Marupok na sisidlan

0 28
Avatar for rosienne
2 years ago

Ang mga babae ay maituturing na marupok na sisidlan sapagkat madali lang kaming masaktan. Mapa-pisikal, mental at emosyonal man kami ay mahina kumpara sa mga lalaki. Kaya ipinag-uutos ng Diyos sa mga lalaki na mahalin ang kanilang asawa at huwag sasaktan. Mayroon mang mga babaeng matatapang ngunit sa pangkalahatang bilang ay mahina pa rin ang kanilang katawan kumpara sa katawan ng mga lalaki. Kaya dapat ay matutong pakundanganan ng mga lalaki ang kanilang asawa na gaya ng isang marupok na sisidlan.

Ngunit sa panahon ngayon ay tila nabago na ang katayuan ng isang babae dahil marami sa kababaihan ngayon ay nagagawa na ang mga bagay na kayang gawin ng mga lalaki. Mayroong mga asawang babae na mas pinipili na magtrabaho kaysa manatili sa bahay. Mayroon ding mga babae na tumatayong ina at ama sa kanilang mga anak lalo na ang mga single mom na naiwan o iniwan ng kanilang asawa. Ngunit sa kabila ng katapangan at katigasan na ipinapakita ng babae sa kanyang panlabas na kaanyuan ang kanyang kalooban ay malambot at mahina lamang.

Ang babae ay itinulad sa isang marupok na sisidlan dahil madali tayong masira, mabasag, masaktan at magdamdam kaya dapat sa mga babae ay iniingatan, minamahal, iginagalang at isinaalang-alang. Ito ang mga bagay na dapat maintindihan ng mga lalaki dahil hindi tayo katulad nila. Maaaring naikukubli natin ang sakit at hirap na pinagdadaanan natin sa buhay ngunit ang puso at isip natin ay halos sumabog at madurog na. Minsan akala ng iba ay wala tayong problema dahil hindi natin ipinapakita sa kanila at sinasabi ang ating nararamdaman. Hanggat maaari ay sinasarili na lang natin ito hanggang sa ating malagpasan. Kaya dapat sa ating mga babae ay hindi sinasaktan, hindi pinagsasamantalahan at hindi niloloko.

Dapat maintindihan ng mga lalaki ang kahinaan naming mga babae na gaya ng aming pag-intindi at pagtitiis sa kanila. Marami tayong tiisin at problema sa buhay na nakakadaragdag sa mga dahilan upang tayo ay panghinaan ng kalooban ngunit huwag tayong basta na lamang susuko. Maniwala tayo na malalagpasan natin ang mga pagsubok dito sa mundong ibabaw. At habang tayo ay binibigyan pa ng buhay at lakas ay gumawa tayo ng kabutihan sa ating kapwa lalo na sa ating mga kasama sa buhay at sa bahay. Maging mabuting asawa tayo, magulang at anak.

Para sa mga lalaki, lagi ninyong tatandaan na igalang ninyo ang kababaihan. Huwag na huwag ninyong sasaktan kundi mahalin sila, unawain at igalang.

1
$ 2.14
$ 2.14 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments