Tamang pangangalaga sa may hika

0 98
Avatar for rosienne
3 years ago

Sa artikulong ito talakayin natin ang kahulugan ng hika at pinagmulan nito. Ang mga dapat at hindi dapat gawin ng isang taong may hika pati na ang mga bagay na nakakapagpalala dito.

Kahulugan at Pinagmulan ng hika

Ang hika o asthma ay isang pangmatagalang kondisyon ng baga. Ito ay karaniwang pabalik-balik na sakit ng pamamaga ng daanan ng hangin na nagiging dahilan ng hirap sa paghinga.

Bagamat hindi pa rin matukoy ang tiyak na dahilan ng pagkakaroon nito pinaniniwalaan na ito ay genetics o namamana. Kung mayroon kang hika ay maaaring namana mo ito sa iyong magulang at ito ay maipapasa mo sa iyong anak at sa mga susunod na henerasyon ng iyong pamilya.

Mga sintomas ng hika:

  • Pag-ubo

  • Paglaki o paglobo ng butas ng ilong sa bawat paghinga

  • Pananakip ng dibdib

  • Sumisipol na paghinga (wheezing)

  • Kakapusan ng paghinga (maaaring mabilis at mabagal ang paghinga)

  • Mabilis mapagod

Tamang pangangalaga sa may hika

May mga bagay na lubos na nakakaapekto sa taong may hika kaya dapat alam ng taong may hika ang maaaring pinagmulan ng atake nito. Dapat alam nya ang mga pagkain, gamot at mga bagay na nakakapagtrigger ng kanyang hika upang maiwasan niya ito. Ang pagakakaroon ng hika ay delikado lalo na sa mga bata at sanggol kaya bilang kanilang tagapangalaga ay alamin mo ang mga bagay na dapat nilang maiwasan upang hindi na lumalala ang kanilang karamdaman. Mahalaga din ang pagkonsulta sa doktor upang maagapan ang paglala nito at mabigyan ng karampatang lunas o gamot ang hika. Kadalasan na gamot sa hika ay salbutamol at inhalers. Gumagamit din ng nebulizer upang makatulong sa pagluwag ng paghinga.

MGA BAGAY DAPAT GAWIN AT IWASAN NG TAONG MAY HIKA

  • Panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran lalong-lalo na sa loob ng bahay. Ang alikabok ay nagdudulot ng allergy sa taong may hika na pagmumulan ng pag-atake nito kaya mahalagang mapanatili ang lugar na malinis. Iwasang gumamit ng mga kumot na parang may balahibo ang tela, mga carpet, at mga stuffed toys o teddy bear na pagdadapuan ng mga alikabok at pagmumulan ng allergy.

  • Umiwas sa mga pagkain na nakaka-trigger sa hika katulad ng mga pagkaing may MSG o vetsin(junk foods), mga pagkaing mataas ang allergen katulad ng mani, manok at itlog at mga pagkaing dagat gaya ng alimango, hipon at pusit.

  • Mag-ingat sa pag-inom ng gamot dahil may mga gamot na nakakapag-trigger sa hika katulad ng aspirin at mga pain relievers. Dapat alamib ang mga gamot na nakakapagpalala sa iyong hika upang maiwasan mo ito sa susunod.

  • Umiwas sa mga usok (usok ng sigarilyo at usok ng sasakyan) Ugaliing magsuot ng facemask kung lalabas ng bahay. Umiwas din sa mga pampublikong lugar na siksikan ang tao na magdudulot sa iyo ng hirap sa paghinga dahil sa mga halo-halong amoy nito.

  • Ang mga matapang na pabango o lotion at baby powder ay iwasang gamitin dahil nagdudulot din ito ng pagbahing at nakakapag-trigger ito sa hika.

  • Maghugas palagi ng kamay. Umiwas sa mga taong may sipon at ubo upang hindi ka mahawa. Kapag may sipon at ubo malaki ang posibilidad na sumabay ang atake ng hika.

Walang gamot ang permanenteng makakapagpagaling sa hika ngunit may mga bagay na magagawa upang mabawasan ang pag-atake nito. Ang mga nabanggit sa itaas ay makakatulong upang mabawasan ang dahilan ng pag-atake ng hika. Mahalaga rin ang pag eehersisyo at pagkain ng mga prutas at gulay na makakapagpalakas ng katawan. May mga pagkain na makakatulong upang mabawasan ang pag-atake ng hika. Sundan ang mga sumusunod.

  • Ang isa o dalawang tasa ng matapang na kape ay bahagyang makakatulong sa pagpapaluwag ng daanan ng hininga.

  • Pagkain ng bawang, sibuyas at luya. Ang bawang, sibuyas at luya ay mayroong anti-oxidants at anti-inflammatory properties na nilalabanan ang pamamaga. Ito ay makakatulong upang malabanan ang pamamaga ng daanan ng hangin.

  • Ang mga matatabang isda katulad ng tuna, salmon, mackerel, tawilis at sardinas na mayroong omega-3 fatty acids ay nakakatulong din para labanan ang pamamaga ng katawan at daanan ng hangin.

  • Mga prutas at gulay na mayaman sa antioxidants katulad ng mansanas, strawberry, dalandan, repolyo at kamatis ay makakatulong upang mapababa ang bilang ng pag-atake ng hika.

May eherhisyo din na tinatawag na Buteyko Breathing Technique (BBT). Ito ay ehersisyo ng paghinga sa pamamagitan ng paghinga papalabas gamit ang ilong. Naniniwala ang mga gumagawa ng paraan na ito na malaki ang naitutulong nito sa kanilang paghinga at pagtaas ng kanilang carbon dioxide level.

Kapag madalas na ang pag-atake ng hika magpatingin na agad sa doktor.

Ang aking asawa ay maysakit din na hika. Madalas siyang hikain kapag nahinto siya sa trabaho. Katulad ngayong buwan madalas siyang makaramdam ng hirap sa paghinga dahil na rin sa pabago-bagong uri ng panahon. Sobrang init at biglang sobrang lamig. Kadalasan din na nagdudulot ng hika ay kapag nakakalanghap siya ng usok ng siragilyo at pagkain ng mga laman dagat.

Ang paraan na ginagamit niya upang maiwasan ang pag-atake ng hika ay ang pag-inom ng nilagang luya at kalamansi o lemon juice. Mayroon din siyang inhaler at nebulizer na ginagamit kapag hindi kaya ng natural remedies.

Mahirap magkaroon ng hika dahil limitado lamang ang mga bagay na magagawa mo kaya't mahalagang pangalagaan natin ang ating mga kalusugan upang maiwasan ang pagkakaroon ng karamdaman lalo na sa mga bata at sanggol.

4
$ 8.50
$ 8.50 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments