Selos
Minsan sa buhay natin may mga bagay at pangyayaring di natin inaasahan, yung akala nating imposible ay posible pa lang mangyari kahit di kapani-paniwala. Aking isasalaysay sa artikulong ito ang aking karanasan na hindi ko makakalimutan na kahit imposible ay nangyari ito ng di ko inaasahan.
Noong ako ay labin-walong taong gulang pa lamang ako ay namasukan bilang kasambahay sa isang bayan sa Nueva Ecija. Katabi ng bahay na aking pinapasukan ay bahay ng aking lola na kung saan kasama nyang naninirahan ang kanyang dalawang anak na lalaki na tiyuhin ko. Mababait silang tao, masisipag at mapagkakatiwalaan. Kapag wala akong ginagawa sa bahay ng aking amo pumupunta ako sa bahay nila upang tulungan ko si lola sa pagluluto ng kanyang mga panindang kakanin.
Lumipas ang ilang buwan ay kinausap ako ng aking amo kung gusto ko daw bang mag-aral sa kolehiyo. Noong una ay nag-alangan ako dahil alam kong hindi biro ang aking pagdadaanan. Pagsasabayin ko ang pag-aaral at pagtatrabaho. Medyo may kalayuan ang paaralan kung kayat napagkasunduan namin na ang maghahatid sundo sa akin ay isa sa mga tiyuhin ko. Bago ako pumasok ay nagluluto muna ako ng paninda ni lola sa umaga, nagdidilig ng mga halaman at nagwawalis ng bakuran. Pag-uwi ko naman galing sa paaralan ay deretso sa bahay ng amo ko para maglinis at gawin ang iba pang gawaing bahay. Medyo nakakapagod nga lang kasi halos gabi lang talaga ang pahinga ko ng mga panahong iyon pero iniisip ko na mas magkakaroon ako ng magandang kinabukasan kapag ako ay nakapagtapos sa kolehiyo.
Noong una ay wala kaming problema ng tito ko, magkasundo kami sa lahat ng bagay at minsan ay binibilhan nya pa ako ng pagkain at mga groceries para naman daw natitipid ko yung allowance ko at makakapag-ipon pa ako. Ngunit habang patagal ng patagal nagkakaroon kami ng mga bagay na pinag-aawayan. Katulad na lamang kapag lumalabas ako upang magpa-load sa tindahan, bakit daw labas ako ng labas baka daw may pinagpapatasyahan ako o di kaya naman ay may inaabangan. Noong una iniisip ko na concern lang sya sa akin pero habang tumatagal medyo naiilang ako sa mga kinikilos at mga sinasabi nya.
Tandang-tanda ko pa noong mayroong handaan sa bahay ng pinagtatrabahuhan ko habang ako nag-iigib sa poso, nilapitan ako ng isa sa mga bisita at gustong makipag-kilala sa akin at hinihingi ang number ko. Kilala sya ng mga tita at tito ko kaya naman pumayag ako at binigay ko ang number ko sa kanya . Tinulungan na din nya ako sa ginagawa ko at pagkatapos noon ay nagpa-alam na ako na matutulog dahil may pasok pa ako kinabukasan. Naiwan ko silang nag-iinuman at nagkakantahan sa labas ng bahay. Ngunit bago ako matulog ay nagpalitan pa kami ng text message ni John. John ang pangalan ng kaibigan ng tito ko na gustong makipagkilala sa akin. Mukha naman syang mabait at maayos naman syang kausap.
Lumilipas ang araw ay napapansin ng tito ko na lagi akong may katext at sinabi ko na si John yun. Doon nagsimula na magalit sya sa akin ng hindi ko alam ang dahilan. Sinabi nya sa akin na tigilan ko na daw ang pakikipagtext kay John dahil manloloko daw ang lalaking iyon. Wala pa ako noong facebook at messenger kaya sa text lang kami nagco-communicate. Simula din noon ay bihira na lang kami mag-usap ng tito ko na parang nagkaroon kami ng gap communication dahil lamang sa pakikipag-kaibigan ko sa kaibigan din nila. Kapag hinahatid at sinusundo nya ako sa school ay wala na din masyadong usapan di na katulad dati na lagi nya akong tinatanong kung kumusta ako sa maghapon.
