Mga sakit na maaaring makuha sa kagat ng lamok

0 836
Avatar for rosienne
3 years ago

Isa sa pinakamaliit na insekto ngunit katakot-takot ay ang lamok dahil sa mga sakit na maaaring maipasa nito sa tao. Hindi direktang galing sa lamok ang bacteria o virus nagiging carrier lamang sila nito pagkatapos na makagat nila ang taong may sakit at napapasa sa iba pang magiging biktima nila. Sa artikulong ito tatalakayin natin ang iba't-ibang uri ng sakit na nagmumula sa kagat ng lamok. Ang natural na sintomas ng kagat ng lamok ay ang pagkakaroon ng mapula at pantal o butlig sa parte ng katawan kung saan kumagat ang lamok. Maaring mangati ito at magdulot ng allergy sa may mga sensitibong balat. Ang kagat ng lamok ay nawawala lamang pagkatapos ng ilang araw. Ngunit maaari mong lagyan ng gamot sa pangangati kung nangangati ito at namamantal. Ito ay natural lamang na reaksyon ng balat. Ang mga delikadong sakit na maaaring magmula sa lamok ay ang mga nasa ibaba. Basahin at alamin natin ang mga ito at paano nga ba natin masusugpo at mapipigil ang pagdami ng mga lamok.

Iba't-uri ng sakit na mula sa lamok

1) Dengue fever

Ito ang kilalang sakit ng mga tao na mula sa kagat ng lamok. Ang sakit na ito ay tinatawag na Aedes Aegypti o kaya naman ay mula sa lamok na Aedes Albopictus. Ito ay impeksyon na dulot ng virus na galing sa lamok. Ang lamok na may dalang dengue fever ay halos matatagpuan sa maraming bansa na mayroong tropikal na klima katulad ng Pilipinas.

Sintomas:

  • Matinding sakit ng ulo

  • Pananakit ng mata

  • Pabalik-balik at mataas na lagnat

  • Pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan

  • Pagsusuka at kawalan ng gana sa pagkain

  • Pamamantal

  • Pagdurugo ng ibang bahagi ng katawan

Sa ngayon ay wala pang gamot o bakuna para sa sakit na dengue. Nilulunasan at ginagamot lamang ang epekto ng mga sintomas nito sa pamamagitan ng pagpapababa ng lagnat, pagpapalakas ng immune system, paglunas sa pananakit ng pangangatawan at pagpapanatiling hydrated sa taong biktima nito.

2) Malaria

Ang malaria ay hindi galing sa virus at bacteria, ito ay nagmumula sa isang parasites na kung tawagin ay Plasmodium. Ang parasitiko ay naipapasa ng babaeng lamok (Anopheles mosquitoes) sa tao.

Sintomas:

  • Mataas na lagnatat konbulsyon

  • Pananakit ng ulo

  • Panginginig at pananakit ng katawan

  • Pagpapawis

  • Pagsusuka at pagtatae

  • Paninilaw at pamumutla

3) Chikungunya

Ito ay halos kapareho ng dengue dahil sa pagkakapareho ng ilang mga sintomas at parehong mula sa Aedes Aegypti o Aedes Albopictus na lamok. Ito ay dulot ng isang virus na tinatawag na alphavirus. Ang ibig sabihin ng chikungunya ay pamimilipit kung kaya naman ang mga pasyente na may sakit nito ay talagang namimilipit sa sakit ng katawan.

Sintomas:

  • Mataas na lagnat

  • Sakit ng ulo

  • Pananakit ng mga kasu-kasuan

  • Pamamantal

  • Pagsusuka

Katulad ng sa dengue, ginagamot lamang ang mga sintomas nito. Mas marami ang nakakarecover sa sakit na ito kumpara sa kaso ng may dengue. Ngunit kahit na gumaling na ang isang tao sa sakit na ito ay maaari pa rin siyang makaramdam ng pananakit ng katawan sa loob ng anim na buwan o kaya naman ay isang taon pagkatapos ng gamutan. Ayon din sa pagsusuri isang beses lamang magkakaroon ng sakit na ito ay isang tao at pagkatapos nito ay magiging immune o ligtas ka na.

4) Zika virus

Naililipat ito sa tao sa pamamagitan ng Aedes mosquito na kumakagat (o sumisipsip ng dugo) kapag araw. Ito ay maihahalintulad din sa dengue.

