Probinsya
Nasasabik akong masilayan muli ang tanawin sa aming probinsya. Malayong-malayo kung ikukumpara dito sa siyudad. Napaka-simple lamang ng buhay sa probinsya at tahimik. Maraming sariwang mga prutas at gulay, sariwa ang hangin at malalawak ang bukirin. Sagana sa mga root crops na nagiging pamalit sa bigas lalo na sa panahon ng tag-ulan. Nakakahalina ring pakinggan ang mga huni ng ibon sa paligid.
Camarines Sur ang probinsyang aking pinagmulan kung saan mayaman sa pili nuts at niyog. Niyugan ang isa sa pangunahing kabuhayan dito. Tinaguriang "puno ng buhay" ang niyog sapagkat lahat ng parte ng katawan nito ay napapakinabangan ng mga tao. Sagana din ang aming probinsya sa mga anyong tubig at yamang-dagat. Maraming mura at sariwang isda ang iyong makikita sa daungan at mga palengke. Iba't-ibang yamang dagat katulad ng mga sea shells, sugpo, alimango at malalaking isda ang makikita mong pinagkakaguluhan ng mga tao sa tabing dagat. Katulad ng nabanggit ko kanina mayaman din ang Cam. Sur sa pili nuts. Isa ito sa mga sikat na produkto namin na madalas mong makikita sa mga bus terminal. Madalas itong gawing pasalubong ng mga turista sa kanilang uuwiang bayan. Marami kang makikitang produkto na gawa sa pili nuts katulad ng pili tarts, coco jam with pili nuts, pili nut bristle, at pili nuts in a jar( Honey glazed and/or salted). Kilala din ang aming probinsya sa aming signature dish na Bicol express. Ang Bicol Express ay isang lutuing Pinoy na ang main ingredients nito ay pork, gata at sili.
Lalo kong nami-miss ang probinsya namin ngayon dahil mahigit limang taon na akong hindi nakaka-uwi sa amin. Nakaka-usap ko lang ang aking mga magulang at iba ko pang kapatid sa pamamagitan lamang ng video call. Nakakalungkot isipin na minsan ay nakakauwi lamang ako sa aming probinsya tuwing may patay. May sarili na rin kasi akong pamilya ngayon kaya mahirap na para sa akin ang gumastos pauwi. Lalo na at malayo ang byahe, natatakot ako minsan para sa kaligtasan ng aking mga anak. Minsan sumasagi sa aking isipan na doon na lang manirahan subalit isa sa pumipigil sa akin ay ang hirap ng buhay doon lalo na kapag tag-ulan. Wala halos ibang pinagkakakitaan ang mga tao doon kundi ang niyugan at bukid. Mahirap din ang transportasyon at malayo ang mga hospital. Hindi rin malinis ang tubig sa balon lalo na kapag umuulan ay lumalabo pa ito. Kung ako lang sana ay ayos lang sa akin ang sistema ng pamumuhay roon ngunit ang mga anak ko ang iniisip ko ngayon. Hindi sila sanay sa buhay-probinsya.
Laki ako sa probinsya at alam ko ang kalakaran doon. Sa una ay maayos lang naman ang pamumuhay doon ngunit habang tumatagal at lumalaki ang mga anak mo ay maghahanap ka ng paraan para umangat ang buhay niyo at mabigyan mo ng sapat na suporta lalo na sa edukasyon ang iyong mga anak. Masarap lang manirahan sa probinsya kung mayroon kayong kakayahan sa buhay at hindi ninyo poproblemahin ang mga biglaang gastusin. Ngunit kung kuntento kayo sa simpleng pamumuhay ay magandang manirahan sa probinsya kung saan malayo sa social media at mga kalayawan.