Respeto sa bawat isa
Ang respeto sa bawat isa ay mahalaga, kung gusto mong respetuhin ka matuto ka ring irespeto ang iba.Isang mahalagang pag-uugali na dapat nating matutuhan dahil nagsisimula ang pagrespeto sa iyong sarili mismo.
Bakit nga ba mahalaga ang respeto hindi lamang sayong sarili kundi maging sa ibang tao? Ano ba ang mahalagang bagay na magagawa nito sa ating buhay?
Katulad ng pagmamahal, may iba't-ibang uri ng respeto na maaari mong ibigay sa iyong sarili, sa iyong mga magulang, kaibigan, katrabaho at sa iyong kapwa. Dito sa Pilipinas naipamamalas namin ang respeto sa pamamagitan ng pagmano, pagsagot ng may po at opo at pagtawag ng ate/kuya, lolo/lola at manong/manang sa mga nakakatanda. Isang malaking tanda din ng respeto ang hindi pagsagot o pagsalangsang sa magulang at sa mga nakakatanda. Sa simpleng pagbati tyeing nakakasalubong mo ang iyong kakilala ay tanda rin ng paggalang. Pagsabi ng "excuse me kung" makikiraan, may gustong sabihin at ipaliwanag ay malaking tanda din ng paggalang.
Respeto sa sarili
Ang pagrespeto sa sarili ay tanda ng pagpapahalaga sa sarili at pagkakaroon ng dignidad lalo na sa kababaihan. Sa panahon ngayon marami na ang kababaihan na halos ipakita na ang kanilang mga maseselang bahagi ng katawan upang kumita lamang, dumami ang followers, subscribers at likes. Hindi nila napapansin na nawawalan na sila ng pagpapahalaga sa kanilang sarili. Maraming paraan upang dumami ang followers at kumita kayat sana huwag daanin sa pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan na umaakit sa libo-libong kalalakihan na halos lumuwa na ang mga mata. Kapag may respeto ka sa iyong sarili ay magkakaroon din ng respeto sa iyo ang ibang tao.
Respeto sa asawa
Isang mahalagang impluwensya sa buhay mag-asawa ang pagkakaroon ng respeto sa isa't-isa. Mahalagang sangkap ito upang magtagal ang inyong pagsasama at lumalim ang inyong relasyon at pagmamahalan. Hindi maaaring ikaw lang ang magdedesisyon para sa inyong dalawa. Bilang tanda ng respeto ay dapat alam nya ang mga desisyon mo sa inyong pamilya upang alam nya kung paano sya lulugar. Huwag ipilit ang mga bagay na alam mong ayaw nya.
Respeto sa magulang
Isa sa utos ng Dios ay ang paggalang at pagsunod sa ating magulang. Ang paggalang sa ating mga magulang ay isang malaking obligasyon natin bilang mga anak dahil sila ang nagpalaki at nag-alaga sa atin. Wala man tayong maiganting malaking halaga sa sakrispisyo nila ay sapat na ang igalang natin sila at sundin ang kanilang mga bilin upang hindi tayo mapahamak.
Respeto sa katrabaho
Kapag ikaw ay nagtatrabaho mahalaga na may respeto ka sa iyong mga ka-trabaho lalo na sa mga nakakataas sa iyo. Malaki ang posibilidad na tumagal ka sa iyong trabaho kapag marunong kang makisama at may respeto ka sa kanila.
Respeto sa kapwa
Maipamamalas mo ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng magandang pag-uugali katulad ng pagtawag ng ate/kuya kahit hindi mo kakilala. Dito sa Pilipinas ay naka-ugalian na namin ang pagtawag ng ate o kuya sa mga hindi namin kakilala basta alam namin na mas matanda sila sa amin, lolo at lola naman kapag alam namin na may edad na. Magalang din kami sumagot sa pamamagitan ng pagsambit ng po at opo.
Respeto sa paniniwala
May kanya-kanya tayong paniniwala kaya dapat igalang natin ang mga iyon upang maiwasan ang away. Katulad halimbawa ng lamang ng parehong nanay. Kaming mga nanay ay may kanya-kanya pamamaraan upang alagaan at palakihin ang aming mga anak kaya dapat bilang isang ina ay may respeto sa kapwa mo ina upang maiwasan ang hidwaan at pagkukumpara sa mga anak.
Ang pagrespeto ay naipapakita din sa pamamagitan ng paghingi mo ng tawad, ikaw man o hindi ang nagkamali dapat ay matuto kang magpakumbaba.May mga tao na hindi marunong rumespeto sa iba kaya nga minsan ay nagkakaron ng mga di magagandang pangyayari tulad ng pag-aaway, pang-aabuso etc. na nauuwi minsan sa karahasan. Bawat tao ay karapat-dapat igalang anuman ang antas o estado nila sa buhay. Ito ay pagpapakita ng magandang pag-uuugali na maaaring maging magandang halimbawa upang tularan ng mga kabataan.