Mahalin at irespeto ang magulang

0 217
Avatar for rosienne
3 years ago

May mga pagkakataon na nagkukulang ang magulang sa anak ngunit hindi ito sapat na batayan upang mawalan ng galang at pagmamahal sa magulang. Ang magulang natin ang nag-alaga sa atin simula pagkasilang hanggang sa ating paglaki sila ay nakaantabay. Ang ating huwarang ina na walang sawang nagbantay simula ng tayo ay nasa sinapupunan pa lang. Ang ating matipuno at masipag na ama na walang kapaguran sa paghahanap-buhay mairaos lang at mabigyan lamang tayo ng maginhawa at maayos na pamumuhay. Lahat ng kanilang pagmamahal at sakpisyo ay walang katumbas na halaga at bagay dito sa mundong ibabaw.

Baliktarin mo man ang mundo hinding-hindi mo mababago ang katotohanan sa likod ng iyong pagkatao. Ang iyong ina at ama ay mananatiling parte ng buhay mo magpakailan pa man. Kahit magkaroon ka na ng sariling pamilya sila ay mananatiling magulang mo. Iyong tandaan na igalang at mahalin mo ang iyong magulang dahil sila lamang ang taong hindi magsasawa at mapapagod na unawain ka sa kabila ng iyong paglukulang at pagkakamali sa buhay. Magkamali at magkasala man sila iyo ay hindi ito sapat na dahilan para mawala ang iyong respeto sa kanilang pagkatao. Ang iyong ina at ama ay ang mga taong hindi kailanman mahihigitan at mapapalitan ng sinuman sa buhay mo.

Wala tayong ibang dapat gawin kundi ang masuklian ang kanilang kabutihan sa atin. Kung wala man tayong sapat na pera o bagay na maiibibigay upang mapasaya sila sapat na ang igalang at mahalin natin sila habambuhay. Ang kanilang pagkakamali o kasalanan ay huwag nating gawing dahilan upang bastusin sila at paratangan. Kung may nagagawa man silang hindi maganda sa ating paningin ay tulungan natin silang makabangon sa pagkalugmok sa bagay na hindi magdudulot ng kabutihan sa kanila.

Samahan natin sila sa kanilang kalungkutan at kasawian. Kapag dumating man ang panahon na sila ay mahina na dahil sa kanilang katandaan atin silang kandilihin at alagaan katulad ng pag-alaga nila sa atin noong tayo ay bata pa at wala pang kamuwang-muwang. Walang ibang makapagbibigay ng kanilang pangangailangan at pagmamahal kundi ang anak na kanilang pinalaki at inalagaan noong sila ay malakas at wala pang karamdaman.

Wala silang ibang inisip kundi ang mga bagay na makakapagsaya sa atin. Ginawa nila ang lahat mapalaki lamang tayo ng maayos kahit gaano pa kahirap ang buhay. Pinag-aral nila tayo at pilit na iginapang sa hirap magkaroon lamang tayo ng magandang kinabukasan at matupad ang ating mga pangarap. Sapat na itong dahilan upang mahalin natin sila at igalang. Hindi mapapalitan at matutumbasan ng malaking halaga ang kanilang sakripisyo bilang magulang. Marami silang tiniis upang maibigay lamang ang ating mga pangangailangan. Tinipid nila ang kanilang sarili upang maibigay ang ating kagustuhan. Ang mga sakrispisyong ito ay hindi mababayaran kailanman.

Bagamat may mga magulang na masama at hindi natin maiwasan na magtanim ng galit at sama ng loob sa kanila manatili sana tayo sa matuwid na paraan na katulad ng nasusulat sa bibliya.

Efeso 6:2

Igalang mo ang iyong ama at ina (na siyang unang utos na may pangako),

Exodo 20:12

Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

Ito ang utos ng Dios na may pangako. Kung mananatili ka sa matuwid na paraan ng Dios ay magmamana ka ng kaniyang kaharian at magkakaroon ka ng mahabang buhay dito mundong ibabaw. Kapag ikaw ay tumalima sa kanyang utos na igalang at mahalin mo ang iyong magulang magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.

Ano pa man ang iyong kalagayan sa buhay hindi ito dapat maging hadlang upang gawin mo ang bagay na may katwiran. Magsilbi itong gabay saiyo upang mapabuti mo ang iyong pakikisama sa iyong magulang. Mahalin sila ng buong puso habang sila ay nabubuhay upang hindi mo ito pagsisihan sa bandang huli. Iparamdam mo ang kanilang kahalagahan habang sila ay nakakasama mo pa dahil darating ang araw na sila ay mawawala at hindi mo na maibabalik ang mga araw na sila ay nasa iyong tabi at nahahawakan mo pa. Habang hindi pa huli ang lahat iparamdam mo ang iyong pagmamahal sa kanila at huwag mahihiyang sabihin na "Mahal kita".

2
$ 1.11
$ 1.11 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments