Sa isang salamin ay matamang pinagmamasdan,
Dati'y mahubog at balingkinitang katawan.
Ano mang kasuotan ay kinagigiliwan,
Mapapatingin, humahanga ang sino man.
Ang unti-unting paglaki ko ay nakikita mo.
Kasabay narin nito nang magkasira ng hubog mo.
Sa loob ng madilim na sisidlang ito,
Kasabikan ko sa paglabas ay hindi na maitatago.
Subalit ang kasabikan sayo'y hindi ko nadarama,
Pagkat sa halip, dinig kong ika'y lumuluha.
Kaya't ako'y nagtatanong, sayo'y nagtataka,
Ang pangyayaring 'to, kagustuhan mo hindi ba?
Pinararamdam ng poot sa iyong dibdib
Gamot, suntok, ako'y binibigkis ng kayhigpit.
Nabubuo ako, alam kong nadarama mo pa.
Ang panaghoy at hinagpis ko, nararamdaman mo ba?
Ina, ako'y buhay at may damdamin.
Darating ang araw, ako'y magiging ina, katulad mo na rin.
Magpupunla sa sinapupunan namang sa akin,
Ang dinaranas ko ngayon ay hindi nya daranasin.
Kay sakit 'pagkat di tiyak kung ako pa'y mabubuhay.
Subalit ang higit na masakit, dinaranas ko ito sa iyong mga kamay.
Ina, dinggin mo, ako'y dumadaing sayo.
Ako ay laman mo. Iisa tayo.
Nais ko pa sanang masilayan ang daigdig.
Nais ko pa sanang madama kung ano ang sinasabing "pag-ibig".
Sa madilim na punlaang ito, tila ang liwanag,
Imposible na, Malabo nang akin pang maaninag.
Bakit ba pilit mong ipinakakait sa akin,
Ang kalayaa't karapatan na ako'y maisilang din.
Sana nama'y may habag pa sa iyong puso
'Pagkat hawak mo, nasa iyo ang kinabukasan ko.