Isang beses ay pumunta ako sa tindahan upang magpa-load dahil tatawagan ko si mama sa probinsya(Bicol). Pagbalik ko sa bahay nagulay na lang ako dahil andun pala sya sa may gate. Kinalabog nya ang gate pagkapasok ko at parang galit na galit. Lalo kaming nagkaroon ng hindi pagkaka-unawaan dahil hindi ko talaga alam noong una kung ano ang ikinagagalit nya sa akin. Sa pagkaka-alam ko ay wala nan akong ginagawang masama subalit sya lahat ng kilos ko ay bantay-sarado nya at lagi nyang pinupuna. Lagi na syang galit sa akin at di na rin kami nag-uusap hanggang sa isang araw ay bigla na lang akong nagulat sa sinabi nya.
Humingi sya ng pasensya sa akin dahil sa mga ipinakita nyang hindi magandang asal noong mga nakaraang araw. Tahimik lang akong nakikinig sa kanya, hanggang sa bigla ko na lang na naisip na baka may gusto sya sa akin. Alam kong mali iyong naiisip ko pero base sa mga binibitawan nyang salita ay yun nga ang dahilan. Hanggang sa inamin nya na nagkagusto sya sa akin ng di nya inaasahan. Alam nya daw na mali pero habang lalo nyang pinipigilan ang sarili nya lalo daw syang nagseselos. Sobrang gulat na gulat ako ng marinig ko ang mga sinabi nyang iyon dahil totoo pala ang naisip ko. Hindi ako makapaniwala kasi hindi normal para sa akin ang nangyari at nalaman ko. Hindi ko alam kung paano ko sya haharapin sa mga susunod na araw at kung ano pa ang mga susunod na mangyayari.
Wala akong nasabi sa kanya pagkatapos kong marinig ang pag-amin nya sa totoong nararamdaman nya. Kinausap din ako ng pinagtatrabahuhan ko na huwag ko na lang daw munang pansinin o patulan kapag nagagalit o may sinasabing hindi maganda. Pero lumilipas ang ilang araw ay lalong lumalala ang galit nya lalo na kapag may kausap o katext ako. Oo, nagseselos sya kahit hindi pwede at bawal. Hindi ko na alam ang gagawin ko noon kaya bigla na lang pumasok sa isip ko na umuwi na lang sa probinsya namin sa Bicol at tumigil na lang muna sa pag-aaral kahit sobrang nanghihinayang ako sa oportunidad na ibinigay sa akin. Ngunit hindi ko kakayanin na makita sya araw-araw na ganun ang pakikitungo nya sa akin. Ang akala kong kabaitan na ipinakita nya sa akin ay dahil sa magka-mag-anak kami ngunit dahil pala sa totoong nararamdaman nya.
Parang gumuho ang mundo ko noon, pakiramdam ko trinaydor nya ako dahil akala ko concern sya sa akin bilang kamag-anak ngunit iba pala ang intensyon nya. Simula noon nagkaroon ako ng trust issue sa mga taong nasa paligid ko lalo na kapag lalake. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari umuwi ako ng biglaan sa probinsya at naghanap na lang ulit ako ng ibang trabaho na mapapasukan. Inisip ko na lang na parang panaginip lang ang mga nangyari para makapag-simula ulit ako ng bagong buhay.
Akala ko sa pelikula lang nangyayari iyon pati rin pala sa totoong buhay. Kahit nga sa pelikula bihira iyon mangyari pero ganun pa man ang mga nakalipas ay ala-ala na lang at ang mahalaga maayos ng naisantabi ang mga bagay na hindi na dapat pag-usapan. Kung saiyo man mangyari ang mga bagay na ito sana maayos mo itong harapin at huwag magdylot ng malaking abala at pinsala sa buhay ng ibang tao.