Today's readings.
Tuesday, July 7, 2020
Psalm : 5, 6
Old Test.: Num. 35: 1-3, 9-15, 30-34
New Test.: Rom. 8: 31-39
Gospel: Matt. 23: 13-26
Mga Awit 5 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
KATHA NI DAVID UPANG AWITIN NG PUNONG MANG-AAWIT; SA SALIW NG PLAUTA.
5 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
2 Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
3 Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
4 Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
mga maling gawain, di mo pinapayagan.
5 Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
6 Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.
7 Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
luluhod ako tanda ng aking paggalang.
8 Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.
9 Ang mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.
11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
Mga Awit 6 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
KATHA NI DAVID UPANG AWITIN NG PUNONG MANG-AAWIT: SA SALIW NG INSTRUMENTONG MAY KUWERDAS; AYON SA SHEMINIT.[A]
6 O Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
Mga Bilang 35:1-3,9-15,30-34 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Ang mga Lunsod para sa mga Levita
35 Sinabi ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sa may Jordan sa Jerico, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ng sariling mga lunsod at mga pastulan ang mga Levita. 3 Ang mga lunsod na iyon ay magiging pag-aari ng mga Levita at doon sila maninirahan. Ang mga pastulang iyon ay para sa kanilang mga bakahan at kawan.
Ang mga Lunsod-Kanlungan
9 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita: Pagtawid ninyo ng Ilog Jordan patungong Canaan, 11 pumili kayo ng mga lunsod-kanlungan na matatakbuhan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. 12 Doon siya magtatago habang nililitis pa ang kanyang kaso upang huwag mapatay ng malapit na kamag-anak na gustong maghiganti. 13 Pumili kayo ng anim na lunsod-kanlungan; 14 tatlo sa silangan ng Jordan at tatlo sa Canaan. 15 Ang mga lunsod na ito'y maaaring pagtaguan ng sinumang makapatay nang di sinasadya, maging siya'y Israelita o isang dayuhan.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi at Pagtubos sa Nakamatay
30 “Sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din batay sa patotoo ng dalawa o higit pang saksi; walang papatayin dahil sa patotoo ng iisang saksi lang. 31 Sinumang pumatay nang sinasadya ay hindi maaaring tubusin ng salapi; dapat siyang patayin. 32 Sinumang nakapatay nang hindi sinasadya at nagtago sa isang lunsod-kanlungan ay hindi maaaring payagang umalis agad doon sa pamamagitan ng pagbabayad. Kailangang manatili siya roon habang nabubuhay pa ang nanunungkulang pinakapunong pari. 33 Kapag ginawa ninyo ito, dinudungisan ninyo ng dugo ang lupaing inyong tinitirhan. Ang dugo ng pagpaslang ay nagpaparumi sa lupa, at walang ibang makapagpapalinis nito kundi ang dugo ng pumaslang. 34 Huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong tinitirhan, sapagkat akong si Yahweh ay naninirahang kasama ng sambayanang Israel.”
Roma 8:31-39 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Ang Pag-ibig ng Diyos
31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? 34 Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? 35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon sa nasusulat,
“Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”
37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Mateo 23:13-26 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo
13 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! [14 Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga biyuda at ang idinadahilan ninyo'y ang pagdarasal ng mahahaba! Dahil dito'y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!][a]
15 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kapag ito'y nahikayat na, ginagawa ninyo siyang masahol pa at lalong dapat parusahan sa impiyerno kaysa sa inyo.
16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. 21 Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. 22 At kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.
23 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos. 24 Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa [at pinggan][b] at magiging malinis din ang labas nito!
Pagninilay:
Walang makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Diyos. Yan ang dapat nating panghawakan sa ating buhay. Ito ang nagbibigay sa atin ng lakas ng loob at hangarin na magpatuloy sa ating buhay sa kabila ng mga hamon sa ating daraanan. Kaya naman dahil dito buo ang ating loob at lalo tayong magkakaroon ng pokus sa paraan ng ating pamumuhay. Mabibigyan natin ng diin sa ating buhay ang mga mas mahahalagang bagay tulad ng hustisya, awa, pananampalataya, at pagibig sa Diyos at kapwa. Patuloy nating hilingin sa Diyos na pakalinisin ang ating mga kalooban na nagkakaroon ng kapahayagan sa ating mga kilos at gawa. God bless.