Hindi madali ang makipagsapalaran sa araw-araw na buhay natin ngayon. Minsan napakahirap umahon sa isang sitwasyon na ating kinalalagyan. Madami ang nagkakaroon ng mga hindi pagkakaunawaan dahil may kanya-kanyang opinyong ipinaglalaban. Ngunit paano nga ba tayo makakaiwas na magkaroon ng kaaway sa trabaho, eskwelahan o sa ating tahanan? Narito ang ilang mga salik na dapat bigyan ng kauukulang pansin upang mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa kapaligiran.
Iwasan magyabang sa mga bagay na mayroon ka na wala ang iba. Maaring mabawasan ang mga taong maniniwala at nais makipagkaibigan saiyo.
Huwag ugaliin ang pagiging sinungaling. Isa sa mga ugat ng away ay ang kasinungalingan ng isang tao na maaaring magdulot ng labis na pinsala sa isang samahan.
Magpakatotoo bilang tao, kaibigan at kapamilya. Kapag totoo ka sa iyong mga kasama matatanggap ka nila ng buo.
Iwasan ang pagiging maiinitin ang ulo at bugnutin.
Huwag hamunin ang sinuman.
Manatiling kalmado sa lahat ng sitwasyon lalo na kapag ikaw ay napuna o napagalitan.
Maging mahinahon sa bawat pagbitaw ng mga salita sa iyong kapwa.
Huwag maliitin ang mga tao sa iyong paligid o mga kasama sa bahay. Mayroon tayong kanya-kanyang kahinaan na dapat unawain ng bawat isa at magtulungan upang umunlad ng sama-sama.
Iwasan ang pagkakaroon ng inggit lalo na sa trabaho at huwag maging sipsip sa mga nakakataas na katungkulan.
Maging maunawain sa mga bagay-bagay at pangyayari sa iyong kapaligiran.
Maging mapagpakumbaba at magalang sa iyong mga nakakasalamuha.
Iwasan ang pagbibiro ng hindi maganda o pagbibitaw ng mga salita na ikakasama ng loob ng iyong kapwa.
Humingi ng tawad kpag ikaw ay nagkakasala at humingi ng paumanhin kapag ikaw ay may bagay na hindi nagawa o hindi mo nakayanan tapusin.
Isa sa mga bagay na hindi ko ninanais ay ang magkaroon ng kaaway. Hindi bale ng mahirap ang buhay basta wala lamang kaaway. Napakapayapa sa isip at puso kapag walang kaaway. Magaan at masarap sa pakiramdam kapag ang lahat ng taong nasa paligid mo ay iyong kasundo. Bagamat hindi man sa lahat ng pagkakataon ay mauunawaan ka ng mga tao sa iyong nilalakaran magpatuloy lamang sa paggawa ng kabutihan at huwag bigyang pansin at oras ang mga taong nais kang guluhin at awayin lamang. Hindi man natin makasundo ang lahat ng tao sa paligid natin magpakita na lamang tayo ng kabutihan sa kanila upang gantihan din tayo ng mabuti.
Hindi man tayo perpekto ngunit magagawa natin ang mga bagay ng may kaayusan at kapayapaan sa ating mga puso at isipan. Kung mayroon mang gumagambala sa iyong kaisipan at pinag-iisip ka ng masama laban sa iyong kapwa ikaw ay manalangin sa Dios upang ikaw ay matulungan na mapagtagumpayan ang tukso at gawaing masama.