Naniniwala ka ba na may Diyos?

0 1524
Avatar for rosienne
4 years ago

Marami sa mga tao ngayon ay abala sa materyal at makamundong mga bagay. Nababalewala ang pananalig at pananampalataya. Mas binibigyan ng daan ang ikasisiya ng katawang pisikal kaysa ng kaluluwa. Nagdadasal na lamang kung may kailangan at trahedya. Nabawasan ang pangangailangan na makalapit sa Diyos dahil nakikipagsabayan sa uso at sa mga kaibigan. Nasosobrahan sa luho at kalayawan at pinabayaan at isinasantabi ang mga pangangailangan.

Bakit may mga atheist o mga hindi naniniwala sa Diyos?

Sa aking palagay malaki ang epekto ng komunidad o ng kapaligiran ng isang tao upang maapektuhan ang kanyang paniniwala at pati na rin ang tradition at kultura ng bawat bansa. May mga nakikita akong larawan at video na nagpapakita na may mga taong sumasamba sa hayop katulad ng baka at daga na pinaniniwalaan nilang nagbibigay sa kanila ng swerte at buhay. Pati na rin ang mga taong naniniwala na galing daw ang tao sa unggoy. Ngunit paano mo maipapaliwanag ang mga unggoy na hanggang ngayon ay unggoy pa rin?

Kung mapapansin nyo rin may mga tao ngayon na kung anu-ano na lang ang kinakain dahil naniniwala sila na makakatulong ito sa kanilang kalusugan ngunit hindi nila alam na pinagmumulan ito ng mga sakit katulad ng ebola virus sa paniki. Ito ay dahil sa kawalan ng mga turo at banal na aral. Mas naniniwala sila sa sarili nila kaysa sa mga nasusulat sa bibliya.

May mga taong naniniwala sa Diyos ngunit hindi naman sumusunod sa aral. Katulad ng huwag kang magnanakaw, mangalunya, pumatay at igalang mo ang iyong magulang. Sa panahon natin ngayon ay talamak ang nakawan kahit saang lugar, maraming manlolokong babae at lalaki na nagagawang talikuran ang pamilya para sa pansariling kasiyahan. Maraming hindi na nakokonsensya na gumawa ng mga karumal-dumal na krimen at maraming mga anak ang hindi marunong tumalima sa kanilang mga magulang.

Nasaan na ang iyong pananampalataya kaibigan? Habang may panahon pa ikaw ay magbago na at tanggapin ang aral ni Hesus upang makamit ang buhay na walang hanggan.

May iba't-iba tayong paniniwala tungkol sa Diyos. Huwag lang tayong makakalimot sa kanya na mag-alay ng dasal at panalangin lalo na sa panahon natin ngayon na maraming sakuna at trahedya ang nangyayari sa bawat paglipas ng araw. Humingi tayo ng kapatawaran kapag tayo ay nagkakamali, nagkukulang at nagkakasala. Matuto tayong magpatawad at magpakumbaba sa ating kapwa dahil tayo ay pinapatawad din ng Diyos kapag tayo ay nagkakasala. Hindi man natin sya nakikita ngunit nararamdaman natin ang kanyang presensya. Ang paggising natin sa bawat araw ay isang patunay na may Diyos na sa atin ay gumagabay. Ang masilayan at makasama nating muli ang mga mahal natin sa buhay ay isang napakalaking pagpapala mula sa kanya.

Ibabahagi ko sa inyo ang aking kaunting kaalaman na magpapatunay na may Diyos na lumikha ng sanlibutan.

  • Ang mga materyal na bagay na gawa ng tao lahat ay may paliwanag ng pinagmulan, lahat ay may katapusan ngunit ang gawa ng Diyos ay tunay na kamangha-mangha at walang katulad.

*Ano sa palagay mo ang nauna ang itlog o ang manok?

Kung ang sagot mo ay itlog paano ito mapipisa o magiging sisiw kung walang inahin na maglilimlim sa kanya? Ngayon pinapaubaya ko na sa iyo ang sagot sa katanungang ito.

Maliwanag na gawa ng Diyos ang lahat ng mga may buhay dito sa mundong ibabaw na kailanman ay hindi mapapantayan ng sinuman.

  • Alam mo ba na hindi ka makakagawa ng isa pang uri ng hayop, ng damo o ng kahit na anumang may buhay? Maaring makadiskubre ka pero malabo kang makagawa.

  • Sa nabanggit ko kanina na hindi ka makakagawa ng may buhay baka naiisip mo na maaari kang makagawa ng anak. Ngunit naisip mo rin ba na hindi mo ito magagawa kung ikaw lang mag-isa? Kaya malaking patunay ito na may Diyos na lumikha sa sanlibutan pati na kay Eba at Adan na humayo at nagpakarami at tayo ang naging bunga nila.

Sa ngayon yan lang muna ang maibabahagi ko sa inyo. Maraming salamat sa pagbabasa at pagbibigay ng oras sa aking ginawang artikulo. Ako ay humihingi ng pang-unawa at pasensya kung may nasabi man akong hindi maganda sa paningin at pandinig ninyo. Ito ay pawang opinyon ko lamang base sa aking mga karanasan.

Huwag tayong makakalimot na may Diyos na handang sumaklolo kapag tayo ay may kailangan tumawag lang tayo sa kanya.

GAWA 2:21 "AT MANGYAYARI NA ANG SINOMANG TUMAWAG SA PANGALAN NG PANGINOON, AY MALILIGTAS."

Like,upvote,comment,share @rosienne thank you!

4
$ 0.86
$ 0.86 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
4 years ago

Comments