Sigundo, minuto, oras
Nagbibilang, nawa araw na'y lumipas
Ikalawang araw pa lamang ng pito
Sana'y ika-anim ng araw na ang hiling mo.
Sigundo, minuto, oras
Pagkabagot sa mukha ay nababakas
Bulag sa ganda ng liwayway
Takip-silim ang siyang hinihintay.
Sigundo, minuto, oras
Hindi na mahintay ang bukas
Sana bukas nga'y ngayon na
Ano't tila ma'y hinihintay pa.
Sigundo, minuto, oras
Naghahanap ng pampalipas oras
Di ibig, sa kasalukyan ay naiinip
Dahil sa hinaharap laging nakasilip.
Sigundo, minuto, oras
Parating na ang hinihintay na bukas
Nagkakandarapa at natataranta
Ang bukas, ayan na sa mga mata.
Sigundo, minuto, oras
Tumatakbo, kumakaripas
Sinasambit, sa mga labi'y lumalabas
"Bakit ba ganun, ang bilis naman ng oras?"
Sigundo, minuto, oras
Ang panahon ay talulot ng rosas
Nalalanta, natutuyo, nalalagas
Ang bukadkad ay hindi nagwawagas
Sigundo, minuto, oras
Nagmadali, dumaan kahit sa butas
Mga kayamanan ng bawat sandali
Di nasilayan, nanatiling nakakubli.
Sa kahahabol sa maka-ilang bukas
Bukadkad ay tuluyan nang lumipas
Kahapon mo'y kay bilis na binagtas
Yaon pala'y naubusan ka na ng oras.
0
16