Pagdidisiplina sa anak: Paano nga ba?

2 898
Avatar for rosienne
3 years ago

Hindi lang sapat na naibibigay ng isang magulang ang pangangailangang materyal ng kanyang anak. Ang pagpapalaki ng anak ay isang mahabang proseso na dapat maisakatuparan sa tamang pamamaraan. Ang pagdidisiplina sa anak ay isa sa pinakamahirap na gawain ng isang magulang lalo na sa panahon ngayon kung saan marami ng nakakaimpluwensya sa kanilang isipan habang sila ay lumalaki at nakakaunawa ng mga pangyayari sa kapaligiran.

Sa dami ng kategorya na maaaring makaapekto sa kanilang paglaki may ilang mga bagay na hindi natin mapipigilan dahil may mga pagkakataon na hindi nila tayo laging nakakasama at hindi natin sila nababantayan. Malaki rin ang impluwensya ng mga nakakasama o nakakasalamuha nila sa kanilang paglaki lalo na kung sa isang bahay ay hindi lamang kayo ang nakatira. Maaaring makatulong sa pagdidisiplina ang kanilang mga lolo at lola, at ang kanilang mga tito at tito ngunit sa kabiglaran ay maari din namang pagmulan ito ng hindi ninyo pagkakaunawaan. Hindi mo maiiwasan na makikialam ang mga kasama mo sa bahay sa pagdidisiplina sa iyong anak. Dahil dito nagkakaroon ng kampi-kampi at nagiging dahilan upang lumaki ang ulo ng iyong anak. Ito ang dahilan kung bakit mas ipinapayo sa mag-asawa na magkaroon ng sariling bahay upang walang makikialam sa mga desisyon nila sa buhay lalo na pagdating sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.

Ano nga ba ang mga kailangang gawin ng isang magulang upang madisiplina ang anak?

  • Ang pagdidisiplina sa anak ay kinakailangan ng mahabang pasensya. Minsan ang bata ay mahirap turuan lalo na kung mas pinipilit nila ang kanilang gustong gawin kahit ilang beses mo ng pinagbabawalan. Dito masusubok ang iyong pasensya. Likas na sa mga bata ang makulit at malikot ngunit marunong din naman silang makinig lalo na kapag sila ay iyong pinakiusapan. Maaari mo din silang paluin kung hindi na madaan sa salita at pakiusap.

  • Kinakailangan ay mayroon kang isang salita. Kapag sinabi mong puwede at hindi puwede sa iyong anak ay dapat mo itong panindigan. Kapag pinagbawalan mo sila sa isang bagay tiyakin mong hindi magbabago ang pasya mo ukol dito upang huwag silang malito sa dapat at hindi dapat nilang gawin.Dapat ikaw ang masusunod dahil ikaw ang magulang.

  • Kung gusto mong lumaking mabuti at mabait ang iyong anak kinakailangan na ikaw mismo ang nagpapakita ng mabuting pag-uugali lalo na sa kanilang harapan. Tandaan na ikaw ang magsisilbi nilang huwaran kaya nararapat na saiyo mismo nanggagaling ang mga mabuting gawain na dapat nilang gayahin. Ikaw ang maghuhubog ng kanilang pagkatao. Ikaw ang magtuturo ng mga tama at dapat gawin. Iiwas mo sila sa mga masasamang salita at gawain. Iwasang magtalo sa kanilang harapan at magbitaw ng mga masasamang salita na maaari nilang gayahin. Tandaan "Children are great imitators".

  • Huwag mong ikukumpara ang iyong anak sa iba dahil dito magsisimula ang pagkakaroon ng alinlangan ninyo sa isa't-isa. Ikaw, bilang isang magulang ayaw mo ring ikinukumpara ka sa ibang magulang kaya dapat huwag mo itong gawin sa iyong anak. Malaking epekto nito sa kanilang paglaki, maaaring bumaba ang kanilang tiwala sa sarili, magtanim ng sama ng loob at mainggit sa ibang bata. Alam naman natin na walang magandang maibubunga ang inggit na dulot ng pagkukumpara. Kahit sa magkakapatid iwasan mong ikumpara sila dahil likas na sa tao ang pagkaiba-iba. Mayroon silang kanya-kanyang kahinaan at kakayahan. Tulungan natin silang malinang ang kani-kanilang kakayahan at talento upang mapayaman ito.

  • Ang pagdidisiplina sa anak ay pinaglalaanan ng mahabang panahon at pinagsisikapan. Hindi sapat na masabihan o mapagalitan mo lang ng isang beses. Kung kinakailangang ulit-ulitin araw-araw, gawin ito upang matandaan nila ang mga bagay na dapat at hindi dapat dalhin sa kanilang paglaki. Hanggat maaari huwag ipagkatiwala sa iba ang pagpapalaki sa anak dahil mahirap ng disiplinahin ang tao kapag nangangatwiran at may sapat ng kaalaman sa mundo.

  • Hindi sapat ang pagsaway ng magulang sa anak. Kinakailangan nating ilapit sila sa Dios. Gaya ng sinasabi ng banal na kasulatan sa:

Kawikaan 22:6

"Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan"

Ito ang aral na dapat maituro din natin sa ating mga anak, ang salita ng Dios. Ang anak na may takot sa Dios ay may takot din sa magulang. Hindi ka mahihirapang disiplinahin ang isang bata na marunong kumilala sa Dios dahil marunong din siyang kumilala sa matuwid sa paraan. Habang bata pa lamang sila sanayin na natin silang sumunod sa utos ng Dios upang mamulat sila sa katotohanan at hindi sila maakay ng mga bulaan mangangaral.

Sa totoo lang, marami akong pagkukulang sa aking mga anak at hindi ko sila natuturuang mabuti. Gayunpaman, sinisikap ko pa ring maging isang mabuting ina upang mapalaki ko silang maayos at marunong gumalang sa kahit sino man. Nagtutulungan kaming mag-asawa upang maipaunawa sa aming mga anak ang mga bagay-bagay. Labis ang aming pag-iingat sa pagbitaw ng mga salita na maaring gayahin ng mga bata lalo na kapag kami ay nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Hindi madali ang magpalaki sa anak ngunit sa bandang dulo ng ating paghihirap ay may naghihintay na matamis na tagumpay. May kanya-kanya tayong paraan sa pagdidisiplina ngunit gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang mailayo sila sa ng anyo ng kasamaan at turuan natin silang kumilala sa Dios Amang lumikha ng sanlibutan. Gawin natin lahat ng bagay na may pag-ibig at bukal sa ating kalooban.

4
$ 6.29
$ 6.29 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments

Rapado baga ang abot pag madunong🤣. Others told me that discipline is only for animals, I disagreed!

$ 0.00
3 years ago

Discipline is for human to not act like an animals..😁

$ 0.00
3 years ago