Masama nga bang mainggit?

0 168
Avatar for rosienne
2 years ago

May mga bagay na kahit anong pilit natin ay hindi natin kayang pigilan na ito ay maramdaman. Katulad ng inggit o selos hindi natin ito maiiwasan. Oo, masama ang mainggit sa kapwa lalo na sa mga taong malapit sa atin. Ngunit minsan dahil sa pagnanais natin na makuha ang isang bagay at atensyon na napupunta sa iba ay nakakaramdam tayo ng pagka-inggit o selos. Ito yung pakiramdam na ipinagbabawal sa bibliya ngunit nararamdaman natin itong lahat.

Bakit nga ba ito ipinagbabawal?

Unang-una ang utos kasi sa atin ng Dios ay magmahalan at magbigayan. Kapag mahal mo ang isang tao hindi ka dapat makaramdam ng pagka-inggit dito. Lalong-lalo na pagdating sa mga materyal na bagay. Hindi ka dapat mainggit sa mga taong may magagandang pamumuhay, mayroong magagarang sasakyan, bahay at mga ari-arian dahil ang lahat ng ito ay pansamantala lamang. At isa pa turo din sa atin ang makuntento at magpasalamat sa lahat ng bagay na mayroon tayo. Iwasan natin ang magreklamo bagkus ay maging mapagpasalamat tayo sa lahat ng pagkakataon na ipinagkakaloob sa atin ng Maykapal.

Ipinagbabawal din ito dahil pinagmumulan ito ng mga masamang gawain. Kapag nainggit o nagselos ang isang tao na hindi marunong magpigil sa kanyang nararamdaman maaaring makagawa sya ng masama sa kanyang kapawa katulad ng pamamahiya, pananabotahe at pagpatay. Bagamat madalas sa movie o series ko lamang napapanood ang mga eksena ng pagpatay dahil sa inggit o selos di na rin maiwasan na mangyari ito sa totoong buhay. Maraming mga magkapit-bahay, mag-kaibigan at magkapamilya ang nag-aaway dulot ng inggit. Maiiwasan sana ito kung tayo ay mayroong pag-ibig sa isa't-isa.

Sabi nga nila, kapag inggit, pikit na lang. Yung iba kasing tao halatang naiinggit dahil lagi na lang nilang pinupuna ang mga tao sa paligid nila kahit wala naman itong ginagawang masama. Kesa nga naman sa may masabi kang hindi maganda sa iyong kapwa pumikit ka na lang. Dapat alam natin ang hangganan ng ating mga nararamdaman huwag nating hayaan na umabot tayo sa sukdulan at maging ugali na natin ito habambuhay. Minsan kasi nagdudulot ng isang malaking problema ang pagkakaroon ng inggit sa kapwa. Nagiging komplikado ang inyong sitwasyon dahil sa inggit o selos sa katrabaho, kapatid o kaibigan. Mas masayang mabuhay na kasundo mo ang lahat. Magaan sa pakiramdam kapag wala kang kaaway. Tahimik ang iyong puso at isipan.

Huwag kang maiinggit dahil pareho tayo may mga pinagdadaanan sa buhay. Minsan akala mo lang na maayos at masaya ang buhay ng iba ngunit di mo alam sa likod ng mga ngiti nila ay may nakakubling paghihirap at dusa na pilit din nilang tinatakpan. Yung akala mong magandang buhay na mayroon sila ay isa palang maskara lamang. Pahalagahan at pagyamanin na lang natin ang mga bagay na mayroon tayo at iwasan na natin maghangad ng mga bagay na pag-aari ng iba. Sa ganitong paraan maiiwasan natin ang pagkakaroon ng pagkakabaha-bahagi dulot ng inggit at selos.

1
$ 0.93
$ 0.93 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments