Mother's Day
Tuwing ikalawang linggo ng Mayo ipinagdiriwang ang Mother's Day at ngayong araw, May 8 sa taong ito nakatalaga ang takdang araw kung saan binibigyan ng espesyal na kahulugan at pag-alala ang pagmamahal at mga sakripisyo ng isang ina para sa kanyang mga anak at sa kanyang buong pamilya. Tunay na dakila ang pagmamahal ng isang ina na kahit kaipan ay hindi mapapantayan ninuman. Ibang klase ang pagmamahal, sakrispisyo, pag-aalaga, at pag-aalala ng isang ina kanyang mga anak. Kahit na inihahalintulad ang isang ina sa isang marupok na sisidlan ay hindi matatawaran ang katatagan, pagtitiis at sakripisyo na ginagawa ng isang ina mapanatili lamang na buo at ligtas ang kanyang buong pamilya. Ang pag-aruga ng isang ina sa kanyang anak ay puro at totoong pagmamahal simula pa lang sa kanyang sinapupunan hanggang sa pagtanda nito.
Sa pagsasaliksik ko napag-alaman ko na ang selebrasyon na ito ay nagmula sa U.S kung saan idineklara ni President Woodrow Wilson noong 1914 ang ikalawang linggo ng Mayo bilang Mother's Day. Mabilis ang pagkalat ng uri ng selebrasyon na ito sa iba't-ibang bansa kung kaya't halos buong mundo ngayon ay nagdiriwang ng Mother's Day tuwing sasapit ang ikalawang linggo ng Mayo taon taon. Maraming paraan upang maipakita natin ang pagmamahal natin sa ating mga ina na walang sawang sumuporta at nag-alaga sa atin hanggang makatayo tayo sa sarili nating mga paa. Maari mo itong maipakita sa pamamagitan ng pag-surpresa gamit ang mga materyal na bagay at pera. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagbibigay sa kanila ng paggalang sa lahat ng oras.
Ang pagbibigay ng pagpapahalaga sa kanilang sakripisyo, pagbibigay ng respeto o paggalang ay mas higit pang nakakapagpasaya sa kanilang kalooban kaysa pagbibigay ng mga materyal na bagay at pera. Aanhin ng iyong nanay ang bulaklak, cake at chocolate kung taliwas naman ang iyong pinapakita sa social media sa iyong tunay na galaw at kulay. Karamihan ngayon ay ginagawa na lamang content ang mga bagay at hindi sineseryoso ang kahulugan ng selebrasyong ito. Minsan ang iba ay nakiki-uso lang para may maipakita o mai-post sa kanilang mga social media accounts ngunit kapag ordinaryong araw lang ay hindi naman sumusunod sa kanilang mga magulang at palasagot pa. May ilan pa akong nababalitaan na minamaltrato at minumura nila ang kanilang mga ina o ama lalo na kung ito ay matanda at kailangan ng alagaan. Sana huwag tayong matulad sa kanila. Alaahanin natin ang mga sakripisyo at paghihirap ng ating mga magulang upang maibigay ang ating mga pangangailangan. Huwag natin silang talikuran sa oras na sila naman ang nangailangan ng ating pagkalinga. Huwag nating ipagkait ang mga bagay na ginawa nila sa atin noong mga panahon na hindi pa natin kaya mag-isa. Huwag natin silang ituring na pabigat kahit gaano pa sila katanda dahil hindi tayo lalaki at mabubuhay sa mundong ito kung hindi dahil sa ating mga magulang. Ipakita natin ang ating pagmamahal sa lahat ng oras, hindi tuwing may selebrasyon o espesyal na araw lang. Matuto tayong tumanaw ng utang na loob kahit sabihin pang responsibilidad/obligasyon nila ito.
Nag-iisa at bukod tangi lang ang iyong ina kaya't habang sya ay nasa iyong tabi pa, mahalin, irespeto at alagaan mo sya. Iparamdam mo sa kanya ang kanyang kahalagahan sa buhay. Ituring mong espesyal ang mga araw na lumilipas kasama sya dahil darating ang araw na mawawala sya sa iyong tabi at hindi mo na mahahanap ang pagmamahal na katulad ng meron sya.