Tuesday, July 28, 2020
Psalm : 61, 62
Old Test.: Judges 2: 1-5, 11-23
New Test.: Rom. 16: 17-27
Gospel: Matt. 27: 32-44
Mga Awit 61 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
KATHA NI DAVID UPANG AWITIN NG PUNONG MANG-AAWIT: SA SALIW NG MGA INSTRUMENTONG MAY KUWERDAS.
61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
2 Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
sapagkat malayo ako sa tahanan.
Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
3 pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
matibay na muog laban sa kaaway.
4 Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
5 Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.
6 Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
bayaang ang buhay niya'y patagalin!
7 Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
8 At kung magkagayon, kita'y aawitan,
ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.
Mga Awit 62 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos
KATHA NI DAVID UPANG AWITIN NG PUNONG MANG-AAWIT NA SI JEDUTHUN.
62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
2 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
3 Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
4 Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[a]
5 Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.
8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[b]
9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
ang lahat ng ito'y di dapat asahan.
11 Hindi na miminsang aking napakinggan
na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12 at di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.
Mga Hukom 2:1-5, 11-23 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Nagpunta sa Boquim ang Anghel ni Yahweh
2 Mula sa Gilgal, nagpunta sa Boquim ang anghel ni Yahweh. Sinabi niya sa mga Israelita, “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala sa lupain na aking ipinangako sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ako sisira sa ating kasunduan. 2 Sinabi ko ring huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon, sa halip ay gibain ninyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang inyong ginawa? Hindi ninyo ako sinunod! 3 Kaya ngayon, hindi ko sila paaalisin sa lupaing pupuntahan ninyo. Magiging tinik sila sa inyong landas at ang mga diyus-diyosan nila ay magiging mabigat na pagsubok sa inyo.” 4 Matapos sabihin ito ng anghel ni Yahweh, nag-iyakan ang mga Israelita. 5 Kaya, tinawag nilang Boquim[a] ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Yahweh.
Tumigil ang Israel sa Paglilingkod kay Yahweh
11 Ang mga Israelita ay gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh at sumamba sila sa mga Baal. 12 Tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na nagligtas sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bayan sa kanilang paligid. Kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 13 Itinakwil nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. 14 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel at sila'y hinayaan niyang matalo ng kaaway at samsaman ng ari-arian. 15 Tuwing makikipagdigma sila, hindi na sila tinutulungan ni Yahweh tulad ng kanyang babala. Kaya't wala silang kapanatagan.
16 Dahil dito, ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom na siyang magliligtas sa kanila sa kamay ng mga mananakop. 17 Ngunit hindi rin nila sinunod ang mga hukom na ito. Tinalikuran ng mga Israelita si Yahweh. Ang katapatan ng kanilang mga ninuno kay Yahweh ay hindi nila pinamarisan. 18 Lahat naman ng hukom na isinugo ni Yahweh ay pinatnubayan niya at iniligtas niya ang Israel sa mga kaaway habang nabubuhay ang hukom. Kinaawaan sila ni Yahweh dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. 19 Ngunit pagkamatay ng hukom, muli na namang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang mga Israelita. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa; hindi nila maiwan ang kanilang masasamang gawain at katigasan ng ulo. 20 Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, “Sumira ang mga Israelita sa kasunduang ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin, 21 hindi ko na palalayasin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue nang siya'y namatay. 22 Sa pamamagitan ng mga bansang ito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Kaya, hindi agad pinaalis ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buháy pa si Josue.
Roma 16:17-27 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Mga Dagdag na Tagubilin
17 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin, kundi sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. 19 Balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, at ikinagagalak ko ito. Ngunit nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti at walang muwang tungkol sa masama. 20 Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan at malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.
21 Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro.
22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa pangalan ng Panginoon.
23 Kinukumusta kayo ni Gaius na tinutuluyan ko; sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. [24 Nawa'y pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.][a]
Pangwakas na Pagpupuri
[25 Purihin ang Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang naitago sa loob ng mahabang panahon, 26 subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumunod dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.
27 Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.][b]
Mateo 27:32-44 Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Ipinako sa Krus si Jesus
32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
35 Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
39 Kinukutya siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi, “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”
41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[a] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”
44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.