Mga katangian ng isang mabuting asawa
Ano nga ba ang mga katangian ng isang mabuting asawa?
Ang pag-aasawa ay isa sa pinakamahirap na desisyon sa buhay pag-ibig. Hindi mo alam kung sino ang nakatadhana para saiyo pero ikaw ang magdedesisyon kapag dumating ang panahong makatagpo ka ng iyong mamahalin at makakasama habambuhay. Napakapalad mo kung ang mapupunta saiyo ay isang mabuting asawa. Alam mo ba na ang mabait na asawa ay galing sa Dios?
Kawikaan 19:14
"Bahay at mga kayamanan ay minamana sa mga magulang: nguni't ang mabait na asawa ay galing sa Panginoon."
Ang swerte mo kung ang iyong napangasawa ay may mabuting kalooban. Ngayon isa-isahin natin ang mga katangian ng isang mabuting asawa.
1) Responsable
Kapag sinabing responsable ay alam nya ang mga obligasyon bilang asawa at haligi at ilaw ng tahanan. Inuuna ang iyong pangangailangan at ng inyong pamilya kaysa sa kanyang sariling pangangailangan at kagustuhan. Umiiwas sa mga bagay na alam nyang ikakasira ng inyong relasyon. Alam ang limitasyon sa lahat ng bagay.
2) May paninindigan
Dapat ay mayroon isang salita, marunong manindigan at tapat sa kanyang pangako. Handa kang ipaglaban kahit kanino man. Paninindigan ang inyong pagmamahalan at tutuparin ang mga pangako at mga salitang binitawan. Kaya kang ipaglaban sa mga taong umaapi sa iyo kahit sa sarili nya pang pamilya at mga kamag-anak. Hindi dapat laging naka-asa sa mga tao sa paligid lalo na sa magulang at mga kapatid.
3) Mapagbigay at maunawain
Sa isang pagsasama napakahalaga ng bagay na ito. Ang pagiging mapagbigay ay magbubunga ng isang magandang pagsasama at tahimik na buhay mag-asawa. Mapagbigay hindi lang sa materyal na bagay at pera kundi pati na rin sa mga desisyon sa buhay. Hinahayaan ka na magkaroon ng papel sa buhay nya at inuunawa ang mga pagkukulang mo. Nauunawaan na hindi sa lahat ng oras ay magiging tama at perpekto ka. Mas pinipili nyang unawain at pagbigyan ka para matapos na agad ang mga bagay na hindi dapat pinag-aawayan.
4) Mapagmahal at Malambing
Syempre hindi dapat mawala ang bagay na ito. Napakahalagang papel ang ginagampanan ng pagmamahal at paglalambing sa pag-aasawa. Hindi mo masasabing mahal mo ang iyong asawa kung hindi mo man lang ito kayang hagkan at yakapin. Naglalambing dahil mahal ka hindi dahil may kailangan lang saiyo.
5) Tapat
Isa sa katangian ng isang mabuting asawa ay kung sya ay tapat sa iyo at walang tinatagong sikreto. Sinasabi nya ang mga bagay at pangyayari sa magandang pamamaraan upang hindi ito magdulot ng ibang kahulugan sa iyo.
Sa panahon ngayon mahirap ng makatagpo ng ganitong tao kaya napakapalad mo kung ang iyong asawa ay tapat at walang tinatagong sikreto.
6) Maalalahanin
Ang pagiging maalalahanin ay senyales na mahal na mahal ka ng iyong asawa. Hindi sya mapakali hanggat hindi nya nasisiguro na maayos at komportable ka. Nag-aalala sya kapag hindi ka nakaka-uwi ayon sa iyong itinakdang oras lalo na kapag inabot ka ng gabi sa daan. Lagi ka nyang paaalalahanan na mag-ingat lagi kahit san ka man magpunta.
7) May takot sa Dios
Napakahalagaa ng salik na ito sa pagsasama. Ang asawang may takot sa Panginoon ay hindi ka dadalhin sa masama. At dahil may takot sya sa Dios sya ay magiging responsableng asawa at haligi ng tahanan. Bihira na lang sa tao ngayon ang may takot sa Dios. Halos karamihan sa tao ngayon ay hindi na takot gumawa ng kasalanan dahil hindi sila naniniwala na may Dios.
8) Walang bisyo
Karamihan sa mga tao ngayon ay may bisyo ngunit mayroon naman na kahit may bisyo ay alam pa rin ang kanyang obligasyon bilang asawa. Marami akong kakilala na napapabayaan ang kanilang pamilya dahil nalulong sila sa masamang bisyo. Nambababae, naninigarilyo, naglalasing, nagsasabong, nagsusugal at marami pang iba na nagiging dahilan para mawasak ang isang pamilya at masira ang isang relasyon.
Isang katangian ng mabuting asawa kapag sya ay walang bisyo lalo na kung ikaw ay babae. Hindi lang kasi relasyon ang sinisira nito kundi pati na rin ang kalusugan ng mismong gumagawa ng bisyo. Masama sa katawan ang labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak pati na rin ang pambababae dahil malaki ang posibilidad na magkaroon ka ng sakit tulad ng AIDS lalo na kung ang babaeng iyong nakasiping ay bayaran at marami ang karelasyon. Maging tapat na lamang sa iyong asawa upang maka-iwas sa mga gablnitong sitwasyon.
9) May plano sa buhay
Ang pagkakaroon ng plano sa buhay ay napakahalaga upang mapag-yaman ninyo ang mga bagay na inyong nasimulan bilang mag-asawa. Hindi pwedeng wala kayong plano para sa isa't-isa. Katulad halimbawa ng pagpapakasal, mahalaga ito upang maiparamdam mo sa iyong asawa na tapat ka sa kanya lalo na kung ang pag-uusapan ay ang legal na pagsasama. Ang pagpaplano ay mahalaga upang magkaroon kayo ng maayos na pagsasama lalo na kapag kayo ay nagkaroon na ng mga anak. Kapag mayroong plano ay mayroon ding direksyon ang inyong buhay.
10) Laging nakasuporta
Masaya sa pakiramdam kapag ang iyong asawa ay laging nandiyan sa tabi mo para suportahan ka sa iyong mga gusto at plano sa buhay. Mahalagang maiparamdam mo sa iyong asawa na hindi sya nag-iisa sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagsuporta sa kanyang mga ginagawa at mga nais pang gawin.
Marami ngayon ang nakakaranas ng pang-aabuso galing sa kanilang asawa mapa-pisikal man, mental at emosyonal kaya napaka-swerte mo kung ang iyong napangasawa ay mabuting tao. Hindi man lahat ng katangian na nabanggit ko ay nasa kanya pero kung taglay nya ang ilan sa mga ito ay yun ang mahalaga. Tingan natin ang mga magaganda at mabubuting nagagawa ng ating asawa dahil alam natin na hindi tayo perpekto. Magkakamali at magkakasala tayo pero ang mahalaga ay dapat marunong tayong magpatawad at umunawa.
Ang mga katangian na nabanggit ko sa itaas ay ilan lamang sa mga katangian ng isang mabuting asawa. Maaari mong ibahagi ang iba pang mga katangian na iyong nalalaman sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa ibaba.