Ang alamat ng gitara

0 658
Avatar for straizzer
4 years ago

Saan at kanino nagmula ang Gitara?

Sa isang payapang bayan sa isla ng Bantayan sa Cebu, may isang batang babae na nagngangalang Gita. Si Gita ay ang kaisa-isahang anak ng pamilya Ra. Anak sya ni Ambol Ra sa kanyang asawang si Mara. Tahimik na bata si Gita, sa tuwing inaaya siya maglaro ng kanyang mga kapitbahay na bata, ayaw nyang sumama sa mga ito. Mas gusto nyang pumunta sa hardin ng kanyang ama sa likod ng kanilang munting bahay na malapit sa gubat. Pumunta sya rito upang makinig ng mga iba't ibang tunog na nanggagaling sa kalikasan. Pinapakinggan nya ang huni ng iba't ibang mga ibon, ang takbo at ungol ng mga hayop na may apat na paa, ang lakas ng hangin na nagiging sanhi ng paggalaw ng mga puno, tunog ng mga insekto, lagaslas ng tubig sa sapa at kung anu ano pa. Sa tuwing nagsasama at sumasabay ang mga tunog, nagbibigay ito ng kakaibang saya kay Gita. Siya'y napapagalaw na para bang sumasayaw . Kapag may parada naman o kaya'y may kasiyahan sa kanilang lugar, inaabangan ito at pinapanood ni Gita. Pinapakinggan nya ang boses ng mga kumakanta. May napansin si Gita, walang sigla ang pagkanta na kanilang ginagawa at ngayon lamang nya ito naisip. Pag-uwi nya ng bahay, humingi sya ng pabor sa kanyang tatay Ambol na igawa sya ng instrumento. Instrumento na maaaring sumabay sa boses ng mga kumakanta. Gumawa nga ang kanyang tatay at ito ay yari sa kahoy at tanse na gamit sa pangingisda. May butas sa gitna ang hugis bilog na kahon na gawa sa kahoy, may nakadugtong naman na mahaba at manipis na kahoy sa gilid nito at nakakabit ang anim na tanse na iba't iba ang kapal. Nang matapos ang instrumento ay tuwang tuwa si Gita. Lubos syang nagpasalamat sa kanyabg tatay. Una nyang tinugtugan ang kanyang magulang at sila ay nabilib sa galing ng kanilang nag-iisang anak. Araw araw niyang ginagamit ang instrumento at siya'y nakagagawa ng iba't ibang tunog na kaaya-aya sa pandinig. Minsan ay napadaan si Olin sa kanilang bahay. Si Olin ang pinuno ng mga kumakanta sa kanilang bayan. Narinig ni Olin ang pagtugtog ni Gita at siya ay lumapit sa bintana. Anong tawag sa instrumento na ginagamit mo Gita? tanong ni Olin. Napatingin si Gita mula sa bintana. Ito po ba? gawa po ito ng aking tatay Ambol pero di ko alam ang tawag dito, sagot ni Gita. Dumating si Ambol at nakita si Olin. Olin, anong ginagawa mo dyan? halika at tumuloy ka sa loob, sabi ni Ambol. O sige po, salamat, tugon ni Olin. Tumuloy sila sa sala kung saan naroon si Gita. Bakit ka nga pala nakatayo sa bintana kanina? tanong ni Ambol kay Olin. Naglalakad po ako kanina ng mapadaan sa inyo at narinig ang magandang tunog na galing sa inyong tahanan, tugon ni Olin. Ang galing pong tumugtog ng inyong anak na si Gita gamit ang ginawa nyong instrumento, dagdag pa niya. Ah iyon ba, si Gita ang humiling na igawa ko sya ng instrumento na maaaring sumabay sa boses ng mga kumakanta na kagaya nyo Olin, sabi ni Ambol.Nakatutuwa naman po at naisip niya ang bagay na yon, ipapaalam ko po sana si Gita sa inyo na gusto kong isama sya sa aming darating na kantahan, sabi ni Olin. Papayag ako kung payag din si Gita, sabi ni Ambol na nakangiti habang nakatingin sa anak. Ano Gita, pwede ka bang sumama sa'min? tanong ni Olin. O sige po, gusto kong sumama at gagamitin ko ang aking instrumento, tugon ni Gita. Tatay, ano po ba ang tawag dito sa instrumentong ginawa nyo para sa akin? tanong ni Gita sa ama. Gusto ko syang ipangalan sa iyo anak, " Gitara " ang itatawag natin dyan, sabi ng kanyang ama. Natuwa si Gita sa kanyang narinig at ngumiti naman si Olin. Kung ganon, susunduin kita Gita, bukas ng umaga para mag-ensayo kasama namin, sabi ni Olin.

Mula noon, kasama na si Gita sa parada at kasiyahan sa bayan. Gamit ang kanyang gitara, buhay na buhay ang musika na kanilang ginagawa. Hindi nagtagal, gumawa na rin ang iba nyang kababayan ng kanilang sariling gitara. Tinuruan ni Gita ang mga gustong matuto nito. Hindi nya ipinagdamot ang kanyang kahusayan sa pagtugtog ng gitara.

Sa bayan ng Bantayan, sa pamilya Ra at kay Gita nagmula ang instrumentong gitara.

1
$ 0.00
Avatar for straizzer
4 years ago

Comments