Paano mo masusukat ang totoong pagmamahal?
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko bakit ito ang napili kong topic ngayon. Malayong malayo ito kumpara sa mga ginawa kong artikulo noong mga nakaraang araw. Pero susubukan kong maipaliwanag ng mabuti ang kahulugan ng totoong pagmamahal sa pamamagitan ng pagpahayag base sa aking karanasan. Hindi ako eksperto sa larangang ito ngunit sisikapin ko na maibahagi sa inyo ang kahulugan nito at mga bagay na sumasaklaw dito.
Hindi masusukat ang totoong pagmamahal sa isang magarbong handaan ng kasal lalo na kung ang dahilan ng pagpapakasal ay nabuntis ang babae ng hindi inaasahan. Napansin ko lalo na sa mga probinsya kapag nalaman na nagalaw o nabuntis na ang babae ay agad nila itong ipapakasal sa lalaking responsable dito. Ngunit hindi nila inisip kung ano ang magiging epekto nito sa pagsasama ng mag-asawa. Maaring mapabuti ngunit karamihan ay nauuwi lang naman sa hiwalayan. Alam nyo ba kung bakit? Unang-una dapat kasi kapag magpapakasal ay pareho nyong gusto hindi dahil kailangan lang. May ilan na napipilitan magpakasal dahil nga buntis na ang babae pero hindi dahil sa gusto nila. Ako bilang isang babae mas gugustuhin ko na ikasal ako kahit pagkatapos ng manganak o kapag nakasama ko na sa isang bahay ang mapapangasawa ko. Yung lubusan mo na syang kilala at alam mong hindi ka nya kayang saktan ng pisikal.
Ako at ang aking asawa ay may apat na anak na ngunit hindi pa kami kasal. Anim na taon na kaming nagsasama at marami na rin kaming pinagdaanang pagsubok at problema ngunit sa kabila ng lahat ng yun ay nananatili pa rin kaming matatag para sa isa't-isa. Hindi nyo maiiwasan na magkaroon ng problema kayat kung dumating man sa punto na maharap kayo sa isang mahirap na sitwasyon iwasan nyo ang magsumbatan bagkus kayo ay magtulungan na malutas ang problema.
Ang totoong pagmamahal ay hindi marunong manumbat lalo na pagdating sa mga materyal na bagay at pera. Kung mayroon ka man naibigay sa iyong kapareha dapat mananatili yun na bigay mo sa kanya hindi para maging utang na loob nya iyon saiyo. Kung talagang mahal mo sya maluwag sa iyong puso ang pagbibigay sa kanya ng lahat ng bagay. Ibibigay mo ito ng kusa at walang walang hinihinging kapalit.
Ang totoong pagmamahal ay marunong magparaya. May mga bagay at pangyayari na dapat pinag-uusapan ngunit mayroon din naman na sa pamamagitan ng pakiramdam ay nagpaparaya ka na agad para wala ng away.
Kung totoong mahal mo ang isang tao hindi mo sya kayang saktan ng pisikal lalo na kung ikaw ang lalake. Ang lalake ay dapat pinoprotektahan nya ang kanyang asawang babae hindi sinasaktan. Utos ng Dios sa lalake na ibigin ang kanilang asawa na gaya ng kanilang sarili at ang babae naman ay dapat magpasakop sa asawang lalake dahil ang lalake ang dapat mamuno sa isang pamilya kaya nga sya ang tinatawag na haligi ng tahanan. Kaya dapat lalake ang masusunod lalo na kung tama at para sa ikabubuti ng lahat ang kanyang ginagawa.
Dapat mahaba ang iyong pasensya o pang-unawa. Hindi ka dapat agad nabubugnot, naiinis o nagagalit. Ang taong may pagmamahal ay may mabuting puso. Ang may mabuting puso ay umuunawa.
Tingnan mo sa iyong asawa ang kanyang mga nagawang kabutihan hindi ang kanyang mga pagkukulang. Kapag ang mga pagkukulang nya ang iyong laging napupuna hindi kayo magkakaroon ng katahimikan sa bahay, lagi kang manunumbat ng mga bagay na hindi nya nagagawa at ikukumpara mo sya sa iba. Ito ang kadalasang pinagmumulan ng away kaya dapat marunong kang magpahalaga sa mga bagay na kanyang ginagawa. Huwag mong laging silipin ang kanyang mga pagkakamali bagkus unawain mo na lang.
Minsan madali lang magsalita ngunit mahirap manindigan pero once na nag-commit kana wala ng bawian at atrasan. Dapat alam mo ang mga salitang iyong binitawan. Dapat mayroon kang paninindigan lalo na kung ikaw ay lalake dahil ikaw ang magdadala ng iyong pamilya. Hindi mo dapat hayaan na mahirapan ang iyong mapapangasawa sa sitwasyon na ibibigay mo sa kanya.
Tandaan ang totoong pagmamahal ay hindi nasusukat sa salita lamang o sa pagsabi ng "mahal kita" araw-araw, makikita mo ito sa kilos o gawa ng isang tao para saiyo. Isang magandang halimbawa din ng isang relasyon kapag ang Dios ang ginawa nyong sentro ng inyong relasyon.
Bago matapos ang artikulong ito nais kong mag-iwan sa inyo ng isang tanong.
Kung ikaw ang tatanungin, sino ang pipiliin mo "ang taong mahal ka o ang taong mahal mo?"