Softdrinks
Ang softdrinks ay inuming nakakapagpasaya sa tao dahil sa lasa at lamig nito. Napag-alaman ko na kaya ito na-imbento ay upang mabawasan ang drinking habit ng mga Amerikano. Inirekomenda ito bilang pamalit sa mga hard drinks katulad ng alak. Ngunit ang labis na pagkonsumo nito ay nakakasama sa kalusugan. Ang diabetes, obesity, kidney and liver problem at tooth decay ay ilan lamang sa masamang epekto nito sa ating katawan. Napag-alaman din na ang labis na pagkonsumo ng soda ay mabilis na nakakatanda at maari kang magkaroon ng osteoporosis.
Alam kong masama ito sa kalusugan ngunit hindi ko alam bakit nahuhumaling ako sa inumin na ito. Coke ang paborito kong inumin lalo na ngayong summer. Ang hirap mag-kontrol lalo na kapag nagki-crave ako sa malamig, soft drinks agad ang hinahanap ko. Hindi naman ako araw-araw umiinom nito ngunit nagi-guilty pa din ako kasi alam kong balang araw ay sisingilin ako ng katawan ko dahil dito. Pinipilit kong umiwas sa inumin na ito at sinusubukan ko rin na uminom ng mas maraming tubig upang mawala ang paghahanap ko ng lasa ng coke. Ayaw ko rin na nakikita ako ng mga bata na umiinom nito kung kayat minsan ay patago akong umiinom dahil ayaw kong matulad sila sa akin lalo na at bata pa sila. Kaya ang ginagawa ko ay binibilhan ko sila ng yakult o di kaya naman ay delight para healthy sa tiyan. Dapat nga sa akin ay gatas ang iniinom dahil breastfeeding mom ako pero minsan di ko mapigilan ang sarili ko lalo na kapag stress ako. Lagi ako nagpapabili ng coke at burger sa asawa ko bilang comfort food lalo na kapag marami akong iniisip.
Minsan sa kagustuhan natin na masatisfy yung panlasa natin ay nakakalimutan natin ang mga bawal. Ang hirap pa naman magkasakit lalo na sa sitwasyon ko na maraming anak. Dapat ay healthy ako para sa kanila. Para maalagaan at mabantayan ko sila ng maayos. Kaya simula ngayon ay pipilitin kong umiwas sa soda at mas piliin ang mga masustansyang pagkain at inumin upang lumakas ang aking katawan at makapag-produce ng mas masustansyang gatas para sa aking toddler at 4 months old baby boy.
Isang paalala ang aking iiwanan sa inyo dahil isang beses lang tayo mabubuhay. Alagaan natin ang ating mga sarili at lumayo sa mga tukso katulad ng unhealthy foods and drinks na alam nating walang maidudulot na maganda sa ating katawan. Sikapin natin na maiwasan ito sa lahat ng oras upang iwas sakit at karamdaman pagdating ng araw. Mas magandang mapanatili natin ang malusog at malakas na pangangatawan para sa ating mga mahal sa buhay.
Para sa mga katulad ko na addict sa soft drinks o kaya sa kape at milk tea, bawasan na natin ang pag-consume nito. Magtubig na lang muna tayo. Kunwari na lang na wala tayong pera para di tayo maakit na bumili ng ating gusto lalo na kung nakakasama lang naman sa ating katawan. Hindi man natin ito magawang iwasan ng tuluyan ay unti-untiin na lang muna natin hanggang sa dumating sa point na kaya na natin silang di pansinin.