Mapapagod ngunit hindi susuko
Sino ba naman sa atin ang hindi napapagod? Wala diba? Kasi lahat tayo ay may kanya-kanyang responsibilidad na dapat gampanan. Minsan dumarating sa punto na hirap na hirap kana at parang gusto mo ng sumuko sa buhay. Kapag pinanghihinaan ka na mas dapat mong isipin ang mga tao sa paligid mo. Dapat maging selfless ka lalo na kapag magulang kana. Kailangan mong tatagan kasi may mga anak na umaasa saiyo. Ikaw ang mundo nila kaya dapat tatagan mo ang loob mo para sa kanila. Hindi natin maiiwasan na makaramdam ng kalungkutan sa buhay lalo na kapag nakikita natin ang mga tao sa paligid natin na nasa maayos ng kalagayan samantalang ikaw ay naghihirap pa din. Huwag nating i-pressure ang ating mga sarili sa mga bagay na pansamantala lamang. Sabi nga nila parang dumadaan lang daw tayo dito sa mundo dahil hindi pa ito ang permanenteng tahanan. Mahaba pa ang ating lalakbayin kaya dapat lakasan natin ang ating kalooban.
Ako bilang isang ina, physically at mentally ay araw-araw akong pagod. Paggising pa lang sa umaga ay maghahanda ng almusal, papakainin at papaliguan ang mga bata. Maglilinis ng bahay, magluluto ulit at magpapakain ulit sa mga anak. Maglalaba, maghuhugas, mag-aalaga at magbabantay ng mga anak. Paulit-ulit na gawaing bahay na tila wala ng katapusan ngunit ganun paman nanatili akong malakas para sa kanila. Kahit na minsan ay puyat dahil sa pagpapasuso sa aking sanggol sa madaling araw. Nakakapagod pero satisfying dahil alam kong nagagawa ko ang mga bagay na dapat kong gawin kahit mahirap. Nakakapanghina din ang pag-iisip ng mga problema kaya dapat ay dahan-dahan lang. Lahat ng mga nangyayari sa atin sa araw-araw maganda man o hindi ay kapupulutan natin ng aral na magiging gabay natin upang tayo ay maging mas maayos na nilalang. Tanggapin natin ang mga hamon sa buhay upang mas lalo tayong maging malakas at matapang. Kailangan natin ang mga ito upang matuto.
Huwag tayong mapagod na gumawa ng mabuti dahil magdudulot ito ng magandang resulta. Huwag tayong mapagod na maglingkod sa ating pamilya at sa ating kapwa bagkus ay gawin natin ang lahat ng bagay ng may pagmamahal at pagtitiis. Mapapagod lang tayo pero hindi susuko. Magpahinga sandali tapos laban ulit para sa mga minamahal sa buhay.
Harapin natin ng buong tapang ang mga problema. Huwag tayong susuko, kapag tayo ay napagod pwede naman munang magpahinga. Tandaan natin na lahat ng pagtitiis natin ay magbubunga ng tamis at tagumpay. Maniwala sa sariling kakayahan at sa kakayahan ng Diyos na sa atin ay gumagabay araw-araw. Maghintay ng tamang panahon ng pag-ani upang ang ating aanihin ay tamis at hindi pait lamang.