Walang katapusang problema
Minsan nagtataka ako kung bakit hindi matapos-tapos ang problema natin. Yung tipong hindi mo pa nasosolusyunan yung isang problema tapos may dumating na naman na panibago. Tila kakambal na ng buhay natin ang problema. Lahat tayo ay may problema maliban na lang sa mga bata na wala pang alam gawin sa buhay kundi maglaro, kumain at manood lamang. Ang sarap maging bata diba? Minsan gusto ko na lang maging bata para walang problema. Kapag bata ka pa kasi wala kang ibang aatupagin kundi maglaro at kumain. Parang totoo nga yung sonasabi nila na habang tumatanda ka palungkot ng palungkot ang buhay. Siguro sa sitwasyo ko oo, pero siguro hindi naman lahat. Lalo na yung may mga kaya sa buhay, wala silang masyadong inaalala at pinoproblema pagdating sa mga bayarin kasi kaya nilang bayaran. Samantalang kaming mga mahihirap halos oras oras pera ang iniisip namin. Pera pambayad sa bayarin sa tubig, kuryente, upa sa bahay at marami pang iba. Kadalasan ito din ang pinagmumulan ng away mag-asawa na nadudugtungan ng panibagong problema. Kapag nag-away kayong mag-asawa hindi lang pera ang problema nyo ngayon kundi pati relasyon nyo ay maapektuhan.
Nagsimula ako mag-isip sa mga problema noong ako ay tumuntong ng hayskul. Dahil sobrang hirap kami sa buhay laging iniisip ni mama ang allowance at pamasahe ko papuntang school. Doon ako namulat sa katotohanan kung gaano kami kahirap dahil ni bente pesos ay halos hindi kami maka-utang. Ang pinag-uugatan ng problema naming ito ay si papa. Oo, si papa ang nakikita kong dahilan kung bakit naghihirap kami. Dahil imbes na ibigay nya kay mama ang sahod nya sa kanyang pinagtatrabahuhan ay mas gusto nya pa itong lustayin at ipang-inom at sigarilyo na lamang. Kung responsableng ama sya ay uunahin nya dapat kami bago ang kanyang mga bisyo. Minsan ay wala din kaming makain kaya ang ginagawa namin ay pupunta kami sa bahay ng aking lola upang manghingi ng makakain at mapunan lamang ang aming kumukulong tiyan.
Ang mga problemang dumadating sa ating buhay ay halos magkakarugtong lang at minsan isa lang ang pinag-uugatan. Minsan kahit alam natin kung ano ang mali ay hindi pa rin natin maayos ang isang bagay dahil may mga balakid sa ating isipan. Ang problemang pinagmumulan ng lahat ay komplikado kayat kung minsan ay hindi natin ito agad nagagawan ng paraan. Ganun paman mahalagang matukoy ang pinagmumulan nito upang makagawa ng unang hakbang kung paano malutas paunti-unti ang mga suliranin. Isang mahalagang batayan ang pinagmumulan ng problema upang malutas ito ng hindi na magdudulot ng isa pang panibagong problema lalo na sa ibang tao.
Kahit gaano pa kabigat ang iyong problema dapat ay huwag ka susuko. Lalo na kapag magulang ka, isipin mong mabuti ang iyong mga ginagawa upang hindi maapektuhan ang iyong mga anak. Maging matatag ka para sa kanila dahil ang problema ay lilipas din yan. Wala man katapusan ang problema natin ang mahalaga ay maraming bagay pa din tayong dapat ipagpasalamat katulad ng oras na ibinibigay sa atin upang makasama pa natin ang ating mga mahal sa buhay. Gawin nating inspirasyon ang ating pamilya upang tayo ay maging matatag kahit ano pa mang pagsubok ang dumating sa ating buhay. Kasing laki man ng barko ang problema isipin mo na lang na kasing lawak ng karagatan ang solusyon at lunas. Huwag mabalisa at mawalan ng pag-asa dahil hanggat bininigyan tayo ng buhay at lakas ay binibigyan din tayo ng pag-asa upang mabago natin ang isang bagay at magawan ng paraan ang ating mga problema. Huwag papatalo sa depresyon dapat mas malakas tayo sa kanila. Humingi ng tulong kung kinakailangan.