Virus

0 21
Avatar for rosienne
2 years ago

Hindi biro ang naging karanasan ko nitong huling linggo. Isa sa pinaka-ayaw kong pangyayari ay naganap ng sabay-sabay dahil sa virus. Nagkasakit kaming lahat dito sa bahay. Hindi maipaliwanag na pagkatakot at pagkabalisa ang aking naramdaman habang hawak ko ang basang towel na pamunas sa mainit na noo at katawan ng aking mga anak. Sobrang hirap kapag nagkasabay-sabay na nagkakasakit. Hindi ko alam kung sino at ano ang uunahanin ko. Labis din akong natakot noong nag-chills ang isa sa aking anak. Namutla ang kanyang mga labi, kamat at talampakan. Napainom ko sya ng paracetamol kaagad ngunit tila hindi bumababa ang init ng kanyang katawan. Umaabot ng 39.5°C ang kanyang temperatura ng katawan. Dagdagan pa ng pahirap na dry cough na halos ayaw tumigil. Kaya kahit isang araw pa lang ang kanilang lagnat ay naisipan na namin na itakbo sa ospital ngunit hindi din naman kami tinanggap dahil wala naman daw silang ibang gagawin kundi papainumin lang ng paracetamol. Punasan na lang daw ang katawan ng bata upang hindi na maulit pa ang panginginig ng katawan ng anak ko. In short, walang Doctor na maaaring tumingin sa anak ko kaya pinayuhan na lang kami sa dapat namin gawin sa bahay. Nagtataka kasi ako dahil kahit pina-inom ko na ng paracetamol ay hindi man lang bumaba ng kaunti ang init ng kanyang katawan. Samantalang ang isa kong anak pagkatapos kong painuminin ng gamot ay gumagaan agad ang pakiramdam. Nakakapaglaro at magana pa din kumain hindi katulad ni James na matamlay.

Unang nagkaroon ng ubo ang aking byenang lalaki at nagkalagnat kinagabihan. Sa kasamaang palad ay hindi nila naisipan na mag-isolate muna upang di makahawa. Kaya pati ang iba kong kasamang matanda sa bahay ay nagkasakit na din pati ang lima kong anak. Ang hirap mag-alaga sa mga batang may sakit. Iyak dito, iyak doon. Mahirap din silang pakainin dahil ubo ng ubo. Kailangan paunti-unti lang ang bigay ng pagkain. Ilang gabi akong walang maayos na tulog masiguro ko lamang na maayos ang lagay ng mga bata . Pati ang aking asawa ay nagkasakit din ngunit katuwang ko pa rin sya sa pag-aalaga ng aming mga anak dahil di ko kakayanin mag-isa lalo na sa gabi. Breastfeeding mom ako ngunit di ko makakaila na napapabayaan ko ang aking sarili kung kayat minsan ay wala halos makuhang gatas saakin ang aking sanggol. Nakakaapekto rin kasi ang stress sa production ng gatas ng isang ina. Kaya mahalaga ang suporta ng asawang lalaki upang matugunan ng asawang babae ang pagpapasuso sa sanggol. Mas mainama ang sustansyang makukuha dito kumpara sa formula milk. Makakatulong din ito upang mabilis na gumaling ang bata sa sakit.

Lumipas ang dalawang araw, dinala namin ang dalawa kong anak sa Pedia para sa check-up. Kinuhanan ng dugo at ihi si James upang malaman kung mayroong infections. Ayon sa resulta mababa ang kanyang WBC ngunit mataas naman ang kanyang platelet. Walang nakita sa kanyang ihi. Kaya advice samin ng Doctor ay observe muna ng isa pang araw dahil 2 days pa lang naman ang lagnat nila. Masigla si Donna kung kayat di sya pinakuhanan ng ihi at dugo. Si James kasi matamlay at mas mataas lagi ang lagnat kumpara kay Donna. Bibigyan namin sya ng antibiotic kapag nilagnat pa ulit. Pinaulit din samin ang pagkuha ng dugo dahil maaari din daw na dengue ang dahilan ng kanyang pabalik-balik na lagnat. Syempre pagkarinig ko noon ay kinabahan na agad ako dahil mahirap magkaroon ng dengue na sakit dahil wala pang lunas dito. Kaya ang ginawa namin ay lagi na lang namin pinapainom ng tubig at vivalyte para maiwasan ang dehydration.

Noong lumabas na ang resulta ng pangalawang bloodtest ay saka lamang gumaan ang aking pakiramdam dahil normal naman daw ang result sabi ng Doctor. Itinuloy ko na lamang ang pagpapainom ng gamot at vivalyte. Paunti-unti lang silang kumain dahil sa ubo pero madami sila uminom ng tubig kaya kahit papabo ay naiibsan ang takot ko. Hindi ko ininda ang sakit na naramdaman ko dahil mas kailangan kong maging malakas dahil ako ang mag-aalaga sa mga anak ko kaya kahit nakakaramdam ako ng pagkahilo ay tuloy pa din sa paggawa ng mga gawaing bahay at pag-aalaga sa kanila. Sulit ang puyat at pagod lalo na kapag nakita mong unti-unti ng gumaganda ang kanilang pakiramdam.

Sa mga ganitong pagkakataon ay ang Dios ng kinakapitan ko. Pangalawa na lamang ang Doctor at mga gamot na nakakatulong sa kanila upang gumaling sila sa kanilang karamdaman. Iba pa rin ang magagawa ng panalangin lalo na kapag pinakinggan ng Dios ang iyong mga hiling. Kaya labis akong nagpapasalamat sa Dios dahil hindi nya kami pinabayaan na matalo ng virus. Salamat sa pagpapagaling nya sa aming lahat.

1
$ 0.85
$ 0.85 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments