Kaibigan
Sino at ano ang unang pumapasok sa inyong isipan kapag naririnig ang salitang kaibigan? Ano ba ang purpose nito sa buhay natin?
Ang naalala ko sa tuwing naririnig ko ang salitang kaibigan ay ang mga taong nakasama ko noong ako ay bata pa hanggang sa ako ay nagdalaga. Sa sitwasyon ko noon ay hirap akong magkaroon ng kaibigan na masasandalan ngunit may bukod tanging tao na karamay ko sa tuwing ako ay labis na napipighati sa mga pangyayari sa aking buhay. Ang aking matalik na kaibigan na kahit kailan ay hindi ko makakalimutan. Bukod sa mga ala-ala at pagsasama na nabuo namin ay siya din ang sumagip sa akin noong ako ay muntik ng malunod. Kaya labis na ako ay nagpapasalamat sa kanyang presensya ng araw na iyon. Siya rin ang kasama ko tuwing papasok ng eskwelahan. Simula kinder hanggang grade 6 ay magkaklase kami. Ngunit nung kami ay tumuntong na ng hayskul ay magkaiba na kami ng classroom. Sobrang nalungkot ako noon dahil ganun pala ang pakiramdam kapag nawalay ka sa taong lagi mong kasama. Maraming nagbago simula noon pero hindi pa din mapapantayan ang aming pinagsamahan. Magpahanggang ngayon na mayroon na kaming mga sariling buhay at landas na tinatahak ay hindi pa din namin makakalimutan ang isa't-isa. Malayo man ang agwat ng aming kinaroroonan ay pinagbubuklod pa din kami ng aming pinagsamahan. Labis akong nagpapasalamat sa Dios dahil sa kabila ng maraming pangyayari at kahit marami ang nagbago alam kong andun pa din ang friendship namin. Lumipas man ang maraming taon ay nanatili pa din ang komunikasyon namin sa isa't-isa.
Hindi ko man sya masandalan sa lahat ng oras ngunit alam kong nandiyan lang sya kapag kailangan ko ng makaka-usap. Wala man akong maraming kaibigan ay masaya pa rin ako dahil nakatagpo ako ng kaibigan na totoo at may malasakit. Hindi man perpekto ang aming pinagsamahan ay mas marami pa din ang bagay na kinapulutan namin ng aral at naging mas matatag kami dahil sa aming mga karanasan. Ang kaibigan ay ang taong dapat na tutulong saiyo upang maging isa kang mabuting tao hindi para sirain ang sarili mo. Hindi bisyo ang iaalok saiyo kundi mga aral at oportunidad na magpapaganda sa buhay mo at mga bagay na hindi mo ikakapahamak. Mas gugustuhin ko ang kaunting kaibigan basta totoo kaysa sa marami ngunit mga ngiting-aso naman.
Kapag wala akong maka-usap o kaya madaingan ng aking mga saloobin ay aking na lamang sinusulat dito. Malaking tulong ang pagsusulat upang maipahiwatig ko ang aking nararamdaman. Bukod sa kumikita ako ng bitcoincash ay nagkakaroon pa ako ng oportunidad upang matuto sa ibang bagay sa pamamagitan ng pagbabasa ng article na matatagpuan sa site na ito. Minsan hindi lang tao ang pwede mong maging kaibigan kundi pati ang mga bagay na kahit di mo nakakausap ay nakakapagbigay ng kasiyahan sayo at nakakapulot ka ng aral.
Ang bait naman Ng kaibigan mo Sana may Ganyan din akong kaibigan. Ang tong kaibigan ay handang mag sakripisyo para sa iba. Handang tumulong kung kinakailangan.