Kwento ng aking Nanay

0 49
Avatar for rosienne
2 years ago

Ang artikulong ito ay hango sa talambuhay ng aking pinsan. Ako ay humingi ng kanyang pahintulot upang mailahad ko ang kwento ng kanyang ina tungkol sa kung paano nya nalagpasan ang mga pagsubok noong sya ay ipinagbubuntis pa lamang. Tunghayan ang maikling kwento na sumukat sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak.

" Sa tuwing sasapit ang aking kaarawan laging naiku-kwento ng aking ina ang pinagdaanan nya noong ako'y ipinagbubuntis nya pa lamang.

Sabi nya ito ay pwedeng gawing drama o palabas sa telebisyon. Iisipin nyo ba na ako'y nabuo ng isang beses lang? Oo, isang beses lang daw may nangyari sa kanila sabi ng aking ina. Sya noon ay isang single parent at ang aking tatay ay isa nya lamang trainee at nagi nyang tagabuhat. Ngunit sa hindi sinasadyang pagkakataon ay may nangyari sa kanila at ako ay nabuo.

Noong ako'y ipagbuntis ng aking ina ay walang naka-alam kahit na sino sa kanyang pamilya ni ang kanyang ina ay hindi alam dahil ako'y itinago nya at nagpa-alam lamang na maghahanap ng katulong at taga-pangalaga sa nakakatandang kapatid ko. Nagawa ng aking ina na ako ay ipitin, uminom ng softdrinks na may kasamang gamot, nag-jogging para ako ay malaglag at pinakamalubha sa lahat ay ang naisip nya na ipadurog ako pero that time na dudurugin na ako ay bigla daw syang nakaramdam ng takot sa Dios at nagsisi sa naisIpan nyang gawin. Simula noong araw na iyon ay pinagpatuloy nya na lamang ang pagbubuntis sa akin. Nakitira sya kung saan-saan, sa mga kaibigan nya para mairaos nya ang 4 na buwan pang pagbubuntis nya sakin. Naging malungkot daw ang kanyang pagbubuntis dahil mag-isa lang sya at nangungulila sya sa aking ate pero sya ay umiiwas sa kahihiyan kaya mas pinili nya pa din na magtago at makitira kung saan-saan sa kanyang mga kaibigan. Ngunit isang gabi habang sya ay kumakain ay nakaramdam sya ng pananakit ng tiyan pero imbes na sabihin sa kanyang kaibigan ay pinili na lang ng aking ina na mag-iwan ng sulat pasasalamat sa pagpapatuloy at pagkupkop sa kanya at tumungo sya sa pinakamalapit na hospital.

Madalas na sinasabi sakin ng nanay na kasabay nya ang mgtataho kasi noong oras na naglalakad sya papuntang ospital ay may naka-sabay syang magtataho kahit na pasado alas dose na ng gabi. Humanga ako sa kanyang katapangan dahil nagawa nyang manganak at magtungo sa ospital ng mag-isa. Noong ako ay naipanganak na at dinala sa Neonatal ward ay nagdadalawang isip daw ang aking ina na ako ay puntahan at tingnan dahil sa pangamba na baka ako ay may kapansanan dahil sa pagtatangka nyang ako ay ipalaglag. At dahil wala ding pambayad sa ospital ay naisip nya na ako'y ipa-ampon na lamang sa kanyang kaibigan.

Ngunit noong sya ay magising isang gabi dahil sa iyak ng isang baby ay agad nyang naisip na baka ako daw ang iyak ng iyak na iyon kaya dali-dali syang nagtungo sa neonatal ward. At ng makita nya ako ay bigla na lang daw tumulo ang kanyang mga luha. Ako ay malusog, walang kapansanan, maputi at mamula-mula ang pisngi. Laking pasasalamat nya daw sa Dios dahil hindi nya kami pinabayaan. Kaya nasabi nya sa kanyang sarili na kahit sampalin ako ng nanay ko ay iuuwi ko ang batang ito. At nang sya ay maka-uwi ganon na lamang daw ang gulat ng aking lola dahil imbes na katulong ang dala ay baby ang kalong-kalong nya. Mabait ang aking lola dahil imbes na magalit sya sa aking ina ay yakap at halik ang dumampi sa kanya. "

Sana naiibigan ninyo ang maikling kwento ng mag-ina. Hindi biro ang kanilang pinagdaanan dahil kung tutuusin kahit sinong buntis ay kailangan ng kalinga ng pamilya lalo na ng asawa. Ngunit sa kalagayan nila ay piniling itago ng kanyang ina ang pagbubuntis nito dahil sa takot na itakwil ng kanyang pamilya.

Ngunit totoo nga ang kasabihan na

" A mother's love is unconditional"

dahil sa kabila ng mga pangyayari ay hindi nya nagawang pagalitan ang anak na baby ang dala pag-uwi.

2
$ 3.58
$ 3.58 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments