Pag-usapan natin ngayon ang mga dahilan at resulta ng simpleng sore throat na hindi agarang ginagamot. Naging kaugalian na natin ang hindi pagpatingin sa Doctor lalo na kung hindi naman malala ang kondisyon at sakit. Dinadaan na lang natin sa self-medication o kaya naman ay tinitiis na lamang hanggang sa mawala. Ngunit alam nyo ba na maaring magdulot ng sakit sa puso ang akala nating simpleng sore throat lamang lalo na sa mga bata? Maari din na ito ay senyales ng iba pang mga karamdaman.
Noong nabasa ko ang tungkol dito ay bigla na lamang akong kinabahan dahil mahilig sa matatamis ang aking mga anak. Hindi ko alam kong kailan sila posibleng nagkaroon nito ngunit alam ko sa sarili ko na nagka-sore throat na sila dahil na rin sa kaunti lamang sila uminom ng tubig at minsan ay parang nahihirapan sila lumunok ng pagkain. Isa rin ito sa sintomas ng pagkakaroon ng plema sa lalamunan at ubo. Kaya sa artikulong ito alamin natin ang mga sanhi at bunga ng sore throat at kung paano ito maiiwasan.
Mga sanhi ng namamagang lalamunan
1) Viral na impeksiyon- Ito ang mga impeksiyon na dulot ng virus, katulad ng sipon at trangkaso, tigdas, chicken pox at marami pang iba.
2) Bacterial na impeksiyon- Ang uri ng impeksiyong ito ay katulad ng strep throat, diphtheria, at whooping cough.
3) Pagkatuyo ng lalamunan dahil sa kakulangan sa tubig. Kapag nanunuyo ang iyong lalamunan ay maaring mangangati at mamaga ito.
4) GERD o gastro-esophageal reflux disease ay maaari ring magdulot ng pamamaga ng lalamunan. Ito ay dahil sa asido na pumupunta sa lalamunan mula sa tiyan.
5) Maaari ring nagmumula sa HIV o kanser sa lalamunan ang sore throat.
6) Maaari ding mamaga ang lalamunan dahil sa labis na pagsigaw, pagkanta at matagal na pagsasalita.
7) Iba pang dahilan na dulot ng kapaligiran katulad ng pabago-bagong uri ng klima, allergy na pagmumulan ng pagkakaroon ng plema sa lalamunan at pati na rin pagkain ng mga matatamis at maasim na pagkain na maaring makairita sa lalamunan na magdudulot ng pamamaga nito.
Karamihan sa sore throat ay hindi nangangailangan ng medikal na atensyon ngunit kung matagal na ito ay agad na magpatingin sa doktor upang masuri at mabigyan ng karampatang lunas at gamot. Huwag ito ipagsawalang-bahala lalo na kung ikaw ay nakakaramdam ng mga sumusunod na sintomas:
May lagnat
Paos na ng matagal
Nahihirapang huminga
Masakit ang tainga
Pananakit ng mga kasu-kasuan
Pagkakaron ng kulani sa leeg
Plema na may dugo
Ang isa sa panganib na dulot ng pamamagang lalamunan ay ang pagkaaroon ng sakit sa puso. Ang kaniwang sakit na ito ay tinatawag na Rheumatic Heart Disease. Ito ay karaniwang nakukuha ng mga batang may edad 20 pababa. Ito ay nangyayari kapag ang dahilan ng pamamaga ng lalamunan ay STREPTOCOCCUS na bacteria. Pagpasok ng bacteria sa lalamunan ay automatic na gagawa ang ating katawan ng Antibodies Against Streptococcus. Ngunit ang nagiging problema ay ang ating puso ay may natural na kahawig na protina na mayroon ang Streptococcus bacteria. Kaya ang nangyayari ang antibodies na against sa bacteria ay magiging against na din sa puso natin. Pati na rin ang tuhod natin or joints ay may protina rin na kahawig ng streptococcus. Kaya kapag may Rheumatic Heart Disease ka ay kasama sa sintomas ang pangangalay ng mga kasu-kasuan. Ang nalilitong antibodies ay titirahin rin ang puso at ang mga kasu-kasuan natin dahil ang akala niya bacteria ito ngunit kahawig lang pala. Nauuwi sa Rheumatic Heart Disease ang pamamaga ng lalamunan kung ang sanhi nito ay streptococcus bacteria at hindi agad nalulunasan o hindi nalunasan.
Paano nga ba tayo makakaiwas na magkaroon ng sore throat?
1. Panatilihin ang kalinisan sa katawan lalong-lalo na ang kamay. Maghugas parati ng mga kamay lalo na bago kumain.
2. Iwasang magshare ng kutsara, tinidor o baso upang makaiwas sa posibleng pagkahawa sa sakit katulad ng ubo.
3.) Ugaliing magsipilyo ng ngipin tatalong beses sa isang araw at magmumog palagi.
4.) Uminom palagi ng tubig kahit paunti-unti upang hindi matuyo ang lalamunan.
5.) Umiwas sa mga pagkaing nakakairita ng lalamunan katulad ng mga matatamis, maaalat, maanghang at maasim na pagkain.
Mga lunas sa pamamaga ng lalamunan
Magmumog ng maligamgam na tubig na may asin. Makakatulong ito para pakalmahin ang pangangati ng lalamunan.
Maaari ding gumamit ng baking soda. Tunawin ito sa maligamgam na tubig at gawinh pangmumog. Makakatulong ito para mamatay ang bacteria.
Ang Apple Cider Vinegar ay mabisa ding panlaban sa bacteria. Pinipigilan nito ang pagkalat ng bacteria sa lalamunan.
Bawang at luya. Ang bawang at luya ay parehong may anti-bacterial at anti-inflammatory properties na makakatulong sa pagpapagaling ng pamamaga ng lalamunan.
Ang mga maligamgam na inumin katulad ng maligamgam na tubig na may honey, mga sabaw at tsaa ay makakatulong sa pagpakalma ng lalamunan.
Mga gamot katulad ng antihistamine at pain relievers. Makakatulong ito para gumaling agad ang pamamaga ng lalamunan.
Magpahinga at iwasan ang pagsisigaw at matagal na pagsasalita.
Uminom ng maraming tubig.
Magpatingin sa Doktor kung kinakailangan upang makita ang kalagayan at pinagmulan ng pamamaga ng lalamunan. Ang antibiotics ay makakatulong sa pagpapagaling ng lalamunan ngunit hindi ka makakabili nito ng walang reseta ng Doktor.
Ang pamamaga ng lalamunan ay pangkaraniwang senyales lamang ng pagkakaroon ng sakit at ito ay gumagaling din kaagad kapag hindi napabayaan. Ang mga inilahad ko sa itaas ay makakatulong upang maiwasan at malunasan ang pagkakaroon nito. Tandaan natin na ang kalusugan ang ating kayamanan kaya ingatan natin ang ating katawan at sikapin na maging malusog at malakas upang makaiwas sa kahit anong karamdaman. Ang agarang paglunas sa karamdaman ay mahalaga upang maiwasan ang pagkalat nito at pagkakaroon ng komplikasyon sa iba pang bahagi ng katawan.