Lahat tayo ay may kanya-kanyang kahinaan at kinakatakutan sa buhay dito sa mundong ibabaw. Sino ba naman sa atin ang walang kinakatakutan? Maliban sa takot sa aswang o multo na kuwento at gawa-gawa lamang mas nakakatakot ang mga bagay at pangyayari sa ating kapaligiran. Kahit gaano ka pa katapang mayroon ka pa ring kinakatakutan maging bata ka man o matanda.
Narito sa ibaba ang mga bagay na ating kinakatakutan ng lubos na tila kakambal na natin sa pang-araw-araw na buhay.
1) KAMATAYAN
Natural lang naman ito sa buhay ng isang tao ngunit hindi natin maitatanggi na lahat tayo ay may takot na mamatay at mawalan ng mahal sa buhay. Hindi natin alam kung hanggan saan at hanggan kailan lang tayo pwedeng mabuhay.
Bilang isang ina isa sa pinaka-kinakatakutan ko ang bagay na ito. Hindi ko hawak ang buhay at kaligtasan ko at ang buhay at kaligtasan ng aking mga anak. Hindi ko rin tiyak ang mga posibilidad na maaaring mangyari sa hinaharap. Ayoko mang isipin ngunit kapag nakakakita ako ng mga larawan at post sa social media sa pagkamatay ng mga mahal nila sa buhay ay tinatamaan ako ng takot ukol sa bagay na ito.
2) KATOTOHANAN
Maraming nagkukubli sa kasinungalingan dahil takot silang malaman ng ibang tao ang katotohanan sa likod ng kanilang pagkatao. Minsan pinipilit natin takpan ng kasinungalingan ang mga bagay at pangyayari dahil sa takot natin na mabunyag ang katotohanan. May mga pagkakataon na mas pinipili natin maging masaya sa kasinungalingan dahil masakit tanggapin at mamuhay sa katotohanan.
3) PAGKABIGO
Ang pagkabigo sa pagkamit ng tagumpay, pagkabigo sa pag-ibig at mga gampanin at pangarap sa buhay ay kinakatakutan natin. Minsan dahil sa kabiguan ay may mga taong kinikitil ang kanilang sariling buhay dahil sa depresyon na dulot ng kabiguan. Kaya isa ito sa kinakatakutan natin dahil maaaring maapektuhan nito ang ating tiwala sa sarili at pananaw sa buhay.
4) PAG-EDAD O PAGTANDA
Parte ng ating buhay ang pagtanda ngunit hindi rin natin maiiwasan na matakot kapag tayo ay tumatanda na. Natatakot tayo sa mga bagay na maaaring mabago na dulot ng ating pagtanda katulad ng pagkulubot ng ating balat at paghina ng ating mga buto. Kaalinsabay na nito ang paghina ng ating katawan, mata at isipan.
5) KARAMDAMAN O SAKIT
Limitado lamang ang mga bagay na nagagawa natin kapag tayo ay may sakit kung kayat kinakatakutan din natin ito. Katulad sa panahon natin ngayon natatakot tayong mahawa ng lumalaganap na sakit na covid-19.
6) TRAHEDYA, AKSIDENTE O SAKUNA
Katulad ng nabanggit ko kanina hindi natin hawak ang buhay at oras natin sa mundo. Maraming pwedeng mangyari sa loob ng oras na maaaring maglagay sa atin sa bingit ng kamatayan katulad ng mga trahedya na nangyayari ngayon sa buong mundo. Takot tayo sa sunog, bagyo, pagbaha, pagguho ng mga lupa at pagsabog ng mga bulkan na no magdulot sa atin ng trauma at mapait na karanasan. Natatakot tayo na kung hindi man tayo mamatay ay magkaroon tayo ng depekto at abnormalidad o kapansanan dahil sa aksidente na pwedeng mangyari kahit anumang oras o kahit saang lugar.
7) KALUNGKUTAN AT PAG-IISA
Kakambal na ng pag-iisa ang kalungkutan. Sino ba naman ang hindi natatakot na malungkot at mag-isa lamang sa buhay? Lahat tayo naghahangad ng makakatulong at makakasama habambuhay. Maaaring mangailangan tayo ng oras para sa ating sarili ngunit sa maikling panahon lamang. Hindi magtatagal maghahanap din tayo ng makakasama at makakausap. Lahat tayo naghahangad na maging masaya at magkaroon ng buong pamilya.
8) KASAMAAN
Natatakot tayo sa mga bagay at taong masasama. Maaring tayo ang maging biktima ng kasamaan o tayo mismo ang gumawa ng masama laban sa ating kapwa. Minsan dahil sa labis na inggit nakakagawa ng masama ang isang tao. Laganap na ang kriminalidad sa buong mundo kung kaya labis itong nagdudulot ng takot sa mga tao. Katakot-takot ang mga balita, kung makikita mo marami na ang halang ang mga kaluluwa na kayang pumatay ng tao na para bang normal na lamang ito. Kaliwa't kanan din ang mga nakawan at parami ng parami ang bilang ng mga panggagasaha sa mga kababaihan na gawain lamang ng mga demonyo at nagkakatawang tao lamang. Katulad nga ng sinsabi ng iba "matakot ka na sa buhay at huwag lang sa patay" sapagkat ang patay ay wala ng kakayahan pang gumawa ng kahit na anumang bagay ngunit ang taong buhay pa ay nasa kanya lahat ng kakayahang gumawa ng kabutihan at kasamaan.
Ngunit tandaan natin na lahat ng bagay ay may kasagutan, huwag lamang tayong mabalisa at mawalan ng pag-asa. Ipagkatiwala nating lahat sa Dios at gawin ang ating tungkulin bilang kanyang tagapaglingkod.
Filipos 4:6-7
[6] Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.
[7] At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Mawawala ang ating takot kapag ipinagkatiwala natin sa Dios ang lahat ng ating kabalisahan sa buhay. Ngunit tandaan din natin ang kasabihang "Nasa Dios ang awa, Nasa tao ang gawa". Malaki pa rin ang parte natin dahil tayo mismo ang gumagawa ng mga bagay at pangyayari sa ating buhay. Maging maingat na lamang tayo sa ating mga salita at gawa. Lahat ng bagay ay may katapusan kaya huwag tayong matakot at mabalisa.