Ang pagsasaka ang isa sa pangunahing kabuhayan dito sa Pilipinas. Ito ay isang uri ng trabaho ng pagbubungkal ng lupa at pagtatanim. Ngunit sa kabila ng kayamanan na taglay ng Pilipinas ay nanatili pa ring mahirap ang sektor ng bansa pagdating sa pagsasaka. Marami sa magsasaka ang nababaon sa utang kahit nagmamay-ari pa sila ng malalaking lupain. Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami na maliit lamang ang kita ng mga magsasaka na kung minsan ay nauuwi pa sa pagkalugi dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari katulad ng pagkakaroon ng peste at insekto sa mga pananim, pabago-bagong uri ng klima at pagdaan ng mga bagyo.
Narito ang ilang mga dahilan kung bakit mabagal ang pag-unlad ng industriya ng pagsasaka sa bansa
Kulang sa kaalaman at paggamit ng teknolohiya. Marami pa ring magsasaka ang gumagamit ng lumang kagamitan katulad ng palakol, araro at kalabaw. Hindi umuunlad ang kagamitan na lubos sanang kailangang mapunan upang mas mapabilis ang sistema ng pagtatanim at pag-aani ng mga gulay at iba pang uri ng mga pananim. Maraming mga magsasaka ang nagtatanim lamang kahit hindi buo ang kaalaman tungkol sa pagtatanim, pagpapalaki at pag-aalaga sa mga pananim.
Kakulangan ng suporta na natatanggap galing sa gobyerno. Malaking papel ang ginagampanang tungkuling ng pamahalaan sa pagpapayaman ng agrikultura ngunit hindi ito natutupad dahil na rin sa may ilang mga tiwaling opisyal ang ibinubulsa ang pondo na para sana sa sektor ng pagsasaka.
Ang pondong inilalaan ay hindi sumasapat sa pangangailangan ng mga magsasaka katulad ng fertilizer o pataba at mga pesticides kontra sa pagdami ng mga peste at insekto na sumisira sa mga pananim. At minsan ay nababaon pa sa utang ang mga magsasaka mapunan lamang ang mga pangangailangang ito at may anihin lamang pagdating ng tamang panahon ng pag-aani.
Pagdagsa ng dayuhang produkto. Nakaugalian na nating mga Pinoy ang pagkahilig at pagtangkilik sa mga produktong banyaga kung kayat isa rin ito sa mga nagiging dahilan ng pagbaba ng demand sa sariling produkto. Nagkakaroon ng malaking kakompetensya ang sariling bansa na dapat sana ay mas tinatangkilik ang sarili nitong produkto.
Ang Pilipinas ay daanan ng bagyo na nagiging dahilan ng pagkalugi ng maraming magsasasaka at mga namumuhanan. Marami din ang aktibong bulkan sa bansa na nakakaapekto sa ilang mga pananim katulad ng mga prutas at gulay. Maraming lugar na rin ang madalas makaranas ng matinding pagbaha na nagdudulot ng pagkamatay ng mga pananim at halaman.
Ang mga magsasaka ang pinagmumulan ng mga pagkaing inihahain natin sa ating hapag kainan. Dugo at pawis ang kanilang puhunan upang may maiambag lamang sila sa ating lipunan. Nagpapakahirap sila kahit maulanan man at maarawan. Sila ay tuloy pa rin sa paghahanap-buhay.
Ang larawan na nasa itaas ay ang aking dakilang nanay. Ang kopra at niyog ay isa rin sa pinagkukunan ng kabuhayan sa ilang lalawigan dito sa Pilipinas.
Hindi alintana sa kanya ang init ng araw para siya ay kumita lamang upang mapunan ang pangangailangan ng aking mga kapatid. Nakakalungkot isipin ngunit isa ito sa katotohanan ng sitwasyon na kanilang kinasasadlakan. Ito ay ilan lamang sa mga patunay kung gaano kahirap ang buhay ng isang magsasaka na umaasa lamang sa ani ng gulay, palay, niyog at iba pang pananim sa kapaligiran.
Ako at ang aking mga kapatid ay namulat sa isang mahirap na pamilya kung saan naranasan namin ang magbungkal ng lupa upang mapagtaniman ng mga gulay, saging, at root crops katulad ng kamote, ube at gabi. Mayroon din kaming maliit na palayan na tinatyagang araruhin ng tatay ko mag-isa. Nakikita ko kung gaano kahirap ang kanyang ginagawa. Kaya para sa mga nagsasabing tamad ang mga magsasaka at naghihintay lamang ng tulong ng gobyerno ay nagkakamali kayo. Sadyang mahirap lang talaga ang aming buhay at hindi mabilis ang aming pag-asenso. Minsan ay hindi rin sapat ang aming inaning palay para matustusan ang buwanang pangkonsumo dahil halos kulang pa itong pambayad sa nautang na pataba at pest control upang gumanda ang tubo at butil nito. Hindi biro ang hirap at pagod na tinatamasa ng mga magsasaka kumpara sa mga namumuhunan at consumer ng mga produkto. Minsan ay pawisan at puyat sa pagbabantay dahil sa mga magnanakaw at mga taong mapanlamang.
Sana dumating pa rin ang araw na mabigyan ng kaukulang pansin ang sektor ng pagsasaka upang matulungan na maiangat ang mga naghihirap nating mga kababayanan na matagal ng nagtitiis sa kakarampot na kita galing sa bukid at sakahan. Umaasa ako na magbabago ang istilo at sistema ng pamamalakad sa industriya ng pagsasaka at darating ang araw na uunlad ang mga kagamitan kasabay ang pagliwanag ng sikat ng araw at panibagong pag-asa sa ating mga magsasaka na matagal ng naghihirap upang tayo ay may makain lamang.
Saludo ako sa ating mga masisipag na magsasaka na walang sawang tumutulong sa pagpuno ng pangangailangan ng taong bayan!