Mga pamahiin sa pagsalubong ng Bagong Taon

0 1559
Avatar for rosienne
2 years ago

Bata pa lamang ako marami ng mga pamahiin ang naririnig ko sa mga matatanda tuwing may kaganapan tulad halimbawa kapag mahal na araw, pasko at bagong taon. Bagamat walang sapat na basehan at paliwanag tungkol dito patuloy pa rin ang pagtangkilik sa mga paniniwala o pamahiin dahil ito ay matagal ng kinagisnan ng mga tao.Ilang oras na lamang ay taong 2022 na kayat isa-isahin natin ang mga paniniwala ng mga Pilipino sa pagsalubong ng bagong taon.

1) Labindalawang pirasong bilog na mga prutas

Hindi ko man lubusang maintindihan ang mga kahulugan nito sa buhay ng tao at koneksyon ng prutas sa bagong taon ay masaya ako kapag nakakakita ng maraming prutas sa ibabaw ng lamesa.

Ayon sa mga matatanda ang bilog na prutas ay sumisimbolo sa pera at ang labindalawa ay ang bilang ng buwan sa isang buong taon. Ibig sabihin daw nito ay para magkaroon ng masaganang pamumuhay buong taon.

2) Polka dots na damit

Naalala ko noong bata pa ako excited akong mag-suot ng bagong damit na makulay at may disensyong polka dots. Dahil ang bilog ay sumisimbolo sa pera naniniwala ang mga tao na maghahatid ito ng swerte sa buong taon.

3) Money Tree

Wala kaming money tree sa bahay pero nakakita ako nito noong ako ay naimbitahan ng aking kaibigan na kumain sa kanila noong nakaraang taon. Ito ay magdadala daw ng swerte kapag inilagay sa mga pintuan.

4) Mga barya sa bawat sulok ng bahay

Noong ako ay namasukan bilang isang kasambahay sa isa sa aming kamag-anak sa Maynila nakaugalian na nila na maglagay ng mga barya sa bawat sulok ng kanilang bahay. Ito ay may dala din daw na swerte sa buong taon.

5) Paputok at torotot

Hindi kumpleto ang pagsalubong ng bagong taon kung walang paputok at torotot sa bawat tahanan ng pamilyang Pilipino. Bagamat ipinagbabawal ang ilan sa mga paputok ay hindi pa rin maiiwasan na magdiwang ang mga tao sa bagong taon ng wala nito. Isa sa mga nagpapasaya sa pagsalubong ng bagong taon ay ang fireworks.

Ang ingay na dala nito ay pinaniniwalaan na nakapagtataboy ng mga masasamang espiritu at bad luck.

Marami pa ang ang nakaugalian ng mga tao tuwing sasapit ang bagong taon. May ilan na nagsasabi na huwag daw maghanda ng manok para hindi isang tuka, isang kayod sa buong taon. May ilan din na naniniwala na ang paglagay ng barya sa bulsa ay maghahatid ng swerte sa kanila at hindi mawawalan ng pera.

Noong ako ay bata pa inaabangan ko din ang pagsapit ng alas dose tuwing bagong taon upang tumalon sa paniniwalang ako ay tatangkad. May ilan sa mga pamahiin ang halatang walang katotohanan ngunit ginagawa pa din dahil ito ay matagal ng nakaugalian at katulad ng sinasabi ng iba wala naman masama at wala naman mawawala.

Ngunit isa sa mga pinagtataka ko wala man lang paniniwala para magkaroon ng magandang kalusugan buong taon. Sa pera at swerte lang nakatuon ang atensyon ng mga tao. May prutas pero hindi para sa kalusugan ang kahulugan.Huwag sana nating kalimutan ang mga bagay na pangmatagalan at ang mga bagay na may mas katotohanan.

Huwag nating kalimutan na ang magdadala ng swerte sa ating buhay ay kung tayo ay may pananampalataya sa Dios. Ang mga bagay na inihanda natin ngayong bagong taon ay mawawalan ng saysay kung tayo ay hiwalay sa kanya. Tandaan din natin na kahit isang sako pa ng prutas ang ilagay natin sa ating hapag kainan ngunit kung ikaw ay naman ay tamad walang pera at swerte ang darating sayo. Magsikap at magtrabaho ng marangal upang magkaroon ng maayos na buhay.

2
$ 4.69
$ 4.69 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments