Nasa panahon tayo kung saan napakahalaga ng pera. Bawat kilos o galaw mo ay kailangan ng barya. Kaya kailangan nating maghigpit ng sinturon upang ang budget ay kumasya. Manatiling nakatuon ang pansin sa pangunahing pangangailangan ng pamilya hindi sa bisyo, luho at kung anu-ano pa.
Narito ang ilang tipid tips upang kumasya ang budget ng isang pamilya.
Unahin ang pangunahing pangangailangan at umiwas bumili ng hindi kapaki-pakinabang na mga bagay.
Matutong magtipid sa pagkain, kung ano ang nakahain ay iyon din ang kainin, huwag ng maghanap at magluto pa ng gustong kainin.
Huwag pumunta sa mga mall, grocery o ano mang klase ng pamilihan na matutukso kang bumili kahit hindi mo naman kailangan.
Bumili ng bagong damit na hindi branded o masyadong mahal. Hindi importante ang pangalan ng kasuotan mas mahalaga na may magamit kang saplot ng iyong katawan.
Iwasan ang pagbili ng milk tea o shake at softdrinks na wala naman magandang maidudulot sa ating katawan at kalusugan. Ugaliin na lang na uminom ng tubig upang makatulong sa pagpapanatili sa magandang kalusugan.
Kung mayroong handaan, magdiwang ng simple lamang. Isipin ang mga susunod na mga araw-araw na pangangailangan.
Umiwas sa mga bisyo, alak at sigarilyo. Idagdag na lamang itong pambili ng bigas at ulam.
Huwag gala ng gala ng wala namang patutunguhan. Huwag kain ng kain sa labas. Mas makakatipid kung magbabaon ka ng pagkain mo sa trabaho.
Kung lalabas ng bahay magdala ng kaunting halaga lamang upang maiwasan na gumastos ng di kailangan.
Huwag wag mag-aksaya ng tubig at kuryente upang maliit lang ang bayarin kada buwan.
Magbawas ng mga bagay na iyong kinasanayan na hindi naman kailangan sa araw-araw.
Huwag sunod sa uso. Kontrolin ang sarili sa mga bagay na sa una ay nakakaakit lang
Huwag mag-aksaya ng pagkain pahalagahan ang bawat butil na nakahain.
Matutuong dumiskarte sa paggamit ng tubig. Maaring sahurin ang pinaghugasan at pinagliguan upang gawing pambuhos sa cr.
Kahalagahan ng pagtitipid
Maraming paraan upang makatipid sa bayarin tuwing sasapit ang takdang araw. Nasa ating mga kamay kung paano tayo makakahuha ng ideya at paraan sa paglutas ng bawat suliranin at problema. Mahalagang magkaroon ng disiplina sa sarili at ituro ito sa lahat ng kasama sa bahay o miyembro ng pamilya para sa mabisang pagtitipid at lumiit ang bayarin. Napakahalaga na malaman ang limitasyon ng bawat isa upang makatulong sa mabisang pagtitipid ng buong sambahayan. Mahalagang maipaunawa sa mga bata na mahalagang aspeto ng pamumuhay ang pagtitipid sa lahat ng bagay. Makakatulong ito upang malinang nila ang pagiging malikhain at madiskarte sa buhay.
Magandang sabayan din natin ng pag-iipon ng pera habang tayo ay nagtitipid, sa ganitong paraan maiisaayos natin ang ating gastusin. Mababawasan ang alalahanin sa mga araw-araw na pangangailangan. Malaking tulong ito upang mapagaan ang iyong kalooban at mapanatag ang iyong kaisipan. Mahalaga rin ang pagkakaisa ng pamilya upang mapanatili at maisakatuparan ang layunin ng pagtitipid. Mahalagang maipaliwanag ang iyong mga ninanais at hangarin sa pagtitipid upang gawin nila ito ng bukal sa kanilang kalooban at hindi napipilitan lamang. Kung hindi mo naman maiiwasang gumastos dahil sa pangangailangan at kagustuhan ng iyong anak maging handa ka na lamang sa maaaring maging dulot nito sa budget ng iyong pamilya.
Mahirap ang pagtitipid lalo na sa panahon ngayon na sobrang mahal na ang mga bilihin ngunit alamin pa rin natin ang ating mga prayoridad sa buhay. Unahin ang mga pangunahing pangangailangan katulad ng pagkain,tubig,kuryente at iba pang pangangailangan na hindi dapat ipagpaliban. Huwag magpapaapekto sa mga nakikita sa mga social media o sa iyong komunidad. Matutong magkaroon ng disiplina sa sarili upang matupad ang layunin ng pagtitipid at magkaroon ng ipon para sa hinaharap.