Isa sa pinakamahalagang bahagi ng buhay ng isang tao ay ang edukasyon. Ano pa man ang iyong estado sa buhay ay mayroon kang karapatan na makapag-aral. Subalit nakakalungkot isipin na marami ang mga bata na hindi nakakapasok sa paaralan o hindi nakakapagtapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan at kapabayaan ng magulang. Marami ding sakuna ang nagiging dahilan ng pagka-antala sa pag-aaral katulad na dito ang paghagupit ng mga bagyo, paglindol at matinding pagbaha na labis na nakakapekto sa mga mag-aaral. At isa sa pinakamalubhang sitwasyon na naranasan ng sanlibutan ay ang pagkalat ng sakit na kilala sa tawag na Covid-19. Malaking pinsala ang naidulot nito sa ekonomiya, edukasyon at imprastraktura. Kasabay nito ang pagsuspende sa lahat ng uri ng transaksyon paloob at palabas sa isang bansa. Marami ang nawalan ng hanap-buhay sa pagtalaga ng lockdown sa lahat ng lugar lalong-lalo na kung saan mayroong mga positibo at hinihinalang dinapuan ng nakakahawang sakit na ito. At dahil din dito napilitan ang Kagawaran ng Edukasyon na ipatupad ang online classes at modular learning system sa mga lugar na walang internet. Naging limitado ang lahat ng paggalaw ngunit patuloy pa rin ang mga guro at mag-aaral sa pag-abot ng kanilang mithiin.
Kahit gaano pa kahirap ang naging sitwasyon natin ngayon ay hindi ito naging hadlang upang ipagpapatuloy ang pagtuturo at pagpapatnubay ng mga guro sa mga mag-aaral kaalinsabay nito ang pakikipagtulungan ng mga magulang na mas maging epektibo ang isinagawang uri ng pag-aaral. Bagamat mahirap para sa karamihan ang naging sitwasyon dahil marami ang nawalan ng hanap-buhay hindi ito naging hadlang upang maipag-patuloy ang nasimulang adhikain ng Kagawaran ng Edukasyon maging ang mga guro, mag-aaral at mga magulang.
Gaano nga ba kahalaga ang edukasyon sa buhay ng isang tao?
Napakahalagang instrumento sa buhay ng tao ang edukasyon at karunungan. Ang edukasyon ang magiging susi sa kahirapan tungo sa pag-unlad. Ito ang magbibigay ng oportunidad sa isang tao upang magkaroon ng magandang uri ng pamumuhay. Ito ang magsisilbing kanyang hagdan upang makamit ang kanyang mga pangarap sa buhay. Ang karunungan ay ang bagay na kailanman ay hindi mananakaw sa isang sangkatauhan.
Bilang isang high school graduate ay napakahirap ang magkaroon ng magandang trabaho lalo na't pangkaraniwang hinahanap ay college graduate at may karanasan na. Pinagsisisihan ko ang mga pagkakataong lumipas lamang at nasayang. Ngunit kahit hindi ako napagtapos ng pag-aaral ng aking mga magulang ay hindi ako nagtanim ng sama ng loob dahil alam kong hirap din sila sa sitwasyon dahil malaki ang aming pamilya. Mahirap lang din kami at walang ibang pagkukunan ng kabuhayan kundi ang kopra at pagsasaka. Isa sa mga pinagsisisihan ko ay hindi ako nagsikap na mapag-aral ko ang aking sarili dahil sa takot at kawalan ng tiwala sa sarili. Kaya ngayon hindi ko minsan maiwasan na makaramdam ng inggit sa mga taong may maayos na trabaho, buhay at pamilya.
Kaya ang maipapayo ko sa mga magulang sana kahit gaano pa kahirap ang buhay ngayon, gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang mapagtapos natin ang ating mga anak sa kanilang pag-aaral. Ito ang tanging maipapamana natin sa kanila na hindi maaangkin ng iba. Ito ang magiging isang sandata nila sa hinaharap. Ito ang magiging susi upang magkaroon sila ng magandang trabaho at pamumuhay.
Kung ikaw naman ay isang mag-aaral dapat pahalagahan mo ang mga pagtitiis at pagsisikap ng iyong mga magulang mapagtapos ka lang sa pag-aaral. Pahalagahan mo ang bawat sentimong ibinibigay saiyo at ibinabayad sa paaralan upang maging maayos lang ang iyong kalagayan sa hinaharap. Huwag kang papadala sa tukso at bugso ng iyong damdamin upang gumawa ng mga bagay na hindi angkop at karapat-dapat. Isipin mo ang iyong magiging kapalaran.
Marami ang magiging benepisyo ng edukasyon at karunungan sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao. Ang mga taong nakapagtapos ng pag-aaral ay mas umaani ng pagkilala at respeto ng ibang tao kumpara sa mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Mas marami ang oportunidad na nagbubukas sa taong nakapag-aral. Hindi ka basta-basta lalaiitin ng mga tao. Ikaw ay magkakaroon ng tiwala sa iyong sarili ng higit pa sa iyong kakayahan dahil sa papel na iyong pinaghahawakan. Magkakaroon ka ng positibong pananaw sa buhay dahil sa mga natutunan mo sa eskwelahan at magagamit mo ang iyong karunungan hanggang sa iyong pagtanda. Wala naman age limit pagdating sa pag-aaral, may mangilan-ngilan akong kakilala na kahit may edad na ay pinilit nilang makapagtapos ng pag-aaral dahil naniniwala sila na ito ang magiging susi sa kanilang pag-unlad.