Kamag-anak
Ano ang una mong naiisip kapag nababanggit ang salitang kamag-anak? Kasundo mo ba ang iyong mga kamag-anak o kaaway? Alam mo ba na isa sa rason kung bakit tayo hindi umuunlad ay dahil sa ating mga kamag-anak na may mga ugaling crab mentality? Hindi ko naman nilalahat pero karamihan ay ganyan. Imbes na tulungan kang umangat ay hahatakin ka pa pababa.
Base sa aking karanasan maraming mga negatibong pag-uugali ang mas nakita ko sa aking mga kamag-anak at bibihira ang nagustuhan ko sa kanila. Dahil kami ay mahirap lamang naranasan ko na kutyain kami ng sarili naming kamag-anak. Ang liit ng tingin nila sa amin dahil kami ay mahirap lamang at sila ay nakaka-angat sa buhay. Pasalamat ako sa aking ina dahil kahit mahirap lamang kami ay napalaki nya kami ng maayos at may respeto sa mga taong katulad nila. Hindi kami pumapatol sa mga humahamak sa amin. Mayroon din naman na mga inggetera, oo, mahirap lang kami pero may mga kamag-anak kaming naiinggit sa amin. Hindi na mawawala yan kahit saan ka man magpunta. Mayroon din mahilig maki-alam. Lahat ng ginagawa namin pinapaki-alaman kahit wala naman silang ambag sa buhay namin.
Bihira ang kamag-anak na mayroong magandang intensyon at may mabuting kalooban. Ang iba ay nakikipag-plastikan lamang. Ang iba naman ay mayayabang na akala mo ay kaya na nilang bilhin lahat ng bagay. Mabuti pa ang ibang tao minsan mahihingan mo ng tulong samantalang sa kamag-anak mo hindi kana tutulungan makakarinig ka pa ng masasakit na salita. Malungkot isipin ang mga ito pero ito ay pawang katotohanan lamang. Kaya napaka-swerte ninyo kung mayroon kayong kamag-anak na talaga namang mababait at matulungin sa lahat ng oras.
May mga pamilya kasi na nagtatalo sa mga maliit na bagay at lumalaki dahil makikitid ang utak at hindi marunong magpatawad. Ang simpleng problema na dapat pag-usapan sana ay ginawa ng dahilan upang mag-away-away na nagiging ugat ng pagkakabaha-bahagi. Kung marunong lang sana lahat ng tao magpakumbaba ay mas masaya at magaan ang buhay natin kahit ano pang problema o pagsubok ang dumating. Dapat sa pamilya ay nagtutulungan hindi naghahatakan pababa na gaya ng gawain ng iba. Sana lahat marunong magpatawad dahil lahat naman tayo ay nagkakamali at nakakagawa ng kasalanan. Bilang pamilya dapat tayo sana ang nagtutulungan upang guminhawa ang ating mga puso at isipan. Daig pa natin ang mayaman kung tayo ay may peace of mind!