Laganap ang kahirapan sa bawat sulok ng mundo na nagiging dahilan upang matukso ang sangkatauhan na pasukin ang mundo ng prostitusyon. Kaalinsabay nito ang pang-aabuso ng ilang kalalakihan sa ibang kababaihan dahil bayad nila ito. Maaaring gusto o napipilitan lamang ang isang babae sa ganitong uri ng sistema. Ngunit nakakalungkot pa rin isipin na sa panahon ngayon ay marami na ang bukas ang isipan sa ganitong bagay. Bagamat may ilang bansa na regular at legal na sa kanila ang prostitusyon hindi pa rin nito mababago ang katotohanan na winawalang-hiya ng isang babae ang kanyang katawan upang magkapera lamang. Kung tutuusin maraming paraan para mabuhay sa malinis na paraan.
Kahulugan ng prostitusyon
Ang prostitusyon ay isang uri ng maruming trabaho kung saan nagbebenta ng aliw ang isang babae kapalit ng pera, bagay o isang kasunduan galing sa kanyang customer.
Mga dahilan ng kung bakit may tumatangkilik sa prostitusyon
Kahirapan
Isa sa mga dahilan ng mga babaeng nalulugmok sa ganitong sistema ay ang kanilang kahirapan sa buhay. Bagamat may ibang trabaho na maaari nilang pasukan mas pinipili nilang maging prostitute upang mapunan ang kanilang pangangailangang pinansyal. Sa hirap ng buhay may mangilan-ngilan na napipilitan pumasok sa ganitong uri ng trabaho para kumita lamang.
Edukasyon
Dahil sa kakulangan at kasalatan maaring mag-udyok sa isang babae na pumasok sa ganitong uri ng gawain upang makapagtapos lamang ng pag-aaral. Marami akong naririnig na nagpapagamit para sa pera para lang magkaroon ng pambayad sa kanilang tuition fee at ibang kailangan sa paaralan.
Katamaran
Maaaring isang dahilan kung bakit may mga babaeng pumapasok sa ganitong sitwasyon ay dahil na rin sa kanilang katamaran na gumawa ng ibang gawaing bahay katulad ng paglilinis, paglalaba at pagluluto. Kung tutuusin mas madali at magaan nga naman ang gawain sa prostitusyon kaysa sa mga gawaing bahay at ibang uri ng legal na trabaho.
Pagkakaroon ng karanasan at pang-aabusong sekswal
Dahil sa kanyang karanasan sa ganitong gawain ay naiisipan ng isang babae na pumasok sa ganitong trabaho dahil naiisip niya na wala na siyang maipagmamalaki sa kanyang pagkababae dahil nakuha na ng iba. Nawawalan ng pagpapahalaga sa sariling katawan ang babaeng dumaranas ng sekswal na pang-aabuso at nawawalan ng pag-asa at tiwala sa sarili na makabangon at makatayo sa kanyang sariling mga paa. Bumababa ang tingin nya sa kanyang sarili at tingin nya sa ganitong uri sya ng gawain nabibilang lamang.
Pagkalulong sa droga
May ilang mga kabataan ang nalululong sa droga na nawawalan ng katinuan sa pag-iisip at pumapasok sa ganitong uri ng trabaho upang mapunan lamang ang kanyang mga bisyo.
Impluwensya ng kaibigan o kakilala
Maaring mayroon syang kaibigan o kakilala na ganito ang uri ng pinagkakakitaan at nahikayat siya na bumilang sa prostitusyon. Maaaring nakikita nya na gumaganda ang estado nito sa buhay at napupunan ang pinansyal na pangangailangan kaya nahikayat sya na sumama dito.
Kawalan ng disiplina, gabay at pagpapabaya ng magulang
Kung naturuan sana ng pagpapahalaga sa sarili ang isang babae ay hindi niya kailanman maiisipan na pumasok sa ganitong uri ng sistema sa lipunan. Bilang magulang obligasyon natin na gabayan ang ating mga anak sa kanilang paglaki upang hindi sila maligaw ng landas. Kung lumaki man na walang magulang ang isang babae at wala rin gumagabay sa kanyang paglaki maaari ngang isa ito sa kanyang kahihinatnan.
Pornography
Ang kamalayan sa sekswal na gawain at maagang pagkamulat dito pati na rin ang panunuod ng mga porno ay maaring magbigay daan sa isang babae na pasukin ang ganitong uri ng mundo. Malaking salik ito na labis na nakakaapekto sa diwa ng isang sangkatauhan.
Epekto ng prostitusyon sa sangkatauhan
Mababa ang tingin sa sarili at tingin ng ibang tao. Maari din syang pandirihan ng ibang tao dahil sa kanyang maruming gawain.
Pagmumulan ng sakit katulad ng AIDS, HIV at STD.
Maaring makaranas ng iba't-ibang uri ng emosyonal na karamdaman katulad ng depression, trauma at matinding kalungkutan.
Kapag hindi nila nakayanang harapin ang katotohanan at kahihiyan na dulot ng ng pagiging bayaran maaari itong maging sanhi ng pagpapakamatay.
Naapektuhan nito ang tingin ng komunidad sa lahat ng mga kababaihan lalo na sa mga mahihirap.
Pinagmumulan ng away mag-asawa o pamilya.
Nakakalungkot isipin ang ganitong uri ng sitwasyon ngunit wala tayong magagawa kundi ipagdasal na lamang ang mga taong nasasadlak sa ganitong uri ng gawain na mabuksan pa ang kanilang isipan upang itigil nila ito at maghanap ng pagkakitaan sa malinis na paraan. Ang mga babaeng dapat sana ay minamahal at iginagalang ngayon ay inaabuso at pinandidirihan. Kung mayroon lang sana na sapat na pangaral at proteksyon ang gobyerno laban sa ganitong pamamalakad maraming babae ang masasagip at mabibigyan ng panibagong pananaw sa buhay.
Bilang isang babae hindi ko rin lubos na maintindihan kung bakit may mga babaeng pumapayag sa ganitong kalakaran. Hindi ko mawari ang aking pakiramdam kung magagalit ako sa ginagawa nila sa kanilang katawan gamit ang aming larawan ng mga kababaihan o maaawa dahil nasadlak sila sa ganitong gawain na maaaring ikapahamak ng kanilang buhay at kalusugan. Maraming paraan upang kumita ng pera sa malinis na paraan. Lagi nating isipin na ang buhay ay pansamantala lamang at hanggat binibigyan tayo ng pagkakataon at oras dito sa mundo gawin natin itong matuwid at makabuluhan. Sumunod sa pangaral ng magulang upang hindi maligaw ng landas at higit sa lahat panatilihin ang pagkakaroon ng takot at paniniwala sa Diyos upang mailayo ang sarili sa bawat anyo ng kasamaan.
I can't blame anybody who does prostitution. For some, prostitution means easy money. They do this because poverty. That's the bottom line.