Sa araw-araw na pagpapala ng Diyos na muli nating masilayan ang napakagandang talinghaga ng buhay maliban sa kanya kanino mo ito iniaalay? Simula sa pagmulat ng mga mata, pagbangon sa higaan at paghigop ng mainit na kape para kanino nga ba? Ang mga layunin at tungkulin natin ay nagbibigay ng inspirasyon upang lalo nating pagbutihan. Ginagawa natin ito para sa mga mahahalagang tao sa buhay natin.
Para sa pamilya
Lahat gagawin natin para sa kanila. Pagmulat pa lang natin sa umaga nakalista na isip natin ang mga bagay na dapat gawin para sa kanila. Simula sa paghanda ng almusal, tanghalian at hanggang hapunan. Ang iyong pagpupursige na maiahon sila at matugunan mo ang araw-araw na pangangailangan nila ay isa sa mga dahilan ng pagbangon para sa panibagong pag-asa.
Para sa asawa
Isa sa mga nagbibigay inspirasyon sa atin sa bawat araw ng paggawa ay ang ating mga mapagmahal na asawa. Katulong natin sila para sa matibay na pundasyon ng ating pamilya. Ang kanilang walang sawang pang-unawa at pagmamahal ang nagbibigay buhay at lakas sa atin upang magpatuloy sa larangan ng buhay.
Para sa anak
Ang mga anak ang nagbibigay ng lakas ng loob upang tahakin ang nga balakid sa ating buhay. Lahat gagawin natin para sa kanila. Ang pagsisikap natin na mapagtapos sila ng pag-aaral ang magsisilbing gabay sa atin upang huwag sumuko sa hamon ng buhay.
Para sa magulang
Hindi natin dapat kalimutan ang ating magulang kahit pa magkaroon na tayo ng sariling pamilya. Malaking utang na loob ang tatanawin natin sa kanila. Simula sa pagpapalaki at paggabay nila sa atin noong tayo ay bata pa lamang at walang kamuwang-muwang dito sa mundong ibabaw. Ang kanilang tulong at pagsuporta ay dapat lamang nating masuklian.
Para sa kapamilya/kamag-anak
May mga kamag-anak man tayong hindi kasundo pero huwag natin kalilimutan na miyembro pa rin sila ng ating pamilya. Kadugo pa rin natin sila. Ang away pamilya ay natural lamang kung kaya't dapat alam natin kung paano magpatawad upang mapanatili ang katahimikan at pagkakasundo sa bawat sa pamilya. Ang pag-alala sa kanila ay magandang ehemplo at epekto sa mga bata at anak upang lumaki silang marunong kumilala sa mga kamag-anak at lumaking may respeto sa mga nakakatanda.
Para sa kaibigan
Para sa mga kaibigan nating hindi nakakalimot umalalay at sumaklolo kapag tayo ay may kailangan. Para sa mga walang sawang pagpapaalala at payo sa mga problema. Para sa masasayang pinagsamahan at pagsasama.
Para sa kapwa
Ang walang sawang pagtulong at pagpapakita ng pagkalinga sa kanila ay makakatulong upang hindi sila mawalan ng pag-asa sa buhay. Sa bawat ngiti na pinapakita natin nag ibigay ito sa kanila ng panibagong pag-asa upang magpatuloy kahit gaano pa kahirap ang buhay.
Para sa sarili
Unang una kaya tayo bumabangon para sa sarili nating kapakanan. Ang pagsimula ng mabuting paggawa sa umaga ay isang magandang hapon ang ating matatamasa. Hindi natin magagawang tumulong sa iba kung hindi muna natin tutulungang maitayo ang ating sariling mga paa.
Ang lahat ng ginagawa natin dito sa mundong ibabaw ay kaakibat na magandang hangarin sa buhay. Ang paggawa ng mabuti ay hindi kaylanman magbubunga ng masama. Kaya dapat huwag natin kalimutan ang pagtulong sa kapwa dahil isa ito sa mga obligasyon na dapat natin gawin at panindigan. Kapag alam natin na sila ay may pangangailangan matuto tayong makibahagi sa kanilang pinagdadaanan. Napakalaking bagay ito para magbigay sa kanila ng magandang pananaw sa buhay.
Habang binabasa ko to, nag eecho sa isip ko yung kanta sa commercial ng Nescafe.😅
Very inspiring article rosienne