Normal delivery at Caesarian Section

0 43
Avatar for rosienne
2 years ago

May dalawang uri ng panganganak ang normal delivery at caesarian section. Magkaibang proseso ngunit parehong delikado. Sabi nga nila kapag nanganganak daw ang isang babae ay nasa hukay ang isa nyang paa. Maari kasing malagay sa bingit ng kamatayan ang isang nanganganak lalo na kapag tumaas ang blood pressure nito o ang tinatawag na preeclampsia. Kaya napakahalaga ang buwanang pagpapasuri sa doctor or obgyne upang matiyak ang kalusugan ng mag-ina at makita ang mga bagay na dapat paghandaan sa pagsapit ng kabuwanan o due date.

Sa aking kalagayan at sa loob ng aking apat na pagbubuntis laking pasasalamat ko sa Dios dahil nairaos ko sila ng normal delivery. Kapag normal delivery ito ay ang panganganak sa pamamagitan ng puwerta na kung saan makakaranas ka ng pagli-labor ng ilang oras o araw hanggang sa lumabas ang iyong baby. Kapag normal delivery ay kailangan ay marunong kang umere ng maayos upang masabayan mo ang contractions kapag sinabi na ng midwife o doctor na push ay dapat sumunod ka. Kailangan mong tiisin ang sakit upang mailabas mo ng maayos ang sanggol. Masasabi kong ang panganganak ang isa sa mga naranasan kong pinakamasakit na pangyayari sa aking buhay ngunit noong nasilayan ko na ang aking mga anak ay napawi ang aking hirap at sakit na nararamdaman. Parang musika ang kanilang pag-iyak. O

Sabi ng karamihan mas madali daw ang manganak via Caesarean Section kasi hindi kana magli-labor. Hindi mo na mararamdaman ang sakit kasi may anesthesia ka kapag nanganak. Ang aking pinsan ay CS sya sa dalawa nyang anak. Noong sya ay magbuntis sa kanyang panganay iniisip nya na CS na lamang kasi ayaw nya daw mag-labor. Kapag nagli-labor kasi yun ang pinakamatindi mong mararamdaman na sakit dahil dahan dahan ng bumubuka ang cervix dahil malapit ng lumabas ang baby.

Noong sumapit na ang kanyang due date, 40 weeks na ang kanyang tiyan noong makaramdam sya ng paghilab o labor. Hinding-hindi nya daw makakalimutan iyon dahil 10 hrs syang nag-labor. Sobrang hirap at sobrang sakit, magdamag syang nag-labor ngunit hindi bumaba ang baby kaya napagdesisyunan nila nai-CS na lamang sya.

Ang buong akala nya ay madali lang ang caesarean section pero hindi daw pala. Sobrang sakit din sa tiyan at balakang pero kailangan mong tiisin ang lahat ng iyong mararamdaman upang maging maayos ang pagturok ng anesthesia dahil delikado ito kapag nagkamali. Pagkatapos nyang maturukan ay unti-unti ng namanhid ang kanyang pakiramdam. Nilagyan din sya ng dextrose at oxygen. Hindi nya nakita ang operation na ginawa sa kanya dahil may nakaharang na tela pero naririnig nya daw ang mga tunog ng kagamitan. Mas nanaisin mo daw matulog para maiwasan ang pagkanerbyos lalo na at hihiwaan ang iyong tiyan upang mailabas lamang ang iyong sanggol. Nakatulog sya habang ino-operahan at nagising na lamang sya noong nakalabas na ang baby at inilapit ito sa kanya. Nakatulog sya ulit at nagising sya na nasa recovery room na. Tumulo ang kanyang mga luha dahil naisip nya ang hirap na kanyang pinagdaanan sa panganganak. Hinanap nya agad ang asawa nya ngunit sinaway daw sya ng nurse na wag magsalita dahil papasukin sya ng hangin. Hindi sya makagalaw at walang pakiramdam ang kanyang pang-ibabang katawan.

Bago tanggalin ang dextrose dapat naka-utot kana kaya kahit masakit pa ang tahi mo kailangan mong gumalaw-galaw na. Bawal din agad uminom ng tubig at kung iinom man ay dapat ay unti-unti lang. Akala ng iba madali lang kapag caesarean section pero hindi nila alam na mas masakit ito kaysa normal delivery dahil matagal maghilom ng sugat at tahi. Kailangan mo mag-ingat upang hindi bumuka ang tahi at magkaroon ng impeksyon. Soft diet lang muna ang irerekomwnda sayong mga pagkain. 3-5days lang nagtatagal sa ospital kalimitan ang isang babaeng na-CS.

Caesarean o normal delivery man ang paraan ng panganganak ay hindi matatawaran ang sakripisyo ng isang ina upang mai-labas lamang ng maayos ang kanyang sanggol. Parehong masakit at mahirap pero ang lahat ng hirap na ito ay mapagtatagumpayan mo sa pamamagitan ng suporta ng iyong asawa, mga kasama sa bahay at kaibigan. Tamang pangangalaga sa sariling katawan pagkatapos manganak, balanced diet at maraming tubig at gatas upang bumalik agad ang nawalang lakas noong ikaw ay nanganak.

Ang pagiging isang ina ay panghabam-buhay na propesyon na hindi kayang higitan ng kahit sino man.

1
$ 0.95
$ 0.95 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments