Ang biglaang pagdating ng pandemic sa ating buhay ay nagdala sa bawat tao ng iba’t-ibang klase ng pagbabago.
Ang COVID-19 ay isang pagsubok at pagkakataon.
Ito ay pagsubok sa ating sarili, sa ating mental at emosyonal na kapasidad, sa ating pamilya, kung gaano tayo katatag at pinagbuklod ng pagmamahal, sa ating komunidad, kung paano tayo nakikipagtulungan sa bawat isa, sa ating bansa, kung paano natin gawin ang ating karapatan at responsibilidad bilang mamamayang Pilipino at sa buong mundo, kung paano natin kayang ipaabot ang ating tulong para sa ikabubuti ng sanlibutan.
Naniniwala akong lahat ng bagay ay may dahilan kaya habang hindi pa natin nasasagot kung ano ang dahilan ng pandemic na ito, tayo ay magreplek sa lahat ng bagay dahil ang COVID-19 ay isang pagkakataon upang ipakita natin ang pagmamalasakit sa ibang tao, pagkakataon upang ibukas ang ating tainga sa mga dapat nating malaman, pakinggan ang mga hinaing ng mga naghihirap at gamitin ang ating tinig sa nararapat na paraan, pagkakataon upang maging parte ng solusyon at higit sa lahat, ito ay pagkakataon upang tumibay ang pananampalataya natin sa Panginoon.
Ang Covid-19 ay isang aral.
Ang COVID-19 isang malaking aral sa akin dahil naimulat ang aking mga mata sa kung ano ang pinakamahalagang bagay sa mundo – ang pagmamahal sa kapwa. Nakita ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting puso na tumulong sa kahit gaano kasimpleng paraan at pagkakaroon ng malasakit sa ibang tao. Mas lalo kong naintindihan na walang taong nabubuhay para sa sarili lamang dahil sa sitwasyong kinatatayuan natin ngayon, mas magkakaroon tayo ng pag-asang malagpasan ang lahat ng ito kapag mayroon tayong pagkakaisa.
Ang Covid-19 ay hindi isang biro.
Ang pagkakaroon ng nakamamatay na virus sa ating buhay ay sobrang nakakaabala dahil sa katotohanan na unti-unti nating nakikita. Lahat ay naaapektuhan sa suliraning ito dahil walang pinipiling tao ang kaya nitong apektuhan. Sa kalusugan nag-uugat ang kinakatakutan ng mga tao – ang pagkahawa, pagiging positibo sa virus, at posibleng pagkamatay. Dahil sa napakadaling proseso ng pagkakapasa ng virus sa ibang tao, ang mga idineklarang lockdown at enhanced community quarantine ng gobyerno na may layuning pigilan ang pagdami ng mga kaso ang mas lalo pang nagpapahirap sa sitwasyon dahil sa mga pamilyang walang mapagkukunan ng pang-araw-araw na pantustos sa mga pangangailangan lalo na sa pagkain. Madaming mga tao ngayon ang walang sapat na pagkain, walang maiinom na gamot, naghihirap dahil sa sakit, nagdadalamhati dahil sa mga namatay, at mga frontliners na nagtitiis dahil sa kakulangan ng gamit ngunit patuloy na lumalaban para mawala ang virus na ito.
Ang Covid-19 ay suliranin.
Ang pinakadapat tandaan sa pagkakaroon ng ganitong mga suliranin na gaya ng pandemic ay ang pananalig sa Panginoon. Kung ibinibigay natin ang ating tiwala sa Kanya, nagkakaroon tayo ng lakas na gawin kung ano ang tama at mas makabubuti para sa lahat. Nagkakaroon tayo ng isip na kayang unawain ang sitwasyon upang tayo ay makatulong at hindi na daragdag pa sa problema. Kapag tayo ay naniniwala sa Kanya, mas nagiging matapang tayo sa buhay, mas nagkakaroon tayo ng pag-asa, at sapat na dahilan upang lumaban sa buhay na siyang maaari rin nating iparating sa iba upang tumibay ang kanilang loob.
