Paano nga ba mag-ipon?
Isa sa napakahirap gawin ng isang ordinaryong empleyado ay ang mag-ipon. Minsan hindi pa sapat ang minimum na sahod para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan lalo na kapag pamilyadong tao ka pa at mayroong pinag-aaral na mga anak. Naranasan kong magtrabaho at mangupahan ng mag-isa. Napakahirap mag-budget dahil minsan kapos talaga. Sa sahod ko halos kakaunti na lamang ang natitira pagkatapos kong magbayad sa boarding house at maglaan ng para sa pagkain at allowance tuwing papasok sa trabaho. Mag-isa pa lang ako ng panahong iyon pero hindi ako nakapag-ipon. Bukod kasi sa pang-araw-araw kong pangangailangan ay nagpapadala din ako ng pera sa aking mga magulang sa probinsya. Kaya iniisip ko ngayon kung paano pa ako makakapag-ipon na wala naman akong trabaho at mayroon kaming limang anak na dapat paghandaan. Hindi biro ang magpalaki ng mga anak. Kailangan ng malaking halaga para sa araw-araw na gastusin, para sa kanilang pag-aaral at emergeency funds. Ngunit paano nga ba makakapag-ipon kung isa lang sa aming mag-asawa ang mayroong trabaho at hindi pa regular?
Naisip ko ang mga bagay na nasa ibaba upang maging gabay ko sa aking pag-iipon.
1) Magtipid at magtiis sa kung magkano ang kinikita ng asawa at tipirin ito. Huwag bumili ng mga bagay na hindi naman kailangan.
2) Kahit gaano kaliit ang kinikita ay mag-ipon o maghulog sa alkansya kahit pabarya-barya. Ang barya kapag naipon ay lumalaki din ang halaga kaya huwag maliitin kung barya lang ang iniipon mo.
3) Iwasan tumingin sa mga online selling platform katulad ng SHEIN, shoppee at lazada pati na rin ang manood ng live selling sa facebook at instagram. Lumayo sa mga ito upang huwag matukso na bumili. Tandaan mo na nag-iipon ka at nagtitipid ka.
4) Huwag gumastos ng sobra sa pagkain. Kapag nagugutom kumain ng pagkain na nakahain sa lamesa at huwag ng maghanap ng iba pang pagkain. Huwag ng umorder online o kahit pa saan. Magtiis ng kung anong pagkain ang mayroon sa bahay. Tandaan mo na hindi ka mayaman at gusto mong makapag-ipon kaya tiis tiis muna.
5) Kausapin ang asawa at mga anak na kailangan nyong magtulungan upang makatipid at mapagkasya ang perang kinikita araw-araw.
6) Kapag nagkaroon ng pagkakataon na kumita ng malaki ay itabi agad ang pera na dapat ay mapunta sa savings at iwasan ito na gastusin at kuhanin.
Alam kong mahirap din itong gawin at hindi ko tiyak sa aking sarili kung masusunod ko ba ang mga gabay na nasa itaas dahil minsan ako ay hindi marunong magkontrol sa aking sarili lalo na kapag ako ay naghahanap ng pagkain. Minsan mas gusto kong magpabili ng pagkain sa labas o fast food kaysa kumain ng lutong bahay.insan kasi sa dami ng problema idinadaan ko na lang sa kain. Ang pagkain ang nakakapagpagaan ng loob ko sa tuwing ako ay may dinaramdam at dala-dalang mabigat na pasanin. Ngunit susubukan ko ang lahat ng nabanggit sa taas upang makapag-ipon para sa aking mga anak.
Mag-iipon ako kahit pabarya-barya upang may madukot kapag kailangan. Mahirap pero kakayanin. Mas mahirap kapag walang ipon at hindi iniisip ang hinaharap. Kaya malaking pasasalamat ko sa read.cash at noise.cash na patuloy na sinusuportahan ang mga katulad ko na nanay. Malaking tulong ito para sa aming upang may panggastos para sa mga anak at sarili na hindi na kailangan pang humingi sa asawa. Kahit papaano ay nagkakaroon ako ng financial freedom kahit minsan lang at kahit kailunti lang.