging kasa kasama niya sa pamamasyal sa bukid. Manghang mangha si Juan sa dami ng alagang pato, manok, at iba't-ibang hayop ng lolo nila sa bukid sapagkat wala naman sila nito sa lungsod.

Isang araw naisipan ng dalawang binatilyo na magpaligsahan. Gumawa ng tirador ang dalawa at nagparamihan ng mahuhuling ibon, gamit ang tirador na gawa nila.

Habang naglalakad lakad, may nakitang ibon si Juan. Sinubukan nya itong tiradurin, hindi nya tinamaan ang ibon. Ito na ang pagkakataon ni Pedro, inasinta nya at saka binitawan ang goma ng tirador, napakalakas ng pagbitaw ni Pedro. Nanlaki ang mata ng dalawa. May tinamaan si Pedro, laking gulat nila, hindi ito ibon, kundi ang alagang pato ng kanilang lolo.

"Lagot ka Pedro, tinamaan mo ang pato ni lolo".

Pinuntahan nila ang naghihingalong pato.

"Patay, mahal na mahal pa naman ito ni lolo", sambit ni Pedro.

"Anong gagawin natin ngayon?", Tanong ni Juan.

"Hindi ito dapat na malaman ni lolo, tiyak na kagagalitan ako non" sagot ni Pedro.

"Sige, tara samahan kita, ilibing natin ang pato para hindi ito makita pa ni lolo, hindi naman siguro mapapansin ni lolo na nabawasan ang mga alaga nya", ang sabi ni Juan.

"Sige,wag mong sabihin kay lolo ang nangyari ha", pakiusap ni Pedro.

"Oo naman,hindi ito malalaman ni lolo, pero may kapalit". Sagot ni Juan.

"Kapalit?", Nagtatakang tanong ni Pedro.

"Oo, simple lang naman, gagawin mong lahat ang iuutos ko sayo, hindi ako sanay sa gawaing bukid kaya nahihirapan ako, ikaw ang gagawa nun para sa akin", mahabang tugon ni Juan.

Napakamot na lamang sa ulo si Pedro sapagkat mula ng dumating ang pinsan sa kanilang probinsya ay napansin nya ngang nahihirapan ito sa mga gawaing bukid gaya ng pagsisibak ng kahoy, pagpapastol ng mga alagang baka at pagpapakain sa mga alagang pato ng kanilang lolo. Sa kagustuhan ni Pedro na maitago ang nangyari sa pato ng kanilang lolo ay pumayag na lamang sya sa nais ng kanyang pinsang taga Maynila.

Matagumpay nga nilang naitago ang pagkawala ng pato ng kanilang lolo.

Sa sumunod na mga araw ay lagi na ngang sinusunod ni Pedro anuman ang naisin ng kanyang pinsan. Minsan ay sinubukan niyang tanggihan si Juan sa utos nito sa kanya. "Tandaan mo, ang pato ni lolo". Pinaalala ni Juan kay Pedro ang kanilang kasunduan.

"Pagod na pagod na ako sa ipinagagawa sa akin ni Juan. Tila inaabuso naman niya ang kasunduan. Pagod na pagod na ako sa mga gawain sa bukid samantalang siya, panay lang ang pindot sa telepono." Ito ang nasa isipan ni Pedro habang nagpapastol sa kanilang alagang baka.

Kaya naman naisipan ni Pedro na tapusin na ang kasunduan nila ng kanyang magulang na pinsan. Sinabi niya ang katotohanan sa kanyang lolo.

"Lo, patawad po, hindi ko po sinasadyang tamaan ng tirador ang alaga niyong pato, patawad po lolo". Pagsusumamo ni Pedro.

"Walang anuman apo, matagal ko ng alam ang nangyari sapagkat nanduon ako ng mangyari yun at nakita ko ang lahat, hinihintay ko lamang na magtapat ka sa akin". Sambit ng kanyang lolo.

Ganun na lamang ang gulat ni Pedro. Hinihintay lang pala siya ng kanyang lolo na magtapat. Kaya naman laking ginhawa ang naramdaman ni Pedro. Sa wakas ay makakawala na rin siya sa kasunduan nila ng kanyang pinsan.

Ng muling utusan ni Juan si Pedro ay hindi na siya sumunod. Sapagkat nakawala na siya sa kanilang kasunduan. Malaya na siya at hindi na siya magpapa alipin pang muli.

Gaya ni Pedro, tayo ay nakakagawa rin ng kasalanan, minsan hindi natin sinasadya minsan naman ay intensiyonal nating ginagawa. Ang mga bagay na ito ang siyang ginagamit ng kaaway laban sa atin. Tayo ay napapalayo sa piling ng Diyos takot natin sa ating ginawang kasalanan. Nahihiya tayo sa karumihan natin sapagkat napakalinis ng Diyos. Walang bahid ng dumi, napaka busilak at napakalinis.

Ngunit, wala tayong maitatago sa Diyos, alam Niya ang lahat sa atin. Mula sa sinapupunan ay kilala Niya tayo. Sa katunayan, naka plano na ang lahat para sa atin. Ganun Siya kadakila.

Sa ginagawa nating pagtatago ay nagiging alipin tayo ng kasalanan. Ang tanging paraan lamang upang tayo ay makalaya sa tanikalang nakagapos sa atin ay ang isuko ang lahat ng ito sa Diyos. Ilapit natin sa Kanya ang kabigatang nararamdaman natin sapagkat mahal tayo ng Diyos. Ibinigay Niya ang bugtong na anak na si Hesus upang tayo ay tubusin sa kasalanan.

Kaya naman, kung may mabigat kang nararamdaman, kapatid, iiyak mo lang yan at aminin mo ang iyong kasalanang nagawa. Hinihintay ka lang ng Diyos na lumapit sa Kanya at buong puso ka Niyang tatanggapin.

Sana ay may natutunan kang aral kapatid.

Salamat sa pagbabasa.

3
$ 0.00
Avatar for Annabanana10
4 years ago

Comments