Ang Covid-19 ay isang pandemya, bagkus, dapat tayo ay handa.
Pagkatapos ng aking karanasan na mailagay sa sitwasyon na mayroong pandemic, masasabi kong mahirap subalit kailangang mapaghandaan ang ganitong pangyayari. Pinakauna ay ang pagkakaroon ng ipon na talaga namang napakahalaga para sa mga bagay na hindi natin inaasahang darating. Pangalawa ay ang lubusang pagiging maingat at pagsunod sa ipinapatupad ng mga kinauukulan upang mas madaling makontrol ang sakit. Pangatlo ay ang pagpili ng may kakayahang mamuno sa atin na mayroong pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa. Ang pinagdadaanan nating pagsubok ngayon ay ang nagpapatunay na kailangan natin ng mga tapat.
Ang Covid-19 ay nagsisilbing palataandaan ng pagkakaisa.
Ang mga salitang palagi kong sinasambit sa aking sarili kapag ako kay nahihirapan o ‘di kaya’y may problema ay “maniwala’t magtiwala,” at sa tingin ko ay tamang-tama ito ngayong tayo ay nasa gitna ng krisis. Tinutulungan ako ng mga katagang ito upang palawakin ang aking pananaw para makita ang tunay na kalagayan ng isang bagay at hindi maging bulag sa katotohanan habang pinapalakas ko ang aking loob na lahat ng pagsubok at problema ay matatapos sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagtulong sa bawat isa. Nagsisilbi itong inspirasyon sa akin upang maging matatag ang aking loob na mayroong tayong Panginoon na gagabay sa atin, na mayroon akong sarili na kayang gumawa ng mga mabubuting bagay, at mayroon akong kapwa na kahit sa kabila ng mga masasamang nangyayari ay mayroon pa ring kabutihang loob.
Ang Covid-19 ay nagpapaalala sa mga mahahalagang bagay.
Ang nauna kong inisip nang mapagtanto kong malala na ang pandemic sa ating bansa ay ang aking pamilya na patuloy pa ring nagtatrabaho sa gitna ng panganib na dala ng corona virus. Ang aking ama ay isang driver at ang aking mga tiyo at tiya ay nars. Kasunod nito ay ang perang aming gagastusin at mga bayarin dahil ang pantulong ng aking nanay mula sa kanyang kaunting negosyo ay apektado dahil sa ECQ. Panghuli ay ang mga kamag-anak namin at mga ibang pamilyang lubhang naaapektuhan ngayong mayroong krisis.
Ang Covid-19 ay hamon sa edukasyon.
Para sa akin, ang pinakamabuting solusyon na dapat gawin ng education system sa ganitong sitwasyon ay ang maagang pagtatapos sa ikalawang semester at pagbibigay ng automatic pass sa mga estyudante. Naniniwala ako na ang quality education ay kailangan ngunit hindi ito ang pinakaprayoridad ngayong mayroon tayong krisis na kinakaharap. Madaming pamilya ngayon ang naghihirap at apektado rin ang mga estyudante. Sana ay magkaroon ng sapat na pag-iintindi ang administrasyon ngayong panahon na tayong lahat ay nasa panganib. Hindi lahat ng pamilya ay babalik sa normal pagkatapos ng pandemic na ito, karamihan ay kailangan pang harapin ang mga susunod na pagsubok mula sa pagkakalubog at karamay na rito ang mga mag-aaral. Bunsod sa problemang dinadanas ng buong mundo ngayon, bilang estyudante, naaapektuhan kami at ang aming konsentrasyon sa pag-aaral dahil sa panganib ng COVID-19. Hindi ito nangangahulugang tamad ang mga mag-aaral subalit ay kailangan din nating bigyang pansin ang kanilang mental health.
Your point of view is more than amazing. Kudos!