Sintomas:

  • Lagnat

  • Pananakit ng ulo at katawan

  • Pamamantal

  • Pamumula ng mata o pagmumuta

Kapag may lumalaganap na ganitong sakit ay labis na pinag-iingat ang mga buntis dahil maaaring magdulot ito ng sakit o abnormalities sa sanggol katulad ng pagliit ng ulo na maaaring maging sanhi ng maagang pagkamatay ng sanggol.

5) Yellow fever

Ang sakit na ito ay nakakahawa sa pamamagitan ng kagat ng lamok na carrier ng sakit na ito at maaring mapasa ng tao sa kanyang mga nakakasalamuha.

Sintomas:

  • Lagnat

  • Panginginig

  • Sakit ng ulo

  • Sakit ng kalamnan

  • Walang gana kumain

  • Naduduwal

  • Pananakit ng tiyan

Mayroong bakuna para sa sakit na ito kung kayat hinihikayat ang isang tao na magpabakuna muna kung pupunta sa lugar na nagkaroon na ng kaso ng sakit na ito.

6) Japanese Encephalitis

Ang Japanese encephalitis ay isang malubhang karamdaman na mula sa kagat ng lamok at maaaring makamatay. Ang impeksyon na ito ay nagdudulot ng pamamaga utak at naaapektuhan ang spinal cord ng isang tao. Tinawag itong Japanese encephalitis dahil una itong naiulat sa bansang Japan taong 1871.

Sintomas:

  • Lagnat

  • Pagkahilo

  • Pagkalito

  • Pangingisay(seizure)

  • Panghihina o pananakit ng kalamnan

7) West Nile Virus

Ang sakit na ito ay mula rin sa kagat ng lamok na unang nailathala sa Estados Unidos taong 1999. Ang taong nahawa sa sakit na ito ay kadalasang hindi nagpapakita ng mga sintomas. Maaari din itong magdulot ng pamamaga ng utak kapag hindi naagapan agad. May ilan ding nagpapakita ng sintomas na katulad ng mga sumusunod:

  • Lagnat

  • Sakit ng ulo at katawan

  • Pamamantal

  • Pamamaga ng mga lymph glands

Ang mga sakit na sanhi ng kagat ng lamok ay maaring lumala at maging sanhi ng kamatayan kapag hindi naagapan kaagad. Mahalagang magpakonsulta sa doctor kapag nakaranas ng mga sintomas at pabalik-balik ang lagnat. Panatilihin na malinis ang kapaligiran upang hindi pamugaran ng lamok.

Mga bagay na dapat gawin upang makaiwas sa sakit mula sa kagat ng lamok.

  • Panatilihing malinis ang bahay at kapaligiran. Hanapin ang mga pinamumugaran ng lamok. Iwasan mag-imbak at itapon ang tubig na maaaring pag-itlugan ng lamok.

  • Huwag magtatambak ng basura. Isilid sa isang lalagyan o sako upang hindi mgpakalat-kalat ang mga basura na maaring pamugaran ng mga lamok.

  • Iwasan ang magsampay kung saan-saan. Itupi agad ang mga sinampay upang huwag na itong pamugaran ng lamok.

  • Panatilihing maliwanag ang buong bahay. Buksan ang mga bintana at ilaw kung kinakailangan. Lagyan ng screen o harang ang bintana o pintuan upang mabawasan ang lamok na maaaring makapasok sa loob ng bahay.

  • Magsuot ng mahahabang kasuotan, may manggas at gumamit ng kulambo kapag matutulog.

  • Gumamit ng mosquito repellent. Mabisa din ang paggamit ng citronella oil o candles upang mabawasan ang lamok sa bahay. Inererekomenda din ng CDC (Center dor Disease Control) ang paggamit ng eucalyptus and lemon oil bilang natural na mosquito repellent.

  • Maghugas ng kamay pagkatapos na patayin ang lamok na dumapo sa bahagi ng iyong katawan.

Labanan natin ang pagdami ng mga lamok sa ating lugar at humingi ng tulong sa mga numuno sa barangay upang magpausok sa buong barangay sa oras ng outbreak ng mga sakit na maaaring kumalat na dulot ng lamok. Ang pagpapanatili ng kalinisan ay mabisang paraan upang manatili tayong ligtas at malayo sa anumang karamdaman. Mag-ingat lagi at huwag lalabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan.

5
$ 8.28
$ 8.28 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments