Tiis lang, May hangganan din ang lahat

0 67
Avatar for rosienne
3 years ago

Sa kabila ng kasiyahan nitong nagdaang kapaskuhan marami pa rin ang mga taong lugmok sa kahirapan at ramdam pa rin nila ang sakit na dulot ng sunod-sunod na trahedya at pandemya sa taong ito. Ang sunod-sunod na bagyong dumating dito sa bansang Pilipinas ay nagdulot ng matinding kahirapan at kalungkutan sa mga mamamayan. Marami ang nawalan ng tahanan, ari-arian at mga mahal sa buhay. Ang pandemya na nagbigay ng labis na takot at kalungkutan sa mga nilalang ay tila hindi pa rin matutuldukan.

Nakakapanghina ng kalooban kung iyong iisipin araw-araw. At sa kabila ng lahat ng mga pangyayaring ito ay marami na ang nawawalan ng pag-asa sa buhay. Maraming nagugutom dahil marami ang nawalan ng trabaho simula ng nagpatupad ng lockdown sa iba't-ibang bahagi ng bansa. Kung iyong titingnan sa labas ay parang normal na dahil sa dagsa na ang taong lumalabas. Hindi na alintana sa kanila ang mga posibilidad na mahawa sa kumakalat na sakit makapaghanap-buhay lang para sa pamilya. Mas mahirap na makita mong nagugutom ang iyong mga anak kung kaya't kahit delikado lumabas ay susuungin mo ito para may maipakain sa kanila at maibigay mo ang kanilang iba pang pangangailangan. Mahirap na din na umasa sa bigay ng gobyerno dahil baka maghintay ka lang sa wala. Mas maganda ng tumayo sa sariling mga paa kaysa umaasa pa sa ibang tao.

Ang mga hirap at pagdurusa natin dito sa sanlibutan ay bahagi lamang ng ating lupang katawan. Matatapos din ang lahat ng ating paghihirap at makakamit din natin ang tagumpay sa hinaharap. Lahat ng pangyayari dito sa mundo ay pansamantala lamang. Magtiis tayo hanggat kaya pa, para sa ating pamilya at mga mahal sa buhay. Tiisin natin ang mga pagkukulang ng bawat isa at mga pagkakamaling kanilang nagagawa. Unawin natin lahat ng panahon at sitwasyon na mayroon sila. Magbigayan at magpatawaran upang magkaisa sa pagtupad ng mga pangarap sa buhay. Magtulungan tayong lahat at matutong magtiis hanggang wakas.

Masarap mabuhay kahit mahirap. Kapag buhay ka may pagkakataon ka pang magawa ang lahat ng gusto mo. Huwag mong sayangin ang oras at ang iyong buhay sa mga bagay na wala namang kabuluhan. Gugulin mo ang oras sa mga bagay na may kapakinabangan. Tiisin lahat ng hirap at pagdurusa dahil ito ay hindi naman magtatagal. Ang lahat ng pagtitiis natin dito sa mundong ibabaw ay may naghihintay na kapalit na kaginhawahan. Tiwala lang na matatapos din lahat ng ito.

5
$ 0.71
$ 0.71 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments