Oka Tokat
Mahilig ka ba sa mga katatakutan? Mga kwentong puno ng kababalaghan at parang nais mong malaman kung mayroon nga bang katotohanan. Mga haka-haka na ipinagkalat ng sinuman upang mapag-usapan ng buong bayan.
Naalala ko noong bata pa ako isa sa mga inaabangan noon ang Oka Tokat. Ang Oka Tokat ay isang sikat na horror drama dito sa Pilipinas na ipinalabas noong 1997 hanggang 2002. Ito ay ipinapalabas tuwing Martes ng gabi linggo linggo. Marami ang nakaabang sa horror drama na ito kahit puno ng katatakutan. Ang isa sa mga nagpapasabik sa mga manonood ay tuwing magkakaroon ng eksena na may multong biglang lilitaw at mga music back ground na nagdaragdag ng pagkagulat at pag-abang sa bawat eksena na nagdadala sa mga manonood upang mapasigaw. Hindi man nito mapantayan ang mga sikat na horror movie sa kasalukuyan ay nag-iwan naman ito ng marka sa isip at puso ng mga Pilipinong tumangkilik nito noong kapanahunan.
Bigla kong napagtanto na ang "Oka Tokat " pala ay kabaligtarang salita ng Takot ako. Bata pa ako ng mga panahong iyon na kasikatan ng horror drama na na Oka Tokat. Natatandaan ko na nakikipagsiksikan pa ako sa mga nanonood sa kapit-bahay namin upang makapanood lamang nito, kahit halos di na ako makauwi ng bahay dahil sa takot. Wala kaming kuryente noon, walang tv at kahit anong appliances. Ang bahay namin ay gawa sa kahoy at anahaw lamang. Kaya kailangan ko pang mangapit-bahay upang makapanood lamang. Habang tinatahak ko noon ang daan pauwi ay nanginginig ang aking tuhod sa takot dahil sa mga eksena na napanood ko sa Oka Tokat. Subalit, kahit ganunpaman ang nangyayari pagkatapos kong manood ay hindi pa rin ako nadadala at patuloy pa rin ang panonood na parang gustong-gusto ko na tinatakot ko ang aking sarili.
Hindi mapapantayan ang mga alaala na dala-dala ko ngayon. Kahit mahirap lang kami at marami ang problemang pinagdaanan ng aking pamilya ay hindi ko pa rin maikukubli ang makabuluhang alaala na tumatak sa aking isipan. Mga bagay at pangyayari na hindi ko makita sa lugar na kinalalagyan ko ngayon. Ang buhay probinsya ko noon ay hindi mapapantayan ng mga materyal na bagay na makikita sa sanlibutan. Ang saya, tawa, pagkagulat at takot na naramdaman ko noon ay makatotohanan hindi katulad ngayon na halos problema na lang ang laman ng aking isipan. Wala ako halos maramdamang saya sa aking puso at isipan dahil lagi ko na lang naiisip ang kinabukasan. Hindi na kailanman maibabalik ang nakaraan ngunit ang mga alaala ay mananatili sa aking isipan katulad ng horror drama na Oka Tokat na kahit ilang dekada na ang dumaan ay nakataytak pa rin sa aking isipan.