Lahat ng bagay ay mayroong masama at mabuting epekto sa isang tao. Sa artikulong ito tatalakayin natin ang negatibo at positibong epekto ng online games. Ang online games ay larong kinakailangan ng computer, laptop o kaya ay cellphone at internet. Ito ang larong nauuso sa kasalukuyan na kinabibilangan ng mga laro katulad ng League of Legends(LOL), DOTA, Mobile legends(ML), Rules of Survival(ROS), Fornite Battle Royale, Apex Legend, Counter Strike at marami pang iba. Mas pinipili ito ngayon ng mga kabataan lalo na sa siyudad kaysa sa mga larong pisikal katulad ng basketball, volleyball at badminton. Tila unti-unti na ngang nilalamon ng mga modernong kagamitan at teknolohiya ang mga kabataan maging ang mga may edad na.
Narito sa ibaba ang mga positibong epekto ng online games.
Positibong epekto ng online games
Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, ang paglalaro ng online games ay makatutulong upang mapabilis ang paggana ng utak o isip ng manlalaro at paggamit ng maraming estratehiya kung paano manalo sa laro.
Maraming kabataan sa panahon ngayon ang kumikita sa pamamagitan ng paglalaro lamang ng mga online games katulad ng DOTA at nakikilala sila sa larangan ng larong kanilang kinabibilangan.
Marami din ang nagsasabi na nakakatulong ang paglalaro ng online games upang mabawasan ang stress, pagkabugnot at kalungkutan.
Ang paglalaro ay kinakailangan ng disiplina at gabay ng magulang lalo na sa mga kabataan upang hindi maapektuhan ang kanilang kaisipan at pag-aaral.
Mga negatibong epekto ng online games.
Ang pagkalulong ang pangunahin at pinakamabigat na negatibong epekto ng online games kung saan lubos ng naaapektuhan ang isang indibidwal dahil sa labis na paglalaro. Dahil sa pagkalulong ay maraming bagay at gawain ang hindi na nagagampanan. Maging ang sarili ay napapabayaan na, hindi na nakakain at nakakainom sa tamang oras.
Maraming oras at pera ang nasasayang dahil sa paglalaro na dapat sana ay ituon sa mga mas makabuluhang bagay.
Maaaring makasira ito sa pag-aaral, relasyon, buhay at pamilya. Sa may-asawa na ngunit naglalaro pa rin ng mga online games, maaaring pagmulan ito ng away ninyong mag-asawa. Posible rin na mapabayaan mo ang iyong obligasyon at mga gampanin dahil ang paglalaro ay nangangailangan ng takdang oras upang matapos ito. Sa mga mag-aaral naman ay maaari itong makaapekto sa kanilang performance sa eskwelahan.
Mayroon itong negatibong epekto sa pisikal at mental na kalusugan ng isang tao lalo na kung laging kulang sa tulog at laging puyat na dulot ng paglalaro. Ang paglabo ng mata at paghina ng immune system ay isa sa mga epekto nito sa kalusugan ng isang manlalaro.
Maaari itong pagmulan ng away dahil ang pagkatalo sa laro ay naghahatid ng galit, inis at pagkapikon sa katunggali.
Isa sa pinakamalubhang epekto nito ay ang pagpapabaya ng manlalaro sa kaniyang kinabukasan. Ito ay dulot rin ng pagkalulong sa online games. Dahil dito ay wala ng ibang inisip ang manlalaro kundi maglaro na lang maghapon at magdamag. Nawawalan na ng direksyon at pangarap sa buhay.
Ang larangan ng paglalaro ay nangangailangan ng kasanayan upang magtagumpay. Kung hindi mahaba ang iyong pasensya, magdudulot lamang ng pagkainis ang pagkatalo sa laro at maaapektuhan nito ang iyong pakikisama sa loob at labas ng bahay. Mahalaga na mayroong disiplina sa paglalaro upang mabigyan daan ang mga bagay na higit na may kapakinabangan at kailangan.
Bilang isang magulang hindi ko hinahayaan na maglaro ang aking mga anak sa cellphone kahit word games. Binibigyan ko lamang sila ng sapat na oras sa panonood upang maibsan lamang kahit sandali ang kanilang pagkabugnot sa bahay. Mas gusto ko na maglaro sila ng mga pisikal na laro katulad ng habulan at tagu-taguan.
Katulad ng nabanggit ko kanina ang lahat ng bagay ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa isang tao kung wala itong pagpipigil at disiplina sa sarili. Gabay ng magulang ang kailangan upang matutong magpigil ang kabataan sa paglalaro at paggawa ng iba pang mga bagay. Kung kinakailangan nila ng iyong suporta at pang-unawa ibigay ito kahit pansamantala lamang upang maiwasan ang pagrerebelde at pagbaba ng tingin nila sa kanilang kakayahan.
Mag-ingat lamang sa mga masasamang epekto na dulot ng labis na paglalaro ng mga online games. Kilalanin ang iyong sarili kung hindi mo kayang pigilan ang pagkalulong dito ay huwag mo na lang subukan dahil baka ikaw ay mahirapan ng umalis sa ganitong uri ng sistema ng pamumuhay. Mas mainam ng ngayon pa lang ay mas isipin ang mga bagay na mayroong kapakinabangan at makakatulong saiyo upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Ang buhay natin ay iisa lamang kaya huwag na natin itong sayangin sa mga walang kabuluhan.
hi po, may I ask po kung ano po Last name and initials mo po? Kailangan po kasi para sa pananaliksik for proper citation po. Thank you po!