Ang katangiang Pilipino na nagpapakita ng higit na matingkad na kulay ngayong ang ating mundo ay isang mapusyaw na pook ay ang ating pagiging matulungin sa kapwa.
Napakaraming mga Pilipino ngayon ang nagpapaabot ng tulong, malaki man o kaunti, napakaraming gumagawa ng paraan upang makalikom ng pera na maipamimigay sa mga nangangailangan, at napakaraming mga mayroong mabubuting puso na naghahandog ng kanilang regalo sa iba’t-ibang kaparaanan tulad ng pagluluto ng pagkain para sa mga frontliners, paggawa ng mga PPE upang may magamit ang mga health workers, at pagpapaabot ng mga inspirasyonal na mensahe sa mga maysakit upang patuloy na labanan ang covid-19. Hindi lamang ang mga maykaya ang gumagawa nito kundi ay pati iyong ibang mga mahihirap ay ginagawa rin nila ang kanilang makakaya upang makapagpagaan ng loob at pamumuhay. Marami sa mga Pilipino ngayon ang nagsasakripisyo at mas inuuna pa ang ibang tao kaysa sa sariling kapakanan upang makatulong sa kapwa at kahit napakahirap talunin ang pandemyang ito, ang mga Pilipino ay nagbabayanihan kaya’t hindi pa man alam kung kalian matatapos ang lahat ng ito, ang panigurado ay magtatagumpay tayo sa huli.
Ang ating bansang Pilipinas ay kilala sa pagkakaroon ng korapsyon na kahit nasa bingit na tayo ng panganib ay naisasagawa pa rin ito ng ilan sa mga namumuno o nasa gobyerno natin. Ito ang isang katangiang pilipino na sa tingin ko ay humahadlang sa agarang pagpapatupad ng mga aksyon at programa para sa ikagagaling ng mga Pilipino dahil imbes na ang pera ng bayan ay mailalagay sa alokasyon para sa mga hakbang upang masugpo ang covid-19 at maprotektahan ang mga mamamayan, napupunta pa ito sa kanilang mga bulsa at pansariling kagustuhan. Masaya ako sa ilan sa mga inilulunsad ng gobyerno para sa ikabubuti ng lahat ngayong mayroong pandemya subalit madami akong nababasang mga balita at artikulo tungkol sa pagsasamantala ng ilang mga pulitiko sa pagkakataong ito at hinahaluan nila ng pamumulitika ang pagtulong sa kapwa. Mayroon din akong napag-aalaman na ginagamit ng mga nasa gobyerno ang kanilang pwesto upang manipulahin ang mga programang dapat sana’y pantay-pantay ang pagkakabigay sa bawat Pilipino. Kung mayroon mang mga mabubuti at tapat na pulitiko, gayon din ang pagkakaroon ng mga namumunong hindi tapat sa bayan at sa tungkulin at walang pagkakahabag sa kanilang paglilingkod. Ito ang mas nagpapahirap sa ating sitwasyon at ang humahadlang sa pagpapatupad ng ikagagaling ng mga Pilipino ngayong may covid-19.
3. Sa tagal ng pagkakaroon ng community quarantine, nagkaroon ako ng sapat na oras upang magmuni-muni at mapag-isipan ang ilan sa mga bagay na aking naoobserba sa panahong ating kinakaharap. Punong-puno ng malulungkot na bahagi ang pagkakataong ito subalit ganon din ang aral na kaakibat nito. Para sa akin, ang pinakamahalagang bagay na natutunan ko ay dapat na hindi ipagsawalang bahala ang oras, kalayaan, at kalusugan. Una ay ang oras dahil simula nang nagkaroon ng ECQ, nawalan na ako ng oras at pagkakataon na makita ang aking mga kaibigan subalit nabigyang kahulugan ang salitang ito nang mas nagkaroon ako ng oras para sa aking pamilya. Naaalagaan ko ang aking kapatid, natutulungan ko ang aking mga magulang, at nagkakaroon kami ng oras na magkasama-sama. Pangalawa ay ang kalayaan dahil naipaintindi sakin ng mga pangyayari na hindi porket tayo ay malaya, wala nang magiging restriksyon ang ating mga ginagawa. Kahit anong mangyari, kailangan nating gamitin ang ating kalayaan sa nararapat at pinakamabuting paraan tayo man ay isang ordinaryong mamamayan, mag-aaral, guro, pulis o kahit na sino pa man. Panghuli ay ang kalusugan, napagtanto ko kung gaano kinakailangang alagaan ang aking kalusugan. Napalawak ang aking isip tungkol sa mga ito at nagsimula akong magbasa-basa sa kung gaano nakakasama ang mga pagkain na laging kong kinakain at sinimulan ko nang sanayin ang aking sarili sa mas magandang diyeta.
Ito ang mga pinakamahalagang aral na aking nakuha sa tinatawag nating “bagong normal” na pamumuhay dahil sa tingin ko’y ito ang mga bagay na makakatulong sa akin sa aking pagtanda – ang hindi pagsasawalang-bahala sa tama at pinakamabuting paggamit ng oras, ang nararapat na paggamit sa ating kalayaan, at ang pangangalaga sa ating kalusugan.
Ang pinakamahalagang programa na dapat suportahan at ibigay sa mga tao ngayong panahon ng covid-19 pandemic ay ang mass testing na nangangahulugang dapat ay magsasagawa ng covid-19 test sa bawat tao sa bawat lugar ng ating bansa lalong lalo na kung saan mataas ang kaso ng sakit. Ito ay dapat unahin ng gobyerno dahil kung hindi natin malalaman kung sino ang nagdadala ng sakit, malaki pa rin ang tiyansa na dadami at dadami ang mga bagong kaso dahil sa posibilidad na makahawa ito sa iba kahit hindi pa nila alam na positibo na pala sila sa sakit. Ang nakakabahala pa rito ay maaaring asymptomatic ang isang pasyente, ibig sabihin, nasa kanya ang virus subalit walang lumalabas o nagpapakitang kahit anong simtomas nito. Kung maisasagawa ito, mas madaling makokontrol ng gobyerno ang sakit dahil liliit ang posibilidad ng. Sunod sa gawaing ito ay ang pagtutok ng pamahalaan kung paano gagaling o bibigyang alaga at lunas ang mga nagpositibo at kasabay nito, kung paano bubuhayin at susuportahan ang mga pamilyang apektado ng ECQ. Ang sakit na covid19 ay nakakatakot dahil hindi mo alam kung sino ang dapat na iwasan pero kung makukumpirma lahat ng positibo ng sakit sa ilang lugar, mas maaagapan ang kanilang karamdaman, mas mabibigyang proteksyon ang ibang tao, at maiiwasan ang pagkalat ng virus sa iba. Magkakaroon ito ng minsanang paghihirap at pagsasakripisyo ngunit ito rin ay upang mapadali ang pagbabalik sa normal ng sitwasyon ng ating buhay at nang hindi tuluyang bumagsak ang ating ekonomiya.