Ang pag-iisang dibdib o pag-aasawa at pagpapakasal ay isang seremonya sa magkatipan upang pag-isahin ng banal na espiritu sa pamamagitan ng aral ng Dios na lumikha na gumagamit ng kasangkapan na magbabasbas sa magkasintahan. Ito ay maaaring ganapin sa simbahan o di naman kaya ay lugar na kung saan gusto ng ikakasal. Maari ding magpakasal sa huwes kung mas gusto mong makatipid. Ang pagpapakasal sa huwes ay kadalasang isinasagawa ng kinatawan ng pamahalaan. Dito sa Pilipinas madalas ay mayor ang nagkakasal at sa kanyang opisina mismo ito isinasagawa. Mayroon din namang libreng kasal o mas kilala sa "Kasalang bayan". Ang kasalang bayan ay madalas idinaraos sa isang malawak na lugar na maaring magtipon-tipon ang mga nag-iibigan na sabay-sabay tatanggap ng basbas galing sa huwes at mangangakong magsasama habang buhay sa hirap at ginhawa at sa sakit man o kalusugan.
Ang pag-aasawa ay isang napakakomplikadong desisyon sa buhay kung kaya dapat mo muna itong pagnilay-nilayan. Pag-isipang mabuti ang bagay na ito bago mo pasukin dahil hindi ito laro lamang. Huwag kang papasok sa sitwasyong ito na ikaw ay napipiltan lamang.
Bagamat dito sa Pilipinas ay marami pa rin ang napipilitan magpakasal dahil sila ay nabuntis o nagalaw na. Ang magulang mismo ang nagdedesisyon na ipakasal ang kanilang anak sa nobyo nito na nakabuntis o nakagalaw. Kung tutusin hindi ito sapat na batayan para ipakasal ang isang magkasintahan lalo na kung hindi pa sila handa na magsama bilang mag-asawa. Kadalasan sa ganitong sitwasyon ay nauuwi lamang sa hiwalayan dahil sa mahinang pundasyon ng samahan at pag-iibigan.
Mahalaga sa pag-aasawa ang pagiging handang emosyonal, mental at pinansyal. Ang pagmamahal ang dapat na nangungunang dahilan at sentro ng pagpapakasal hindi ang kung anu-anong mga dahilan. Ang pagmamahalan ninyo ang magbibigkis at magpapatibay ng inyong relasyon, pagsasama at pagbubuo ng pamilya. Nakakalungkot lamang isipin na marami ang nakakaranas at biktima ng hiwalayan dulot ng mga mabibigat na problema at kanya-kanyang dahilan ng mag-asawa. Marami ang nauuwi sa sakitan na dulot ng matinding away ng mag-asawa kapag hindi na nagkakaintindihan at nawawalan na ng pagmamahal sa isa't-isa. Kaya kung ikaw ay mag-aasawa pag-isipan mo muna ng maraming beses kung ikaw ay nakahanda ng pumasok sa sitwasyon na hindi mo maaaring takasan.
Laging tatandaan na bawat desisyon mo ay may kalakip na maganda at hindi magandang kahihinatnan na dapat mong paghandaan.