Kapatid ko

2 83
Avatar for rosienne
3 years ago

Ito ay isang pagsasalaysay lamang sa isang bahagi ng aking buhay na hindi ko makakalimutan. Masasabi ko na isa ito sa pinakamasakit at mapait na karanasan. Hindi ko lubusang maisip ng mga oras na yun na mararanasan ko ang isa sa mga kinakatakutan kong pangyayari sa mundo. Isa sa pinakamalungkot na yugto ng buhay ko ay ang pagkawala ng aking pang-apat na kapatid na babae. Mahirap tanggapin para sa akin noong una dahil napakabata pa nya para bawian ng buhay.

Ilang araw pa lang bago siya bawian ng buhay ay ipinaalam sa akin ng aking ina na isinugod nila ito sa ospital. Nakakapanglumo ng marinig ko ang kanyang boses sa telepono noong tumawag ako dahil halos hindi na siya makapagsalita. Nahihirapan siyang huminga at namamaga ang kanyang mga braso, binti at hita. Naririnig ko ang kanyang pag-inda ng sakit ng kanyang katawan dala ng pamamaga ng mga ito. Ang tanging alam lang namin noon ay sakit sa puso ang nakita ng doctor ngunit hindi pa tiyak kung anong klaseng sakit ito dahil kailangan nya pang magpa 2D-Echo upang matiyak ang tunay niyang kalagayan. Ang 2D-Echo ay parang ultrasound ng puso kung saan lalabas ang hugis ng iyong puso sa isang telebisyon at matitiyak kung ano ba talaga ang kalagayan nito. Ngunit dahil sa kahirapan at kawalan ng suportang pinansyal naabala ang pagsagawa nito na naging dahilan upang lumala agad ang kanyang karamdaman. Hindi naman ito kamahalan ngunit dahil sa kakapusan namin noon sa pera ay wala kaming magawa kundi maghintay kung kailan kami makakautang at may mahihingan ng tulong pinansyal. Wala pa noon maayos na trabaho ang mga kapatid kong lalaki at ako naman ay nasa ibang bayan at dahil may sarili na rin akong pamilya hindi na halos ako nakakatulong sa kanilang pangangailangang pinansyal. Nakakapag-abot man ako ngunit maliit na halaga lamang.

Lumipas ang isang araw ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makahiram ng pera at ipinadala ko agad ito sa kanila. Kinaumagahan ay nakatakda na sya para sa kanyang 2D-Echo test at paglipas ng ilang oras ay lumabas na rin ang resulta. Napag-alaman na mayroon siyang heart failure. Ang mga sintomas nito ay katulad ng nabanggit ko kanina na pamamanas ng kanyang mga paa at hirap sa paghinga. Lumalaki rin ang kanyang puso at naapektuhan na rin ang kanyang baga. Ang sabi ng doctor ay magagamot pa naman daw ito, muling lumuwag ang aming kalooban dahil nagkaroon kami ng pag-asa at pinanghawakan namin ang sinabi ng doctor. Pagkatapos na makuha ang resulta ay bumili na sila ng mga ineresetang gamot at agad na ipinainom ito sa kapatid ko. Lumipas ang isang gabi at tila gumanda na raw ang kaniyang pakiramdam. Ang sabi sa akin ni mama ay kumakain na ang kapatid ko ng maayos at hindi na nagsusuka. Marami na rin siyang kinain at nainom na tubig. Mahimbing na rin ang kaniyang tulog at hindi na niya iniinda ang pamamaga ng kanyang mga binti at paa. Ngunit kinaumagahan ay nangyari na nga ang aking kinakatakutan. Ang akala namin na babalik na sa normal ang lahat ay napalitan ng isang masalimot na katotohanan.

Hindi ko lubos akalain noon na mangyayari sa akin ang mga nababasa at nakikita kong mga post sa social media na mga namamatayan. Hindi ko lubos akalain na sa mura niyang edad ay kukunin na sya sa amin. Sobrang nakakapanghina ng kalooban, pananampalataya at kaluluwa kapag nawalan ka ng mahal sa buhay. Magkahalong emosyon at imahinasyon ang iyong mararanasan. Tila isang bangungot na walang katapusan. Hindi ko maiwasang magtanong na bakit sa amin pa nangyari?

Ngunit sa kabaligtaran ay lubos na rin ang aking pasasalamat dahil natuldukan na rin ang kanyang paghihirap. Alam kong nakakaawa ang kanyang kalagayan noong mga panahon na yun kahit hindi ko siya nakikita. Noong marinig ko ang kanyang boses sa telepono ay ramdam ko ang hirap at pagtitiis niya. Alam kong lumalaban siya sa kanyang sakit dahil gusto niya pang mabuhay. Gusto niya pa kaming makasama. Ngunit hindi namin akalain na ganun na pala kalala ang kaniyang karamdaman dahil biglaan lamang ang mga pangyayari.

Ganunpaman sa loob ng dalawang taong lumipas mula ng siya ay mawalay sa amin ay bukal na sa aming kalooban ang pagtanggap sa nangyari. Masakit lang tanggapin sa una dahil napakabata pa niya, ngunit alam namin na tinuldukan lamang ng Dios ang kaniyang paghihirap para hindi na siya labis na masaktan at mahirapan pa sa kanyang karamdaman. Habang isinusulat ko ito ay muling naging sariwa ang mga ala-ala ng mga panahong iyon. Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha habang isinusulat ko ito.

Sa totoo lang wala kaming litrato na magkasama noong nabubuhay pa siya. Ayaw niya magpakuha ng litrato dahil mahiyain siya. Kaya nagulat na lang ako ng makita ko na gumawa siya ng facebook account at nagpost ng ilang litrato. Makalipas ang isang buwan mula ng paggawa niya ng social media account ay nagsimula na siyang magkasakit at nagpabalik-balik na sila sa ospital. Parang sinadya ng pagkakataon upang may maiwan siyang litrato sa amin. Maging ang kaniyang mga kaibigan ay halos wala ring maipakitang larawan na magkakasama sila sa litrato.

Mahirap tanggapin ang mawalan ng mahal sa buhay. Kaya sikapin natin na maiparamdam natin araw-araw ang ating pagmamahal sa mga taong nakapaligid sa atin. Dahil hindi natin alam kung kailan tayo at sila kukunin. Iparamdam natin na mahalaga sila atin upang wala tayong pagsisihan sa bandang huli at sabihin na sana pala niyakap at hinalikan ko na siya noon, na sana sinabi ko na kung gaano ko siya kamahal at kahalaga sa akin noong nabubuhay pa siya. Kahit anong gawin nating iyak at pagsisigaw hindi na nila tayo maririnig at hindi na nila mararamdaman ang pagmamahal na sinasabi natin. Kaya habang may panahon pa tayo dito sa mundo iparamdam natin sa ating mga mahal sa buhay kung gaano sila kahalaga sa buhay natin.

Labis ang aking pasasalamat sa Dios sa pagtulong niya sa amin na malagpasan ang pagsubok na ito.

6
$ 5.66
$ 5.66 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments

Stay strong po 🤗

$ 0.00
3 years ago

Thank you po..actually last 2018 pa sya nawala kaya ok naman na kami.mahirap lang talaga sa una.

$ 0.00
3 years ago